“Baboushka and the Three Kings” at iba pa
“Time to Say ‘Please’” ni Mo Willems—Akmang aklat para sa mga bata at nakatatanda para ibahagi ang halaga ng pagiging magalang. Ganito ang modelo ng kuwentong may layong magturo nang hindi nangangaral. Nakapaloob sa aklat ang katalogo ng insidente para banggitin ang “please” na tila salitang may salamangka. Dagdag pa rito ang paggamit ng mga salitang “excuse me”, “sorry” at “thank you.” Muli, malaki ang tulong ng mga daga sa aklat para maging kaiga-igaya ang simpleng kuwentong ito.
“Ten, Nine, Eight” ni Molly Bang—Dalawa ang tagumpay ng aklat na ito. Una, ito ay kakaibang aklat ng pagbibilang. Kuwento rin ito ng pampatulog sa batang binabasahan. Pangalawa, kundi man radikal, bago ang pagtatampok ng mag-amang itim sa aklat na ito.
“Stone Soup” ni Marcia Brown—Marami nang napanalunang Caldecott si Brown pero ito ang kauna-unahang aklat niya na nabasa ko. Batay ito sa kuwentong-bayan sa France na tila isang trickster tale. Itinampok kung paano naakit ng tatlong kawal mula sa digma ang pakainin sila ng buong komunidad na maramot. Isa itong kuwentong pampamayanan. Ipinapakita ng kuwento kung papaano lalabanan ang gutom at kahirapan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng isang komunidad. Hindi indibidwalismo ang solusyon kundi ang pagbibigayan.
“Si Carancal Laban sa Lindol” ni Rene Villanueva. Kung si Rio Alma ay may serye ng Pilandok, si Villanueva naman ay may Carancal. Kapwa mga bayani ang tampok na tauhang ito. Kakaibang bayani si Carancal dahil maliit na bata ito, katulad ng mga bata sa mga etnoepiko ng Pilipinas. Dalawang alamat ang nakapaloob sa kuwento—ang dahilan ng paglindol at kung bakit hindi nagtatayo ng matataas na bahay sa Pilipinas. Mainam ang aklat na ito para ipakilala ang yaman ng folklore sa bansa at kapanabay na babasahin ukol sa lindol sa bansa.
“Mister Seahorse” ni Eric Carle—Hindi talaga ako nawawalan ng Carle sa mga binabasa ko. Naalala ko ang pelikulang “March of the Penguins” sa kuwentong ito. Mangyari pa, ang aklat na ito ay parangal sa kadakilaan ng mga ama, tulad ng mga amang tilapia, seahorse, pipefish, bullhead catfish, at kurtus nurseryfish na siyang nangangalaga sa mga itlog na iniluwal ng mga babaeng isda. Kakaibang kuwento ito ng role reversal sa pag-aalaga ng mga supling.
“Baboushka and the Three Kings” ni Ruth Robbins at iginuhit ni Nicolas Sidyakov—Napakasimple ng prosa at napakaelegante ng mga larawan. Nagustuhan ko sa aklat na ito ang deskripsiyon ng init sa loob ng tahanan at ang lamig ng snow sa labas na sumasagisag sa puso at kalooban ni Baboushka. Kuwento itong Pamasko; at nagitla ako na may ganito palang folklore sa Russia. Mangyari, si Baboushka ang maituturing kong katumbas ni Santa Claus sa mga batang Ruso. Inimbita si Baboushka ng tatlong hari para hanapin ang kakasilang na si Hesus. Hindi sumama si Baboushka dahil may tatapusin pa raw siya sa bahay. Huli na nang natauhan siya. Kaya, mula noon, panata niya na hanapin ang landas na tinahak ng tatlong hari para magbigay-pugay sa kasisilang na dakilang sanggol.
“Angus and the Cat” ni Marjorie Flack—Sa una kong tingin, masasabi kong luma at gasgas na ang kuwentong ito. Pero hindi pala. Bukod sa kuwento ito ng pagkakaaway at pagiging teritoryal ng Scottish Terrier sa isang bagong dating na pusa, kuwento ito kung paano naging malapit at mapagbigay ang aso sa sorpresa niyang kaibigan. Nabihisan ng ugali ng mga bata ang ugali ng mga hayop sa kuwento—sa simula’y mag-aangilan, makulit din naman ang pusa, at sa bandang huli, malalaman na kailangan pala niyang makita at makasama ang dati at madalas na kinaiinisan.
<< Home