Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Sunday, March 26, 2006

“Alejandro’s Gift” at si Ming Lo


Dalawang librong pambata (picture book) na binasa ko sa Bestseller (National Bookstore) sa Podium Mall, Ortigas noong Linggo:


“Alejandro’s Gift” ni Richard Albert, iginuhit ni Slyvia Long—Habang binabasa ko ang aklat at binubuklat ang mga pahina ng mga larawan, pakiramdam ko’y nagbabasa ako ng kuwento ng paglikha. Sa lungkot ni Alejandro sa pananahanang mag-isa sa disyerto, nag-isip siya ng paraan kung paano ito magkakabuhay at paano siya mapasasaya sa tila patay na lugar. Naalala ko ang mga kuwento ni Bathala na kaya lumikha ng mga bagay sa daigdig ay upang mapasaya niya ang sarili at hindi mabagot sa kawalan. Hindi man niya sabihin, hindi kayang mag-isa ni Alejandro. Kailangan niya ng mga kaibigan at mga dadalaw sa malungkot na buhay. Sa tulong ng mga guhit ni Sylvia Long, unti-unting nagkabuhay at nagkakuwento at nagkaroon ng ligaya sa munting bahagi ng disyerto, matapos mapagpasyahan ni Alejandro na magpatayo ng tubigan para may maiinuman ang mga hayop sa lugar na ito. Nagustuhan ko ang aklat sa pagiging impormasyonal nito na naisusulat sa interesanteng pamamaraan, at iyon sa sa malikhaing prosa. Nais ko rin ang huling spread ng aklat na ipinapakilala ang mga hayop na nakita ng mambabasa sa kuwento.

“Ming Lo Moves The Mountain” ni Arnold Lobel—Habang binabasa ko ang kuwentong ito, agad pumasok sa aking isipan ng iba’t ibang kuwentong numskull (kuwento ng pagiging tanga o ungas) sa folklore ng Pilipinas. Amerikano ang sumulat at gumuhit ng mga larawan, tila hango sa Tsinong materyal, pero unibersal ang nilalaman. Naniniwala naman akong unibersal ang mga kuwento sa daigdig; maaaring nagbabago ang mga pangalan, tagpo, lunan, panahon, ngunit iisa lamang ang hulmahan. Hindi sinabi ni Lobel kung ang kuwento niya’y isang retelling; gayunpaman, nakalikha siya ng isang folktale o kuwentong-bayan. Ganito ang kuwento: may mag-asawang naiinis sa posisyon ng kanilang bahay sa tabi ng bundok dahil laging itong nahuhulugan ng mga bato, atbpang dahilan. Kumonsulta ang bana sa isang matandang matalino para pagalawin ang bundok at lumayo sa kanilang tahanan. Gamit ang magical na numerong tatlo (3), naisagawa ng lalaki ang serye ng tatlong pagsunok at kabiguan: ang pagtulak sa bundok sa pamamagitan ng katawan ng puno, ang pagkalembang ng kaldero para maingayan ang bundok, at ang pag-alay ng mga pagkain para sa diwata at tagapangalaga ng bundok. Napaka-Asyano ng mga eksenang ito, lalo na ang pag-aalay bilang patunay ng animismong tradisyon. Sa huli, “naitulak” nga ni Ming Lo ang bundok sa pamamagitan ng pambihira ngunit karaniwang “sayaw” na atas ng matandang matalino. Magugustuhan ng mga bata ang kuwentong ito sa pagtatampok ng mga malalamig na kulay sa larawan at ang katatawanang taglay ng isang numskull na kuwento. Kung sabagay, mayroon bang numskull na hindi nakakatawa?

Saturday, March 25, 2006

“Stellaluna” at iba pang Aklat pambata na Binili’t Binasa



Nakuha ko ang tatlong librong ito sa kabubukas pa lamang na kahon ng mga aklat sa Chpaters and Pages sa Market! Market! Mall. Kahit na nabasa ko na ang mga librong ito, at may kopya pa ako ng kuwento dahil nasama sa antolohiya, bumili pa rin ako ng sariling libro. Sa halagang PhP 20 ang bawat isa, wala na akong mahihiling pa.

“Stellaluna” ni Janell Cannon—Isang bagong aklat na maituturing nang klasiko. Mainam na kuwento upang pagtibayin ng konsepto ng pamilya, komunidad, at lahi. Ukol ito sa isang batang fruit bat na nawalay sa kaniyang ina nang sinalakay sila ng isang kuwago. Napunta sa pangangalaga ng ibon si Stellaluna at sa yaw man niya, itinakda sa kaniya ang gawi ng mga ibon. Hanggang sa kaniyang pagtanda, muli niyang nakasalubong ang kauri at nakilala ang kaniyang totoong sarili. Nagustuhan ko sa aklat ang mga tala sa huling bahagi na nagbibigay-impormasyon ukol sa katangian ng mga fruit bat.

“Blueberries for Sal” ni Robert McClosky—Naligayahan ako sa aklat na ito sa pagtatampok ng benign na mundo—isang mundong walang matinding problema, mundong walang panlipunang problema. Sa halip, nakita ko rito ang selebrasyon ng buhay: ang pamimitas ng blueberry ng dalawang mag-ina. Matalino ang estruktura ng kuwento sa pagkagamit ng dalawang parallel na pangyayari sa mag-inang tao at bear. May humor at suspense din sa pagkakapalit ng dalawang anak sa kanilang mga ina. Nasorpresa rin ako na babaeng bata pala si Sal. Ngayon ko lang napansin. Hitik din sa kaligayahan ang relasyong mag-ina habang nag-iimpok sila ng makakain sa panahon ng taglamig.

Gayunpaman, sa aklat ni McClosky, pinakapaborito ko pa rin ang kaniyang "Make Way for Ducklings."

“Runaway Bunny” ni Margaret Wise Brown—Muli, isa rin itong klasikong aklat pambata. Tunay akong nasiyahan dahil nakuha ko ang tatlong librong ito sa halagang PhP 60 lamang at maiinam ang mga kopya. Ang unang kopya ng aklat na ito ay ibinigay ko sa anak ng isang kaibigan dahil naiyak at nagustuhan niya ang kuwento. Nang makita ko ulit ito, binili ko. Para naman magkaroon ako ng sariling kopya. Sentimental ang kuwento ukol sa pagsasakripisyo ng ina para sa anak na suwail ba o makulit o rebelde. Mainam ang gamit ng mga pag-uulit sa naratibo, maging ang ritmo at ang pag-unlad ng mga sitwasyon. Maihahanay ko ang aklat na ito sa mga kuwentong “The Giving Tree” at “Guess How Much I Love You” sa sentimentalidad at salik na kurot-sa-puso.

“How To Eat Fried Worms” ni Thomas Rockwell


Bakit ko ito pinagpasyahang basahin?

1. Para makabasa ng librong panlalaki o di-direktang isinulat para sa kabataang lalaki;
2. Para mabasa ang isang klasikong Amerikanong nobelang pambata;
3. Para makapagbasa ng nobelang pambatang walang seryosong isyu o usapin na namamalasak ngayon sa YA novels;
4. Para makapagbasa ng masayang kuwento;
5. Para malaman kung paano nagagamit ang kultura ng mga bata(ng lalaki) sa isang prosang pambata;
6. Para matunghayan ang kultura ng mga bata, batay sa depiksiyon ng nobela; at
7. Para makaengkuwentro ng isang nobelang pambata na walang kamatayan, hindi nawawala sa uso, at nagtatagal sa gunita ng mga mambabasa.

Pangkalahatang obserbasyon:

Likas na may kasamaan o kapilyuhan ang mga bata. May angkin din silang katalinuhan na dapat ipakita sa mga akdang pambata. Radikal din ang konsepto o ideya ng aklat--lalo na't marumi ang tingin sa mga bulate. Nakatutuwa ang makabasa ng nobelang hindi gaanong deskriptibo. Masarap basahin ang aklat at maeengganyo ang mga bata na maghanap pa ng babasahin. Mainam din ang wakas at resolusyon ng kuwento.

“Baboushka and the Three Kings” at iba pa


“Time to Say ‘Please’” ni Mo Willems—Akmang aklat para sa mga bata at nakatatanda para ibahagi ang halaga ng pagiging magalang. Ganito ang modelo ng kuwentong may layong magturo nang hindi nangangaral. Nakapaloob sa aklat ang katalogo ng insidente para banggitin ang “please” na tila salitang may salamangka. Dagdag pa rito ang paggamit ng mga salitang “excuse me”, “sorry” at “thank you.” Muli, malaki ang tulong ng mga daga sa aklat para maging kaiga-igaya ang simpleng kuwentong ito.

“Ten, Nine, Eight” ni Molly Bang—Dalawa ang tagumpay ng aklat na ito. Una, ito ay kakaibang aklat ng pagbibilang. Kuwento rin ito ng pampatulog sa batang binabasahan. Pangalawa, kundi man radikal, bago ang pagtatampok ng mag-amang itim sa aklat na ito.

“Stone Soup” ni Marcia Brown—Marami nang napanalunang Caldecott si Brown pero ito ang kauna-unahang aklat niya na nabasa ko. Batay ito sa kuwentong-bayan sa France na tila isang trickster tale. Itinampok kung paano naakit ng tatlong kawal mula sa digma ang pakainin sila ng buong komunidad na maramot. Isa itong kuwentong pampamayanan. Ipinapakita ng kuwento kung papaano lalabanan ang gutom at kahirapan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng isang komunidad. Hindi indibidwalismo ang solusyon kundi ang pagbibigayan.

“Si Carancal Laban sa Lindol” ni Rene Villanueva. Kung si Rio Alma ay may serye ng Pilandok, si Villanueva naman ay may Carancal. Kapwa mga bayani ang tampok na tauhang ito. Kakaibang bayani si Carancal dahil maliit na bata ito, katulad ng mga bata sa mga etnoepiko ng Pilipinas. Dalawang alamat ang nakapaloob sa kuwento—ang dahilan ng paglindol at kung bakit hindi nagtatayo ng matataas na bahay sa Pilipinas. Mainam ang aklat na ito para ipakilala ang yaman ng folklore sa bansa at kapanabay na babasahin ukol sa lindol sa bansa.

“Mister Seahorse” ni Eric Carle—Hindi talaga ako nawawalan ng Carle sa mga binabasa ko. Naalala ko ang pelikulang “March of the Penguins” sa kuwentong ito. Mangyari pa, ang aklat na ito ay parangal sa kadakilaan ng mga ama, tulad ng mga amang tilapia, seahorse, pipefish, bullhead catfish, at kurtus nurseryfish na siyang nangangalaga sa mga itlog na iniluwal ng mga babaeng isda. Kakaibang kuwento ito ng role reversal sa pag-aalaga ng mga supling.

“Baboushka and the Three Kings” ni Ruth Robbins at iginuhit ni Nicolas Sidyakov—Napakasimple ng prosa at napakaelegante ng mga larawan. Nagustuhan ko sa aklat na ito ang deskripsiyon ng init sa loob ng tahanan at ang lamig ng snow sa labas na sumasagisag sa puso at kalooban ni Baboushka. Kuwento itong Pamasko; at nagitla ako na may ganito palang folklore sa Russia. Mangyari, si Baboushka ang maituturing kong katumbas ni Santa Claus sa mga batang Ruso. Inimbita si Baboushka ng tatlong hari para hanapin ang kakasilang na si Hesus. Hindi sumama si Baboushka dahil may tatapusin pa raw siya sa bahay. Huli na nang natauhan siya. Kaya, mula noon, panata niya na hanapin ang landas na tinahak ng tatlong hari para magbigay-pugay sa kasisilang na dakilang sanggol.

“Angus and the Cat” ni Marjorie Flack—Sa una kong tingin, masasabi kong luma at gasgas na ang kuwentong ito. Pero hindi pala. Bukod sa kuwento ito ng pagkakaaway at pagiging teritoryal ng Scottish Terrier sa isang bagong dating na pusa, kuwento ito kung paano naging malapit at mapagbigay ang aso sa sorpresa niyang kaibigan. Nabihisan ng ugali ng mga bata ang ugali ng mga hayop sa kuwento—sa simula’y mag-aangilan, makulit din naman ang pusa, at sa bandang huli, malalaman na kailangan pala niyang makita at makasama ang dati at madalas na kinaiinisan.

Friday, March 17, 2006

“Tom & Puddle: Charming Opal” Atbp. Aklat Pambata


“Leonardo The Terrible Monster” ni Mo Willems—Maganda ang ilustrasyon, cute pero nakaiinsulto sa mga bata o hindi komersiyal ang disenyo at karakterisasyon. Gusto ko rin ang gamit ng mga blangkong espasyo sa mga pahina ng aklat na nagbibigay-gaan sa mga mata. Gayunpaman, ang kuwentong may hawig sa pelikulang “Monsters, Inc.”

“The Other Side” ni Istvan Banyai—Siya rin ang manlilikha ng aklat na “Zoom.” Noong una kong binuklat ang aklat, naguluhan ako. Dahil wordless, nahirapan akong sundan kung may kuwento ba ang aklat. Hindi kronolohikal ang kuwento. Dagdag pa, walang kuwento. Hindi ko binitiwan ang aklat na ito. Sinubukan kong unawain gamit ang mga larawan. Ang konsepto’y aalamin kung ano ang nasa kabila ng larawan. Mainam na aklat ng paghuhula—may mga sorpresa, may munting mga kuwento, may katatawanan, may simpleng pantasya.

“Giggle, Giggle, Quack” ni Doreen Cronin—Muli na namang nagpakitang-gilas ang mautak na Duck! Itinatanghal ng aklat ang kapangyarihan ng pagsusulat o ang kaalaman sa komunikasyong pasulat. Dahil alam ito ni Duck, nakuha nila ang nais mula sa katiwala ng farm: pizza bilang hapunan, paliligo ng mga baboy, at ang panonood ng pelikulang “Sound of Moosic.”

“The Little Seed” ni Eric Carle—Aaminin ko na: naging paborito ko nang manlilikha sina Mo Willems at Eric Carle. Kapag pumupunta ako sa mga bookstore, sila ang una kong hinahanap. Itong aklat ni Carle ay isang halimbawa ng science concept na isinakuwento. Ipinapakita ng makulay na aklat, sa sariling tatak ni Carle sa pagguhit, ang pag-unlad ng mga halaman, ang apat na panahon (wala nito sa Pilipinas kaya hindi ako makapanaginip ng winter, spring, at autumn), buhay at kamatayan sa pagdaan ng mga panahon. Mangyari pa, kuwento rin ito sa pagtitiyaga ng late bloomer na buto hanggang sa mamulaklak ito. Maraming talinghaga ng buhay sa aklat—pagkasilang, paglalakbay, pamumulaklak, pagkalagas, pagsibol, kamatayan, muling pagsilang. Hinangaan ko ang aklat hindi dahil sa siyentipikong nilalaman kundi ang mensahe nito ukol sa buhay.

“Wiggle” ni Doreen Cronin—Kumpara sa mga kuwento niya ukol sa mga hayop sa farm, lubhang matamlay ang kuwentong ito. Kulang sa enerhiyang pangnaratibo at makaluma ang dulog sa pagkukuwento. Gamit ang ilang taludtod sa bawat pahina, tinatalakay nito ang pamumuhay ng magaslaw at aktibong aso, konsepto ng panahon, mga uri ng hayop, mga galaw ng hayop, at ang natural na pamamahinga ng mga bagay na may buhay.

“The Grey Lady and the Strawberry Snatcher” ni Molly Bang—Piyesta sa paningin at sa kuwento ang aklat na ito, gayong walang nakalimbag na teksto para magkuwento. Hinayaan ng manlilikha na magkuwento gamit ang mga imahen. Pinakapoetiko rito ang matandang babae na nakasuot ng grey—poetiko dahil tulad ng hunyango, nakakapagtago ito sa kakulay na kaligiran. Hitik sa suspense ang kuwento na kagigiliwan ng mga mambabasa hanggang sa maramdaman ng mga bata ang halaga ng tahanan at pamilya bilang kanlungan.

“Tom & Puddle: Charming Opal” ni Holly Hobbie—Tunay na pambatang aklat na naglalaman ng pambatang karanasan at kultura—ang pagbabakasyon kasama ng pinsan, ang ligaya ng mga bata sa probinsiya, ang pamimitas ng prutas, ang paliligo sa pond, ang pagkalagas ng ngipin, pamahiin sa tooth fairy, paglangoy, at paglalaro sa luntiang paligid na kung tawagin sa kuwento’y Woodcock Pocket. Muling pinagtitibay ng aklat na ito na karapatan ng mga bata ang maayos na kalikasan. Napaka-inosente ng kuwento at sitwasyon. Walang drama o masidhing agenda sa pagkukuwento. Naalala ko ang pelikulang “My Neighbor Totoro” sa kuwentong ito.

“Each Peach Pear Plum” nina Janet at Allan Ahlberg—Muli, ito’y aklat ng konspeto na naghahain ng mga tauhan sa alamat at awiting-bayan ng Inglatera o Europa. Sabi sa aklat, “In this book/ with your little eye/ take a look/ and play “I spy.” Tila muling pagpapakilala ito sa mga bata ng mga nalimot na tauhang maalamat tulad nina Cinderella, Robinhood, Tom Thumb, Three Bears, Jack and Jill. Para sa bata, ito’y magandang aklat ng paglalaro. Para sa mga guro, ito’y simpleng aklat sa pagpapaunlad ng cultural literacy ng mga bata. Nawa’y makalikha rin ng ganito sa Pilipinas para makilala ng mga mambabasa ang tauhang makikilala na lang sa mga alamat.

Wednesday, March 15, 2006

“Time to Pee!” ni Mo Willems


Isa sa mga sikreto ng matatagumpay na aklat pambata ay ang binibigyan ng sense of achievement (ang may mapagtagumpayan) ang batang tauhan sa teksto. Isa ring paraan ay ang pagseryoso sa problema ng mga bata. Kadalasan kasi, ang tingin sa mga problema ng mga bata ay maliliit at simple lamang. Ngunit para sa mga bata, ang mga problemang ito (e.g., ang tamang pag-ihi) ay isang malaking hamon at adbentura para sa kanila.

Ito ang paksain ng aklat ni Mo Willems—ukol sa kakaibang nararamdaman ng mga bata (pakiramdam na naiihi) na dapat ay bigyang-pansin. Nakuha ng autor-ilustrador ang sikolohiya ng mga bata. Totoo, maraming bata ang naiihi sa kanilang salawal—kapag nasa eskuwela, kapag natutulog, kapag naglalaro, kapag natatakot sa gabi at ayaw pumunta sa banyo. May mga bata at matanda ring umiihi sa swimming pool. Noong nasa grade school ako, marami akong kaklase na naiihi sa kanilang salawal. Maging ako rin, noong grade 2, ay naihi dahil sa pinipigil ko ito. Ewan ko lang, pero noon, parang nakakahiyang aminin na gusto kong umihi o may nararamdaman kang dapat mong ilabas. Ang resulta: nagiging school legend ang pag-ihi o ang pagdumi ng bata hanggang sa kaniyang paglaki. Unibersal na yatang kahihiyan ito ng bawat nag-aaral, na dadalhin niya hanggang pagtanda.

Kung kaya, mahalaga ang mga aklat pambata na “munti” man ang problema, nagiging adbentura, o nagiging paksain at sentral na problema sa aklat pambata. Kahalintulad ito ng isang popular na aklat pambatang “Everyone Poops” ni Taro Gomi na ipinapakitang natural sa lahat ng nabubuhay at sa mga hayop (kasama na ang mga tao) na dumumi. At dahil natural, hindi ito dapat ikahiya. Ewan ko ba sa lipunang Filipino kung bakit ikinahihiya iyon. Nakakahiya ba ang makaramdam na nais mong dumumi? Noong bata rin ako, sa elementarya, umuuwi pa ako ng bahay para dumumi; mabuti’t malapit lamang ang aming tahanan sa eskuwelahan. Ayaw kong dumumi sa eskuwelahan. Ikinahihiya ko iyon. O baka naman talagang madumi ang mga kubeta sa aming eskuwelahan. Biro nga'y MacArthur. Tinanong ko ang nagbigay ng joke na iyon. Saka bulong sa akin, "Nag-I shall return."

Ang tagumpay sa aklat ni Mo Willems ay ang pagbibigay-dangal sa natural at biolohikal na akto. Aniya, “Now is your chance to show how big you are.” Bukod pa rito, napaka-pragmatiko at edukasyonal ng aklat, kaya nabigyan ito ng pagkakataon na mailathala. Ang aklat na ito’y tila isang journal ng pag-ihi. May success chart ito at mga sticker. Magandang aklat ito para sa mga batang nasa proseso o yugto ng toilet training.

Kahanga-hang rin ang ilustrasyon ni Willems. Gamit ang sariling tatak ng pagguhit, maihahalintulad ko sa mga dubuho sa “Knuffle Bunny”, naging puno ng salamangka ang gawaing tila ordinaryo, o labis na ordinaryo, para sa mga may edad na. Tuwang-tuwa ako sa mga dagang nagmistula pang banda para ipakilala sa bata ang isang kubeta. Tawa ako nang tawa nang makita ko ang ilustrasyon na iyon. Kung ako ang bata at tinuturuan ng tamang pag-ihi, mabilis akong matututo. At hindi na akong maiiihi pang muli sa salawal.

Tuesday, March 14, 2006

“Fat Kid Rules the World” ni K.L. Going


Wala naman akong masayadong ginagawa, ayoko namang ma-stress, hindi naman ako nagtatakda ng kung ano ang dapat gawin sa sarili, kaya minabuti kong tapusin ang nobelang ito. Wala munang internet, sabi ko sa sarili, tatapusin ko muna. Nabasa ko na ang ¼ ng aklat, kaso nga, dahil sa comprehensive exam para sa PhD, hindi ko na natapos. Binitiwan ko. Ngayon ko lang pinasyang balikan, pagkaraang makabasa muli ng kontemporaryong young adult novel. Sa lawak kasi ng anyo ng panitikang pambata, mahirap ang palipat-lipat ng disiplina sa pagbabasa. Iba ang disiplina sa pagbabasa ng picture book, iba ang teknik sa pagbabasa ng nobelang pambata, lalo na ang young adult na aklat. Napapansin ko, medyo nahihirapan akong pumasok sa mundong nalilikha ng young adult novel dahil bukod sa wika at istruktura nitong makabago at sopistikado, kadalasan nitong itinatampok ang kabataan ng lipunang Amerikano. Kadalasan din, kultura pa ng African-American ang mga bida at konteksto. Mabuti’y may mga nobelang YA na madaling basahin dahil sa husay ng manunulat na akitin ang mga teenager na mambabasa. May taglay ang mga prosa nito ng elementong popular—wikang pangkasalukuyan, humor, maiikling talata at kabanata, mabilis na aksiyon, interesanteng tauhan, kakaibang istruktura sa pagkukuwento, panlipunang nilalaman, at makukulay na subplots.

Halos taglay ng nobelang “Fat Kid Rules the World” ang mga nabanggit kong katangian ng popular na YA novel. Gayunpaman, hindi ko maakusahan ang nobela bilang isang basura o mahinang uri ng aklat. Dahil kung hindi, bakit pa ito nagwagi ng Printz Honor? O bakit ko pa ito pinahanap at pinabili sa kaibigan?

Nakalikha si K.L. Going ng simpatetikong matabang tauhan. Nakaugnay ako ang tauhang ito (hindi naman dahil sa humantong ako sa halos 300 lbs. na timbang kundi alam ko ang kaniyang pinagdaraanan). Ang pang-akit sa akin ng mga YA novel ay ang pagtatampok ng mga tauhang outcasts. Gustong-gusto ko na nabibigyan ng tinig at kapangyarihan at pagkilala at pagsusuri ang mga tauhang hindi napapansin o papansinin ng karamihan. Gusto ko ang tauhang si Liam sa “Luna”, si Troy sa nobelang ito, at ang mga pangunahing tauhan sa “Speak” at “The Earth, My Butt, and Other Pretty Round Things”—sila ang mga tauhang biktima pero sa bandang huli’y maiigpawan ang mga patong-patong na problema at hamong kanilang kinakaharap. Nagustuhan ko rin ang aklat sa pagtatampok ang di-inaasahang magkaibigan (tila ugnayan ng tauhang alkoholiko at prostitute sa “Leaving Las Vegas”)—isang suicidal na obese na mababa ang self-esteem at isang popular at maalamat na punk, junkie at homeless na binata.

Katangi-tangi ang nobela ito sa pagkakagamit ng matalino at malinis na prosa sa unang panauhan. Orihinal din ang paglikha ni Troy, ang bida at panauhan, ng mga headline para sa kaniyang buhay; at dito nakuha ng autor ang pamagat ng kaniyang unang aklat. Nakalakip din sa prosa ang wika at kultura ng kasalukuyang kabataan ng New York. Gayunpaman, sa sobrang witty at bagsik ng humor sa ilang mga talata, nakikita kong nagsasalita ang nobelista at hindi ang tauhang si Troy o Big T (kay Curt). Kontrobesiya ito sa akin dahil si Troy naman ay hindi articulate. Bakit ang kaniyang pagmumuni ay nakakasugat? Nagustuhan ko rin ang aklat na ito dahil sa mahusay na editing at sa magaan nitong prosa. Hindi ako naobligang tapusin ang aklat, kusa nito akong dinala hanggang sa wakas. Nagustuhan ko rin ang resolusyon ng kuwento na itinampok ang pagkakahanap ni Troy ng kaniyang tagong pagkatao, ang kaniyang talento, na hindi rin niya nakita, marahil sa pag-aalala ng kaniyang taba. Nais ko rin ang sinasabi ng autor na hindi naman kailangang magdiet at magpapayat ang bidang tauhang para siya matanggap ng lipunan at ng mundo ng musika. Kapuri-puri rin ang sense of place sa nobela. Alam na alam ni Going ang heograpiya ng Manhattan. Nais ko rin ang deskripsiyon niya ng mga tunog at ng musikang rock. Pinakamalaki niyang tagumpay ay ang binighani niya ako sa mundo at musikero ng musikang underground o alternatibo.

May ilan lang akong nakikitang puna sa banghay ng nobela. Una, walang nanabnggit o natukoy ukol sa pag-aaral at paaralan ni Troy. Di iyon maaari dahil isang senior na estudyante ang bida. Pangalawa, bakit naman napakababa ng self-esteem ni Troy, at naging suicidal pa, nag-iisa lang ba siyang obese sa kanilang paaralan, kanilang komunidad, kanilang lugar? Pangatlo, hindi rin maganda ang pagkakagamit ng autor ng stereotype ng atletikong kapatid ng isang obese na kuya at isang tatay na militar. Halatang-halata ang pagiging kamada (contrived) ng agenda sa pagkukuwento. Pang-apat, problem novel na naman. Ito na ag poetika ng mga nobelang YA na nagwawagi sa Michael Prints at sa National Book Award for Young People’s Literature. Nagiging katangian na ng isang premyadong YA novel ang pagtatampok ng mga patong-patong na suliraning kinakaharap ng teenager. Sa nobelang ito, halimbawa, tinalakay ang problema ng obesity, suicide, drug abuse, child abuse, at kawalan ng tirahan. Naisip ko, wala na bang YA novel na masaya lamang? Pero nagdalawang-isip ako. Nasabi ko sa sarili, mas okay naman ang problem novels, bawasan lang ng problema para naman mas magaan ang pakiramdam, kaysa naman magbasa ako ng mga nobela ng "Gossip Girls".

Sunday, March 12, 2006

“The Miraculous Journey of Edward Tulane” ni Kate DiCamillo


National treasure na ang estado ni Kate DiCamillo sa Amerika. Sana’y mangyari rin ito sa Pilipinas—nabibigyan ng akmang pagkilala ang mga manunulat-pambata bilang yaman ng kanilang bansa. Nang mabalitaan kong may bagong aklat si DiCamillo, hindi ako mapakali. Hindi pa niya ako binibigo sa mga aklat niya—ang kuwento ng batang babaeng nangungulila sa ina at sa atensiyon ng ama sa “Because of Winn-Dixie” at ang kuwento ng isang daga na umibig sa isang prinsesa sa “Tale of Despereaux”. Ngayon, kuwento naman ng isang porselanang kuneho ang tauhan ni DiCamillo.

Nang una kong mahawakan ang libro, naisip kong pambabae ang aklat na ito. Pambabae rin marahil ang target audience dahil mga batang babae ang karaniwang naglalaro ng mga manyika. Bagamat may isang aklat pambata na progresibong tinuligsa ang ganitong stereotype, ang “William’s Doll.” Pambabae rin ang kulay, lalo na ang panloob na pabalat na tila wallpaper sa kuwarto ng isang babae. Gayunpaman, mahusay ang pisikal na kaanyuan ng aklat, kahit pa naisip kong tila ito guest book kapag inalis ko ang book jacket. Malaking tulong sa ikagaganda ng aklat ang pisikal na kaanyuan ng aklat. Lalo na sa “Tale of Despereaux” na bukod sa gustong-gusto ko ang mga pencil drawings ay tila ngingatngat ang mga pahina sa aklat ng mga daga, akma sa tauhang mga daga sa nobela.

Ano ba ang bago sa kuwento ukol sa porselanang kuneho? May maiiba ba ito sa paborito ko ring “The Velveteen Rabbit” ni Margery Williams na ang tauhang kuneho ay nais maging totoong kuneho `pagkat siya’y minahal ng bata?

Bagong handog ni DiCamillo ay ang pagtatampok ng isang laruan (ayaw na matatawag ni Edward Tulane na siya’t isang bagay, manika, o laruan) na hindi marunong magmahal o hindi nakararamdam ng pagmamahal. Akma rin sigurong ni-release ng aklat na ito sa Valentine’s Day dahil sa taglay nitong paksain ukol sa paglalakbay para malaman ang tunay na kahulugan ng buhay na may nagmamahal at may mamahalin.

Muli, naalala ko ang sagot ng dating kamag-aral kung ano raw ang buhay? Sabi niya, “Ang mabuhay ay ang magbigyan ng pagkakataong magmahal at mahalin.” Ang bigat ng kaniyang sinabi, high school pa kami noon, at umugong ang tawanan sa klase. Walang duda, ang kamag-aral kong iyon ang isa sa unang nag-asawa sa aming batch. Ngayon, iniisip ko, tama ang kaniyang sinabi. Marahil, maedyo mabigat lang ang kaniyang pagkakasabi kaya siya napagtawanan. Pero totoo iyon. Naalala ko ang sinabi ng isang antigong manyika kay Edward. Aniya, walang kuwentong mabuhay kung hindi ka handang magmahal, maghintay sa susunod na pag-ibig, at ang umasa sa mga susunod pang pagmamahal. Tinamaan ako sa eksenang iyon.

Pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy. Iyon ang kasabihang Tagalog/ Filipino. Sa aklat ni DiCamillo, pagkahaba-haba man ng paglalakbay, may pag-ibig na naghihintay. Makikita sa daloy ng kuwento kung paano naharap ang isang porselanang manyika sa matinding takot, sa pangungulila, sa kamatayan, sa paghihirap, sa pag-usbong ng ligaya, sa bingit ng kamatayan, sa paghihintay sa tila-kawalan, at sa pagbabalik ng unang pag-ibig.
Maiikli ang pangungusap. May tatak DiCamillo sa paggamit ng kakaibang pangalan ng mga tauhan tulad ng India Opal, Edward Tulane, Despereaux, Abiline, Sistine, etc. Kilala rin sa paggamit ng maiikli at walang sinasayang na talata sa mga kabanata. Maging ang paggamit ng mga mahihirap na salita (“ennui” bilang Pranses sa pagkabagot) sa magaan na wika sa kabuuan., at ang lirikal na deskripsiyon ng mga liwanag, ang emosyong dumadaloy sa katawan, at ang poetikong paglalarawan sa sinasabi o mensahe ng awit.

Panghabang-buhay kong ituturing na kayamanan ang aklat na ito. Isa itong aklat na nararapat muling basahin. At muli pang basahin sa pagdaan ng mga panahon para hindi malimot ang hiwaga at salamangka ng buhay at pag-ibig.

“Luna: A Novel” ni Julie Anne Peters


Isang kontemporaryong YA novel na matapang na tinalakay ang usapin ukol sa transgender o transexual na teenager. Dito ko nalaman na magkaiba ang maging bakla (gay) na lalaki sa isang transgender. Sa una, alam ng gay o bakla na siya’y lalaki na umiibig sa kapwa lalaki. Marami na akong nabasang YA novel ukol sa gay na teenager tulad ng progresibo at utopian na akdang “Boy Meets Boy” ni David Levithan, at ang masaya at progresibong “Geography Club” ni Brett Hartinger. Ang dalawang nobelang ito’y isinulat para magbigay ng kamulatan sa mga mambabasang nahaharap sa diskriminasyon at paghamon sa sariling identidad. Kapwa masaya ang mga kuwento; hindi trahedya ang kinahantungan ng mga tauhang bakla. Nakatutulong ang ganitong mga aklat upang hindi mahintakutan ang mga bakla at ang kaniyang kaibigan at pamilya sa proseso ng kanilang coming-out.

Naiiba ang nobela ni Julie Anne Peters. Sa una, sasabihing bakla ang tauhang si Liam. Bagamat hindi rito ipinapakita ang sexual na pagnanasa ng pangunahing tauhan, nais naman niyang maging ganap na babae. Sabi niya, “siya’y babaeng nakulong sa katawan ng lalaki.” Transgender pala ang tawag doon. Iyon bang pakiramdam mo, babae ka kahit na lalaki ang iyong pisikal na pangangatawan. Ito ang pangunahing problemang kinakaharap ng tauhan. Paano niya sasabihin sa mga kaibigan, sa pamilya, sa ama, at sa lipunan na siya’y isang babae? Paano niya ipapaliwanag na ipinanganak siyang may maling pangangatawan?

Bukod sa pagiging edukasyonal ng nobela ukol sa isyu ng gender at identidad, nagustuhan ko ang nobela dahil sa matalinong paglalangkap ni Peters ng gumagalaw na kuwento ukol sa pamilya, kaibigan, at pag-ibig at ang paglalahok ng mga isyu at problemang kinakaharap ng mga tauhan. Maituturing na problem novel ang aklat: transexual na teenagaer na nasa proseso ng transition, patriyarka, tangkang pagpapakamatay, identity crisis, ang unang pag-ibig, ang mga hamon ng high school, ang pagkakaroon ng trabaho, ang ekspektasyon ng lipunan sa bawat kasarian. Naging magaan ang mga mabibigat na problema, lalo na sa tauhan ni Regan, ang nakababatang kapatid ni Liam (naging Lia Marie at nang lumaon ay Luna), sa kaniyang witty at masakit na mga pahayg ukol sa mga ironiya ng buhay. Mainam din ang nobela dahil sa paghamon nito ng laganap na patriarka at hate crime sa lipunan, lalo na sa mga taong bumabalikwas sa tinnakdang “normal”. May pagkakataong nahaharap sa heteronormativity ang mga tauhang sina Luna at Regan—inuusig nila ang sarili kung bakit hindi sila naging normal at regular na nilalang?

Mainam din ang pagkakagamit ni Peters ng talinghaga ng pagiging transexual at transgender. Hindi lamang daw ito simpleng crossdressing. Gamit ang imahen ng paru-paro, naipamalas ng nobelista ang di paglabas (sa una) ng tauhan sa kaniyang cocoon. Sa bandang huli, hadlang man ang ama at ang ilang kamag-aral dahil sa tawag na freak, nagpasyang lumaya sa kaniyang pinagtataguan si Liam. Ginamit din ni Peters ang talinghaga ng buwan. Sa gabi lamang nakakalaya ang tauhan; malayo sa sipat ng mga institusyong nagpapatibay ng sexismo tulad ng pamilya, paaralan, at komunidad. Gayong nasa Ingles ang wika ng nobela, napaka-Filipino ng nilalaman nito. Marahil, unibersal naman talaga usapin ng pagiging transexual. Naisip ko ang mga bakla sa Pilipinas na iniisip na sila’y mga babae. Transexual pala sila, lalo na iyong mga nagpapa-opera at umiinom ng hormones para magkaroon ng anyong babae. Nagunita ko ang mga babaylan na sinaunang tansexual sa bansa at ang mga modernong babaylan na nagtatanghal sa Amazing Philippines sa lumang Film Center sa CCP, ang mga baklang nagsasantakrusan, ang mga baklang sumasali sa SuperSireyna at sumisigaw na siya raw si “Gretchen Barretto” o sa “Cristina Gonzales” o “Melanie Marquez”.

Tagumpay ng aklat na hindi gawing katatawanan ang pagiging transexual, di tulad sa Pilipinas na ginagawang aliwan ito.

Nirerekomenda ko ang aklat na ito upang mapalawak ang kamalayan ukol sa kasarian at identidad. Masarap basahin ang akalat dahil sa kontemporaryong sitwasyon at kontemporaryong wika. Gayundin, masara itong basahin dahil hindi nakakainsulto ang nilalaman at politikang taglay. Mapagpalaya ang nilalaman nito, hitik sa pag-asa.

"Draw Me a Star" at iba pang Aklat na Nakakaaliw


Ang saya siguro ng buhay kung isa akong children’s librarian o kaya’y nagbebenta ng mga aklat pambata. Naalala ko, minsan, tumatambay ako sa UP College of Education Library, sa kanilang children’s book section, para magbasa ng mga aklat pambata sa buong maghapon. Isa iyon sa pinakamaliligaya kong araw. Nasabi ko n rin dati, sa aking sanaysay, na kaya kong mabuhay nang nakakulong sa isang espasyo na puno ng aklat pambata.

Mga huling nabasa sa bookstore:

“If You Give a Pig a Party” ni Laura Numeroff—Nakuha nito ang kultura ng isang bata na magpapakasaya at susulitin ang kaniyang pinakamasayang araw. Taglay ng kuwento ang pagiging mapaglaro at palakaibigan ng tauhan na bago muna idaos ang kaniyang party sa sariling kaarawan ay dumaan muna sa mga pasakalye tulad ng perya, pagkain ng ice cream, paglalaro, sleep-over, pillowfight, at sa wakas ay ang party. Walang konseptong taglay ang aklat kundi ang eksena ng paglihis sa party. Ipinapakita nito ang kapangyarihang taglay ng bata, kahit isang araw, na magplano ng kaniyang sariling kaligayahan.

“Don’t Let the Pigeon Stay Up Late” ni Mo Willems—Muli, narito na naman ang kalapating napakakulit. Ipinagkatiwala ng lalaking driver sa mambabasa ang pagpapatulog sa pigeon. Kayhirap niyang patulugin! Napakakulit, tulad ng isang batang gusto pang maglaro kahit madilim na ang paligid at oras nang matulog. Ang bisa ng librong ito’y ibinabalik at binabaligtad ng aklat ang tungkulin ng matatanda sa mga bata. Sa librong ito, tila ang mga bata ang nagpapatulog sa kanilang sarili. Natututunan tuloy ng bata na ang sinasabi ng matanda’y hindi pagsusungit o anuman kundi paraan lamang ng pagdidisiplina.

“Vote for Duck” ni Doreen Cronin—Mala-“Animal Farm” ang kuwentong ito na nahahaluan ng politika ang relasyon ng mga hayop at ng tao. Natuwa ako sa unang bahagi ng kuwento na nangampanya ang mga duck para sa posisyong lider ng farm. Maganda kuwento sana ukol sa demokrasya. Kaso, umangat nang umangat ng puwesto at tungkulin ang Duck hanggang maging pangulo ng bansang Amerika nang malaman niyang ang mga tungkulin ay mahirap. Binibitawan niya ang mga posisyon pero naghahangad siya ng mas mataas. Mukhang ilohikal ang banghay; gayunpaman, nakatutuwa ang kuwento sa mga gusot niyang pinasok at iniwan.

“Draw Me a Star” ni Eric Carle—Fan na yata ako ni Eric Carle. Kapag nakakita ako ng kaniyang mga ilustrasyon, alam kong siya ang lumikha at ang manlilikha. Mayroon siyang sariling estilo na hindi makukuha ng sinuman. Kung gaano kasimple ang kaniyang mga kuwento, ganoon din ang kaniyang mga likha. Simple pero may taglay na sopistikasyon na akma sa mga bata. Sa aklat na ito, itinampok ang manlilikha o artist bilang manlilikha ng daigdig. Akala ko’y modernong kuwento ito ng henesis, pero ipinapakita nito ang kapangyarihan ng tagaguhit bilang tagalikha ng kaniyang sariling mundo. O ang tungkulin ang artista sa paglikha ng lipunan. Napakapoetiko rin ng imahen na umangkas ang artista sa bituin; naabot niya ang kaniyang pangarap na bituin at inilibot siya nito sa kaniyang mga likha. Ang aklat na ito’y parangal sa mga taong lumilikha ng magagandang larawan para sa mga aklat pambata.

“Click Clack Moo, Cows That Type” ni Doreen Cronin—Masaya ang kuwentong ito. Ngayon, natutuwa ako sa mga kuwentong pambata na masasaya ng banghay. Bakit kaya sa Pilipinas, uso ang mga kuwentong paluhaan? Dahil may kapangyarihan ang mga baka na magsulat, makipagtalastasan, at gumamit ng makinilya, humiling sila sa farmer na bigyan sila ng electronic kumot dahil malamig ang paligid. Electronic kumot? Halos napahalagalpak ako sa kuwento. Kung hindi raw, wala silang ibibigay na gatas. Wow, ang kuwentong ito’y magandang ilustrasyon ng usaping pangmanggagawa. May taglay ang kuwentong ito ng potensiyal ukol sa welga at maayos na paggawa.

“On Market Street” ng mag-asawang Lobel—Kakaibang uri ng alphabet book. Nagustuhan ko ang mga bawat ilustrasyon na magpapaplawak ng imahinasyon, gayong iisang salita lamang ang nasa pahina.

“Super Fly Guy” ni Tedd Arnold—Batang si Buzz na may laga at kaibigang langaw? Magagawa lamang ang kuwentong ito sa produksiyong Amerikano. Bukod sa kakaibang tauhan, naging pangkalahatang motif ng aklat ang paggamit ng letrang “z” para umakma sa tunog na nagagawa ng langaw. Nakakaaliw ang kuwentong ito ukol sa pakikipagkaibigan ni Fly Guy sa cook na si Roz (sabi ng langaw ay “Rozz”). Nagustuhan ko ito dahil ang mga paborito kong kuwento ay ang pakikipagkaibigan ng bata sa isang di-inaasahang kaibigan (daga man o biik) at nagiging bayani pa ito sa kuwento.

“Just in Case” ni Judith Viorst—Hindi ko nagustuhan ang mga ilustrasyon, kahit na ang kuwento sa aklat. Nasaan na ang rule of three sa kuwento bilang motif. Masyadong “pinahaba” ng autor ang kaniyang kuwento. Nakakabagot na repetition. Mabuti sana kung maganda ang ilustrasyon, hindi naman. Nadismaya ako sa pagbabasa nito. Sana’y dumaan sa editing. Hindi na niya nasundan ang mga klasiko niyang aklat pambata ukol kay Alexander. Sayang. Tumanda siyang paurong. Gayunpaman, nanduon pa rin ang katangian ng isang mainam na karakterisasyon: batang mahilig magplano at gumagawa batay sa sariling desisyon. Sa huli’y malalaman niya na mainam rin ang mga bagay na di dumadaan sa plano. Maganda ang masorpresa.

Tuesday, March 07, 2006

“The Gift of Nothing” at Iba pang Aklat Pambata


Hindi ko na kailangan ng introduksiyon sa entry na ito. Tulad muli ng dati, imbes na mabagot sa kakahintay, para magpalamig dahil sa nalalapit na tag-araw, nagbasa ako ng mga aklat pambata sa tindahan ng mga aklat. Hindi naman nasayang ang aking oras sa pagdampot ng mga kalat-kalat na aklat sa paligid ng children’s book section. Heto ang aking mga nabasa’t nakadagdag-impresyon at impormasyon sa anyo ng picture book:

“The Paper Bag Princess” ni Robert Munsch—May sticker sa labas ng aklat na sinasabing klasikong aklat ito ni Munsch. “Classic Munsch” daw. Pagkaraang mabasa, masasabi kong hindi lamang ito klasiko ng naturang autor (ito pa lang yata ang nababasa kong aklat niya), kundi nasa hulma ito ng klasiko at pambayang (folklore) na kuwento. Gayunpaman, naisakontemporaryo ng manunulat ang kuwento sa pagdaragdag ng mga abanteng ideya ukol sa kasarian—ang klasikong kuwento na ililigtas ng prinsipe ang prinsesa ay binaligtad ng autor. Itinampok ang isang batang babae, gamit ang kaniyang talino, ang talas ng pag-iisip, para malupig ang mabangis na dragon at mailigitas ang pakakasalang prinsipe. Agad maiisip ang mga trickster tales o mga kuwento ng panlilinlang sa habang binabasa ang kuwento na hitik sa repetition o pag-uulit. Gamit ding armas ni Munsch ang ideyang feminista dahil sa huli, hindi magpapailalim ang matalinong babaeng tauhan sa tradisyonal at saradong pag-iisip ng isang lalaking kaniyang iniligtas. Ito ang isang feministang o mapagpalayang aklat pambata na kalugod-lugod ang pagkukuwento. Mairerekomenda ko rin ang iba pang aklat pambata na may hawig na konsepto sa malakas at matalinong babaeng tauhan: “Princess Smartypants” ni Babette Cole at ang “Princess Knight” at “Pirate Girl” ni Cornelia Funke.

“Little Blue, Little Yellow” ni Leo Lionni—Kilala si Lionni sa mga aklat pambata niyang gumagamit ng collage at mga papel na pinunit-punit at idinikit sa spread para makalikha ng mga imahen ng daga (“Frederick” at “Alexander and the Wind-Up Mouse”). Sa aklat pambatang ito, hindi siya gumamit ng mga papel kundi mga tinta. Habang pinagmamasdan ang mga larawan, may pakiramdam ako na matapong mga tinta ang ilustrasyon. At sa tulo ng tintang ito, marahil, nakakuha ng inspirasyon ang manlilikha. Ukol ito sa pagkakaibigan ng dalawang patak ng kulay na asul at dilaw. At sa tindi ng kanilang pagkakaibigan, isang araw, natuklasan nilang kapag nagdikit sila’y makalilikha sila ng bagong kulay na ibang-iba sa kanilang identidad. Ipinaalam nila ang pagkakatuklas na ito sa kanilang mga magulang at nagdiwang sa bisa ng pagmamahal at lalim ng pagkakaibigan na magbubunga ng isang makulay na pamumuhay. Mainam itong aklat para ituro ang mga konsepto ng color combination sa mga bata, at may halagahan pa ukol sa pagkakaibigan.

“The Grouchy Ladybug” ni Eric Carle—Hindi yata mauubusan ng mga kuwento si Eric Carle ukol sa mga insekto. Isang ladybug naman ngayon ang kaniyang tauhan. Ang pinakakilalang aklat ni Carle, para sa akin, ay ang “The Very Hungry Caterpillar” na nagtuturo sa mambabasa ng konsepto ng metamorphosis at ang mga araw sa isang linggo, gamit ang popular na elemento ng kuwentong pambata na repetition at progression. Sa aklat namang “Ladybug”, maraming lebel ng konsepto ang nakapaloob sa simpleng naratibo ng tunggalian ng dalawang ladybug (isang palakaibigan at isang masungit at palaaway) sa pagkain ng mga pesteng aphids sa dahon. Matutukoy ko ang pagpapakilala sa konsepto ng oras, kulay ng paligid sa pagbabago ng oras, iba’t ibang laki ng mga hayop, halaga ng pagkakaibigan at pagbibigayan, at ang tungkulin ng mga ladybug para pangalagaan ang kalusugan ng mga halaman laban sa pesteng insekto. Nakatutuwa ring makakita ng aklat na lumalaki ang pahina habang lumalaki rin ang mga hayop na nakakaharap at hinahamon at inuurungan ni Grouchy Ladybug. Magandang karagdagan ang aklat na ito para sa klase ng panimulang siyensiya at ekolohiya (organic farming) sa mga batang mag-aaral.

“The Gift of Nothing” ni Patrick McDonnell—Kung wala akong maisip na regalo sa isang kaibigan, baka ito ang aking iregalo. Kaso, may kamahalan ng aklat na ito. Siguro, baka ikuwento ko na lang sa kaniya ang nilalaman ng aklat na ito. Tungkol ito sa pagkakaibigan ng dalawang pusa. Nag-iisip ang isa kung ano ang kaniyang ireregalo sa kaibigang pusa. Nahirapan siyang pumili dahil mayroon na siya ng lahat. Naisip ng pusa, reregaluhan na lang niya ang kaibigan ng “nothing” dahil may “everything” na ito. Natutuwa ako sa katatawanang taglay ng kuwento—sa paghahanap ng pusa ng “nothing” o “wala”, sa paglalaro ng salitang “kawalan” o “nothing”, sa tila misteryong paglalakbay at pagtuklas sa “kawalan” bilang regalo, at ang pagtitimbang sa halaga ng “wala”. “Nothing” ba talaga ang “nothing”? Wala ba talaga ang “wala”, gayong hinuli ng pusa ang “kawalan” at isinilid sa malaking kahon? Medyo siyentipiko na ang basa ko sa isang pilosopikal na kuwento. Sa wakas, nagitla rin ang pinagbigyan dahil “walang” laman ang kahon ng regalo. Natuwa naman ang pusang nagbigay dahil nakita ng kaniyang pinagbigyan na “wala” ang laman ng kahon. At saka niya ipinaliwanag na ang maibibigay niya ay ang kaniyang sarili, ang kaniyang pagkakaibigan. Ang ganitong aklat, tulad marahil ng “Guess How Much I Love You”, ay may elementong kumukurot ng puso hindi lamang sa mga bata kundi sa mga matatanda. Matalino ang pagkakalikha. Poetiko at punumpuno ng mga imahe ang bawat pahina, pero may pakiwari akong tila-greeting card ang poetika ng aklat. Pakiwari lang naman iyon. Siguro, ang bisa ng aklat na ito ay ang kapangyarihan nitong maging isang mainam na pangregalo. Gayunpaman, naniniwala ako na may mga regalong hindi maikakahon.

“Zoom” ni Istvan Banyai—Wordless na picture book na habang binabasa ko’y hinigop ako sa loob ng tekto, sa loob ng biswal. Pinalawak nito ang aking persepsiyon sa mga bagay sa paligid, nilangisan ang aking imahinasyon, nilaro ang aking isip. Mula sa palong ng manok, lumaki at lumawak ang paligid hanggang sa makita ko ang pabalat ng isang magasin. Lumaki at lumawak pang muli at dinala ako sa billboard na nakasabit sa umaandar na tren. Palayo muli nang palayo ay eksena pala ito sa telebisyon, na nakunan ng isang ilustrador para itampok sa isang selyo na may larawan ng isang cowboy na nanunod ng telebisyon sa my disyerto. Dito huminto ang pag-zoom out hanggang sa makita ko na ang selyo ay nakadikit sa sulat para sa isang pinuno sa Solomon Island. At ang isla’y lumiit. Tumaas ang perspektiba hanggang sa makita ko ang buong daigdig buhat sa kalawakan. Isang malaking bilog...papaliit. Hanggang sa maging isang tuldok. Zoom! Isa itong rollercoaster na aklat na yayanig sa sariling maaabot ng mga mata. At haraya.

“God Went to Beauty School” ni Cynthia Rylant—Ang ganda ng pamagat! Ito ang una kong nasabi nang makita ko ang manipis na aklat ng mga tula. Hindi ito nobela sa anyo ng blank verse. Isa itong koleksiyon ng mga tula ukol sa Diyos na nailagay sa moderno o kasalukuyang panahon, sa iba’t ibang pagkakataon. Maaaring basahing isa-isa ang mga tula, dahil kaya naman nitong tumayo sa sariling tekto na hindi nakaasa sa pangkalahatan. Gayunpaman, para mas maging mabisa ang sinasabi ng aklat, mairerekomenda kong basahin ang kabuuan. Paano kung ang Diyos nga ay nag-aral sa Beauty School? Ang mga tula sa koleksiyon ay hindi mga tulang katatawanan, kundi mga tula ukol sa ligaya ng Diyos sa kaniyang mga nilikha sa kasalukuyan—pagkakaroon ng sipon, pagtatayo ng parlor, pagpunta sa India, pagkagiliw sa elepante, pag-aalaga ng aso, pagpapakabit ng cable at pagcha-channel surf, pagsakay sa bangka, pag-upo sa ilalim ng puno na nagpatibay sa ligayang naramdaman ni Buddha, pagkonsulta sa doktor, pagligo nang nakasuot pa ng robe, pagsulat ng aklat na binasa sa isang bata na nang tumanda’y naging manunulat, panonood ng pelikula, at ang aking paborito’y ang pagsulat niya ng fan letter para sa nagustuhan niyang country singer. May himig na postmoderno ang nilalaman ng koleksiyon. Hindi didaktiko ang mga tula, gayong nagtataglay ng mensaheng ispiritwal. Nagawa ni Rylant na gawing magaan at kaakit-akit ang mga tulang nagtatampok sa Diyos. Sa wakas ng kuwento, naipakita niya ang sakit na naramdaman ng Diyos sa aksidenteng pagkakalikha ng sigalot sa magkapatid na Cain at Abel. Buhat dito’y makalikha ang mga mambabasa, guro, at magulang ng maraming mensahe ng aklat na ito.

Saturday, March 04, 2006

Paglilibang sa Paghihintay, o Araw ng mga Picture Book


Ginawa ko na namang library ang Fully-Booked sa Rockwell. Mabuti’y tanghali iyon, walang masyadong tao at mga batang naghahanap ng kanilang mga libro. Malamig ang paligid. Akmang-akma para magbasa. Kaso, nandudumilat ang karatulang huwag daw uupo sa sahig. O sige, kaya ko namang magbasa nang nakatayo. Ilang calories kaya ang mawawala sa akin sa ganitong posisyon? Kadalasan, nakadapa akong nagbabasa. Nakagawain ko ito at parang kay bilis pumasok ng teksto sa aking imahinasyon. Baka naman sugurin ako ng guwardiya kapag dumapa ako sa sahig ng bookstore.

Nilubos ko ang halos dalawang oras na pagtambay sa bookstore. Pinipigilan ko ang sarili kong bumili ng bagong aklat. Kailangang matipid, bulong ko sa sarili. Marami pa naman akong babasahin. Nandiyan lang naman ang mga aklat. Kapag naubos, baka makita ko sa Booksale.

Pero bumalik tayo sa kuwento. Nagbasa ako ng mga picture book at board book (mga librong pambata na halos karton ang kapal ng mga pahina). Pakapalan na lang siguro ng mukha ang magbasa ng mga aklat sa bookstore. Pasimple lang naman. Kunwari, naghahanap ako ng libro para sa pamangkin o batang kaibigan. Hindi naman ako ang tipong nagbubukas ng naka-plastik na aklat. Uhhm, siguro, paminsan-minsan, nagbubukas ako nang palihim. Customer naman ako. At lagi akong tama.

Kritikal na akto ang aking pagpili (o pagdampot) ng mga picture book. Sa halos libong bilang ng mga picture book, nakapili ako ng babasahin batay sa (1) reputasyon o popularidad ng manunulat o ilustrador, (2) popularidad ng pamagat o aklat, (3) pagiging klasikong akda, at (4) mga parangal na natanggap ng aklat. Mga kilalang manunulat at ilustrador ang aking mga binasa—Mo Willems, na nagsulat para sa Sesame Street; Sharon Creech, isa na sa pinakamainam na manunulat-pambata; Eric Carle, isa sa pinakapaborito kong ilustrador ng mga pambatang aklat at maituturing na idolo; Shel Silverstein, kilalang makatang pambata; Maurice Sendak, ilustrador ng paborito kong “Where the Wild Things Are”; at si H.A. Rey, manunulat at ilustrador ng klasikong serye ng “Curious George”.

Narito ang aking ilang puna sa kanilang mga aklat:

“Fishing in the Air” (Creech)—nag-uumapaw sa talinghaga at imahen ang prosa sa aklat. Gayundin, poetiko ang mga ilustrasyon. Ito kaya ang dahilan kung bakit hindi popular sa mga bata ang aklat na ito? Masyadong komplikado ang prosa dahil higit na matimbang sa pagsulat nito ang pagtula. Hindi ito ang karaniwang banghay ng picture book. Sa tingin ko, isinulat ito para sa mga matatanda o sa mga sopistikadong bata. Hitik ito sa imahen ng uganayang ama-anak, paggunita sa pagkabata ng ama, at sa bisa ng imahinasyon habang gumugunita.

“The Pigeon Finds a Hotdog” (Willems)—Na-upstage ng duckling ang pigeon sa kuwentong ito! Ang cute ng duckling at kung kumilos at magsalita ay parang isang bata. Napakarealistiko, ayon sa kultura ng bata, ang pagpapamalas ng konsepto ng bigayan. May himig ng trickster tale ang kuwentong ito, gamit ang modernong mga guhit at pagkukuwento.

“Don’t Let te Pigeon Drive the Bus!” (Willems)—Kung guro ako sa pre-school, bibilihin ko ang aklat na ito. Walang kaduda-duda. Habang binabasa ko ang kuwento, naririnig ko ang sigawan na “No!” ng imaginary na audience. Maging ako, napapailing sa tauhang pigeon o kalapati na gustong subukang nagmaneho ng bus. Naipamalas din ng pigeon ang kultura ng bata sa kanilang tantrums kapag di naibibigay ang gusto. Napaka-interaktibo ng aklat na ito, kaya nakalulugod ang pagbabasa. Isang hamon sa manunulat ang makalikha ng intekaktibong aklat na tulad nito. Napakasimple ng larawan pero punumpuno ito ng buhay—bagay na nagagawa lamang ng isang henyo.

“Pancakes Pancakes” (Carle)—Nakatutuwang kuwento na di-direktang recipe o cook book; nasa hulma ito ng kuwentong “The Little Red Hen”, lamang, ang tauhan dito, di tulad ng mga tauhan sa nabanggit na tamad o batugan, ay talagang naghirap para may maihaing pancake para sa almusal. Nakatuwa ang kuwento dahil sa realistikong sipat, baka nalipasan na nga oras ang bida sa pagtatanim, paggagapas, paggatas, paglikha ng butter, pagpapagiling ng harina. Gayumpaman, ito’y isang aklat ng konsepto ukol sa mga sangkap ng ordinaryo o pang-araw-araw na pagkain. Dagdag pa, aklat ito ng aral na: “paghirapan mo ang kinakain mo.”

“Do You Want to Be My Friend” (Carle)—Halos wordless ang aklat na ito. Mayroon lamang nakasulat na teksto sa unang spread ng aklat—“Puwede ba kitang maging kaibigan?” Bago ang atake o dulog ni Carle sa aklat na ito. Gamit niya ang bisa ng suspense, i.e. ang pagpapalitaw lamang ng buntot ng mga hayop sa isang spread at ipapakita ang kalahati nito sa susunod na pahina. Ang resulta’y nanghuhula ang mga mambabasa kung maaari bang maging kaibigan ng tauhan ang kaniyang nakakaharap. Lumilikha ito ng suspense, at nakikita ko rin ang hagalpakan ng mga bata, o kaba sa pagbuklat ng interaktibong aklat na ito.

“The Very Busy Spider” (Carle)—Gamit ng retorika at elemento ng repetisyon o pag-uulit (ng pag-iimbita ng mga insekto at hayop sa gagamba para maglaro) at progression (ng paglikha ng sapot), naipamalas sa aklat ang halaga ng pagsisikap at paggawa. Mainam din ang kuwento para sa mga batang-batang mambabasa dahil maaaring hipuin ang ilustrasyon ng sapot. Tunay, ang mga mahuhusay na picture book, minsan, ay nagiging laruan din ng mga bata.

“A Color of His Own”, “The Very Lonely Spider” at “Little Cloud” (Eric Carle)—lahat ng aklat na ito ni Carle ay nasa iisang tema: ang paghahanap ng tauhang chameleon (hunyango), firefly (alitaptap), at cloud (ulap) ng mga kaibigan o ng pamilya. Pinagtitibay ng mga aklat na ito ang pangangailangan ng bata na magkaroon ng mapag-arugang pamilya, maging kasapi ng lipunan, at magkaroon ng nasyonalidad. Dagdag pa, dahil sa tema ng aklat na pagkakaroon ng kasama at pamilya, ang aklat ay nagbibigay ng seguridad sa mga batang mambabasa na hindi sila nag-iisa.

“In The Night Kitchen” (Sendak)—Muli, ipinapakita sa aklat na ito ang sikolohiya ng isang bata para siya makatulog sa gabing mahirap kumuha ng antok. Kahit sa edad kong ito, ganito rin akong kapag hindi makatulog. Pinapanatili kong malikot ang aking haraya, hanggang sa mapagod, hanggang sa maipikit ko ang aking mga mata. Kakaiba sa mga kuwentong nagpapatulog sa mga bata, ginagamit ng aklat ang pagkamalikhain ng mga ito para sila ang sariling lumikha ng tulog. Dapat nga’y mabasa rin ito ng ilang may edad na na laging naghahanap ng valium para makatulog sa gabi.

“The Missing Piece” (Silverstein)—Isang aklat pambata na pangmatanda. Tama ang hinala at kutob ko. Nagsimula pa ito sa “The Giving Tree”. Sinabi ko sa sarili, bakit ba ipinapabasa sa mga bata ang mga aklat na ito? Matanda ang sensibilidad at sinasabi ng aklat na ito. Para ito sa mga taong naghahanap ng makakasama sa buhay, o nagmumuni ukol sa pag-aasawa o pagsasarili o anupamang pagdedesisyon ukol sa relasyon. Pilosopikal o inspirasyonal ang nilalaman ng aklat na hindi angkop para sa mga bata; maaari nilang maintindihan pero hindi ito para sa kanila. Kawangis ito ng “Oh, The Places You’ll Go!” ni Dr. Seuss, na hitsurang pambata pero para sa mga matatandang nasa sangandaan ng kanilang buhay o sa mga bagong graduate sa kolehiyo.

“Curious George” (H.A. Rey)—Nang binasa ang aklat na ito, naaliw naman ako. Makulit, mapagmasid, magulo, at mapag-usisang unggoy si George. Nakita ko rin ang istruktura ng kuwento: mula sa gulo, matatapos ang aklat sa katahimikan at katiwasayan. Pero may kakaibang reading ako sa aklat. Ewan ko, dala siguro ng panonood ko ng mga pelikula ukol sa mga African na hinuli para gawing alila sa mga bansa sa Europa at America. Ganyan ang aking intertext sa tauhang si George. Sa tingin ko, para siyang isang African na hinuli ng lalaking may dilaw na sombrero para dalhin, kasi nga exotiko, sa kaniyang bansa para ilagak sa zoo. Naalala ko rin ang St. Louis Exposition na nagtampok sa pagiging exotiko at kakaiba ng mga katutubo sa Pilipinas. Sariling pagbasa ko lang naman ito, at hindi ko ito i-impose sa batang mambabasa.

“Curious George Visits the Library”—Tulad ng istruktura ng naunang aklat, ginamit muli ni Rey ang kaguluhan o nilikhang gulo ng unggoy tungo sa kaayusan (order) sa huli. Kuwento ito ng fasinasyon ng unggoy (mula sa espasyo ng kagubatan) sa espasyong urban (siyudad at aklatan). Dito’y lalong tumibay ang pagbasa ko na may bahid ng kolonyalismo, Eurosentrismo (Pranses ang manunulat at ilustrador), at exotisisasyon ang aklat na ito. Malaki rin ang kuwestiyon ko sa pantasya ng kuwento—asal-tao ba dapat si George o mananatili siyang isang hayop o isa siyang pambihirang hayop o isa siyang taong asal hayop?

Friday, March 03, 2006

“Harriet the Spy” ni Louise Fitzhugh


Pasensiya na at gagamitin ko ang aking paboritong parilala, “Sa wakas.”

Matagal na akong mayroong kopya ng librong ito, halos magsasampung taon na. Nabili ko ang segunda manong kopya sa nawala nang segunda manuhan sa may Robinson’s Galeria, ang Eighty Eight. Nang nagpasiya akong basahin ang librong ito noong nakaraang buwan, nanlumo ako sa lumang kopya nito na naninilaw, maraming alikabok, at kupas na ang kulay ng pabalat. Mabuti na lamang at nakita ko ulit ang isang kopya sa Chapters and Pages sa Eastwood, bago manood ng Munich, kauna-unahang pelikulang napanood ko pagkaraang maospital. Sa pagkakakita at pagkakabili ng mas maayos na kopya, binasa ko ang importanteng aklat na ito.

Maituturing na “milestone in children’s literature” ang nobelang ito na unang nalathala noong 1964. Importanteng teksto ito sa panitikang pambata dahil sa pagtatampok ng isang matalino, malikhain, malakas na tauhan sa realistikong pamamaraan. Sinabi kong ring realistikong pamamaraan dahil tao ang pagkakahubog kay Harriet M. Welsch—natatakot, kinakabahan, naiiyak, nagagalit, umiinit ang ulo. Hindi siya perpektong tauhan na magiging modelo ng batang mambabasa, ngunit kaibig-ibig ang kaniyang personalidad at pag-unlad ng halagahan at katauhan. Mainam ang pananliksik ni Fitzhugh sa sikolohiya ng isang bata, partikular na sa isang matalino, matapang, mapagmasid, at sensitibong bata. Naipakita niya ang talas ng pag-iisip ng bata (heto ang suspetsa ko kung bakit ito nagustuhan ng maraming batang mambabasa), gayundin ang kultura (ang kahinaan at kasamaan) ng mga bata tulad ng paglikha ng barkada, politika sa paaralan, paghihiganti, pananakit, pananakot, paglikha ng kampihan, panunukso. Dagdag pa rito ang pagsandig ng bata sa kaniyang nakagawian tulad ng pagkahilig sa tomato sandwich at ang pagiging mapaghanap sa kaniyang yaya o nurse, at ang paninibago sa mga pagbabago.

Dalawang tema ang nananalaytay sa naratibo. Una’y nabanggit ko na: ang mga paninibagong kinakaharap ng isang bata sa kaniyang pagkagulang. Paano haharapin ng bata kung mawawala na sa kaniyang piling ang isang tagapag-alaga? Paano lulutasin ng bata ang kaniyang sariling problema na walang tulong ng magulang at tagapag-alaga? Pangalawa’y ang tema ng pag-abot ng mga pangarap. Ito ang dahilan kung bakit naging interesado ako sa nobelang ito. Bukod sa pagiging espiya, nais ni Harriet na maging manunulat. Maraming eksena sa nobela na ipinapakita ang kasiyahan dulot ng mayamang pag-agos ng inspirasyon. Punumpuno si Harriet ng inspirasyon, materyal, at enerhiya sa pagtatala ng kaniyang namamasid. Nagustuhan ko ang kaniyang ligaya sa pag-eensayo kng paano maglarawan sa pamamagitan ng pagsusulat. Sana, lahat ng mga magiging estudyante ko sa pagsusulat ay may sigla tulad ng batang ito.

Habang binabasa ko ang kaniyang kuwento, naaalala ko ang sariling pagkabata. Tulad niya, mahilig din akong magmasid, manilip, mang-usisa. Nakikinig ako sa mga usapang-pangmatanda, at nalalaman ko ang kanilang mga lihim. Kunwa’y inosente, nagmamasid ako sa dinamismong nangyayari sa aming kalye—ang maluhong kapitbahay na kakaunti naman ang suweldo, ang kapitbahay na maraming anak at hindi nila napag-aral, ang naghiwalay na mag-asawa na nauwi sa pangingibang-bayan, ang isang Japayuki na nagkaroon ng anak sa Hapon, ang isang pamangking nang-agaw ng asawa sa kaniyang tiyahin. Iyon lamang, wala akong notebook tulad ng tauhan. Pero lahat ng aking obserbasyon ay nakamarka sa aking gunita. At dahil wala akong notebook, hindi ko dinanas ang suliraning kinaharap ni Harriet: ang maisapubliko ang kaniyang pribadong mga obserbasyon.

Kung tutuusin, maagang naranasan ni Harriet ang mga realidad sa lipunan. Maaga niyang nalaman ang magsinungaling para lamang maging payaga ang mga uganayan. Maaga niyang nalaman na masakit ang katotohanan sa mga taong kaniyang inoobserbahan—ang pag-iisa, ang gulo sa isang pamilya, ang munting kasiyahan ng tao, ang adiksiyon at katamaran. Maaga niyang nalaman ang kabuktutan ng kampihan at barkadahan. Maaga niyang namasid sa sariling silid sa paaralan ang umiiral na politika at pang-aabuso sa kapangyarihan. Positibo akong magiging mahusay na manunulat ang bidang tauhan sa kaniyang pagtanda. Dahil dito, maituturing na mainam na tekstong pambata ng nobela sa puntong inihahanda nito ang bata sa kaniyang pagkamulat, pagtanda, at pagkilala sa sariling talento at responsibilidad.

Rekomendadong kapanabay na babasahin: “Matilda” ni Roald Dahl