Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Sunday, March 12, 2006

“Luna: A Novel” ni Julie Anne Peters


Isang kontemporaryong YA novel na matapang na tinalakay ang usapin ukol sa transgender o transexual na teenager. Dito ko nalaman na magkaiba ang maging bakla (gay) na lalaki sa isang transgender. Sa una, alam ng gay o bakla na siya’y lalaki na umiibig sa kapwa lalaki. Marami na akong nabasang YA novel ukol sa gay na teenager tulad ng progresibo at utopian na akdang “Boy Meets Boy” ni David Levithan, at ang masaya at progresibong “Geography Club” ni Brett Hartinger. Ang dalawang nobelang ito’y isinulat para magbigay ng kamulatan sa mga mambabasang nahaharap sa diskriminasyon at paghamon sa sariling identidad. Kapwa masaya ang mga kuwento; hindi trahedya ang kinahantungan ng mga tauhang bakla. Nakatutulong ang ganitong mga aklat upang hindi mahintakutan ang mga bakla at ang kaniyang kaibigan at pamilya sa proseso ng kanilang coming-out.

Naiiba ang nobela ni Julie Anne Peters. Sa una, sasabihing bakla ang tauhang si Liam. Bagamat hindi rito ipinapakita ang sexual na pagnanasa ng pangunahing tauhan, nais naman niyang maging ganap na babae. Sabi niya, “siya’y babaeng nakulong sa katawan ng lalaki.” Transgender pala ang tawag doon. Iyon bang pakiramdam mo, babae ka kahit na lalaki ang iyong pisikal na pangangatawan. Ito ang pangunahing problemang kinakaharap ng tauhan. Paano niya sasabihin sa mga kaibigan, sa pamilya, sa ama, at sa lipunan na siya’y isang babae? Paano niya ipapaliwanag na ipinanganak siyang may maling pangangatawan?

Bukod sa pagiging edukasyonal ng nobela ukol sa isyu ng gender at identidad, nagustuhan ko ang nobela dahil sa matalinong paglalangkap ni Peters ng gumagalaw na kuwento ukol sa pamilya, kaibigan, at pag-ibig at ang paglalahok ng mga isyu at problemang kinakaharap ng mga tauhan. Maituturing na problem novel ang aklat: transexual na teenagaer na nasa proseso ng transition, patriyarka, tangkang pagpapakamatay, identity crisis, ang unang pag-ibig, ang mga hamon ng high school, ang pagkakaroon ng trabaho, ang ekspektasyon ng lipunan sa bawat kasarian. Naging magaan ang mga mabibigat na problema, lalo na sa tauhan ni Regan, ang nakababatang kapatid ni Liam (naging Lia Marie at nang lumaon ay Luna), sa kaniyang witty at masakit na mga pahayg ukol sa mga ironiya ng buhay. Mainam din ang nobela dahil sa paghamon nito ng laganap na patriarka at hate crime sa lipunan, lalo na sa mga taong bumabalikwas sa tinnakdang “normal”. May pagkakataong nahaharap sa heteronormativity ang mga tauhang sina Luna at Regan—inuusig nila ang sarili kung bakit hindi sila naging normal at regular na nilalang?

Mainam din ang pagkakagamit ni Peters ng talinghaga ng pagiging transexual at transgender. Hindi lamang daw ito simpleng crossdressing. Gamit ang imahen ng paru-paro, naipamalas ng nobelista ang di paglabas (sa una) ng tauhan sa kaniyang cocoon. Sa bandang huli, hadlang man ang ama at ang ilang kamag-aral dahil sa tawag na freak, nagpasyang lumaya sa kaniyang pinagtataguan si Liam. Ginamit din ni Peters ang talinghaga ng buwan. Sa gabi lamang nakakalaya ang tauhan; malayo sa sipat ng mga institusyong nagpapatibay ng sexismo tulad ng pamilya, paaralan, at komunidad. Gayong nasa Ingles ang wika ng nobela, napaka-Filipino ng nilalaman nito. Marahil, unibersal naman talaga usapin ng pagiging transexual. Naisip ko ang mga bakla sa Pilipinas na iniisip na sila’y mga babae. Transexual pala sila, lalo na iyong mga nagpapa-opera at umiinom ng hormones para magkaroon ng anyong babae. Nagunita ko ang mga babaylan na sinaunang tansexual sa bansa at ang mga modernong babaylan na nagtatanghal sa Amazing Philippines sa lumang Film Center sa CCP, ang mga baklang nagsasantakrusan, ang mga baklang sumasali sa SuperSireyna at sumisigaw na siya raw si “Gretchen Barretto” o sa “Cristina Gonzales” o “Melanie Marquez”.

Tagumpay ng aklat na hindi gawing katatawanan ang pagiging transexual, di tulad sa Pilipinas na ginagawang aliwan ito.

Nirerekomenda ko ang aklat na ito upang mapalawak ang kamalayan ukol sa kasarian at identidad. Masarap basahin ang akalat dahil sa kontemporaryong sitwasyon at kontemporaryong wika. Gayundin, masara itong basahin dahil hindi nakakainsulto ang nilalaman at politikang taglay. Mapagpalaya ang nilalaman nito, hitik sa pag-asa.