Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Friday, March 17, 2006

“Tom & Puddle: Charming Opal” Atbp. Aklat Pambata


“Leonardo The Terrible Monster” ni Mo Willems—Maganda ang ilustrasyon, cute pero nakaiinsulto sa mga bata o hindi komersiyal ang disenyo at karakterisasyon. Gusto ko rin ang gamit ng mga blangkong espasyo sa mga pahina ng aklat na nagbibigay-gaan sa mga mata. Gayunpaman, ang kuwentong may hawig sa pelikulang “Monsters, Inc.”

“The Other Side” ni Istvan Banyai—Siya rin ang manlilikha ng aklat na “Zoom.” Noong una kong binuklat ang aklat, naguluhan ako. Dahil wordless, nahirapan akong sundan kung may kuwento ba ang aklat. Hindi kronolohikal ang kuwento. Dagdag pa, walang kuwento. Hindi ko binitiwan ang aklat na ito. Sinubukan kong unawain gamit ang mga larawan. Ang konsepto’y aalamin kung ano ang nasa kabila ng larawan. Mainam na aklat ng paghuhula—may mga sorpresa, may munting mga kuwento, may katatawanan, may simpleng pantasya.

“Giggle, Giggle, Quack” ni Doreen Cronin—Muli na namang nagpakitang-gilas ang mautak na Duck! Itinatanghal ng aklat ang kapangyarihan ng pagsusulat o ang kaalaman sa komunikasyong pasulat. Dahil alam ito ni Duck, nakuha nila ang nais mula sa katiwala ng farm: pizza bilang hapunan, paliligo ng mga baboy, at ang panonood ng pelikulang “Sound of Moosic.”

“The Little Seed” ni Eric Carle—Aaminin ko na: naging paborito ko nang manlilikha sina Mo Willems at Eric Carle. Kapag pumupunta ako sa mga bookstore, sila ang una kong hinahanap. Itong aklat ni Carle ay isang halimbawa ng science concept na isinakuwento. Ipinapakita ng makulay na aklat, sa sariling tatak ni Carle sa pagguhit, ang pag-unlad ng mga halaman, ang apat na panahon (wala nito sa Pilipinas kaya hindi ako makapanaginip ng winter, spring, at autumn), buhay at kamatayan sa pagdaan ng mga panahon. Mangyari pa, kuwento rin ito sa pagtitiyaga ng late bloomer na buto hanggang sa mamulaklak ito. Maraming talinghaga ng buhay sa aklat—pagkasilang, paglalakbay, pamumulaklak, pagkalagas, pagsibol, kamatayan, muling pagsilang. Hinangaan ko ang aklat hindi dahil sa siyentipikong nilalaman kundi ang mensahe nito ukol sa buhay.

“Wiggle” ni Doreen Cronin—Kumpara sa mga kuwento niya ukol sa mga hayop sa farm, lubhang matamlay ang kuwentong ito. Kulang sa enerhiyang pangnaratibo at makaluma ang dulog sa pagkukuwento. Gamit ang ilang taludtod sa bawat pahina, tinatalakay nito ang pamumuhay ng magaslaw at aktibong aso, konsepto ng panahon, mga uri ng hayop, mga galaw ng hayop, at ang natural na pamamahinga ng mga bagay na may buhay.

“The Grey Lady and the Strawberry Snatcher” ni Molly Bang—Piyesta sa paningin at sa kuwento ang aklat na ito, gayong walang nakalimbag na teksto para magkuwento. Hinayaan ng manlilikha na magkuwento gamit ang mga imahen. Pinakapoetiko rito ang matandang babae na nakasuot ng grey—poetiko dahil tulad ng hunyango, nakakapagtago ito sa kakulay na kaligiran. Hitik sa suspense ang kuwento na kagigiliwan ng mga mambabasa hanggang sa maramdaman ng mga bata ang halaga ng tahanan at pamilya bilang kanlungan.

“Tom & Puddle: Charming Opal” ni Holly Hobbie—Tunay na pambatang aklat na naglalaman ng pambatang karanasan at kultura—ang pagbabakasyon kasama ng pinsan, ang ligaya ng mga bata sa probinsiya, ang pamimitas ng prutas, ang paliligo sa pond, ang pagkalagas ng ngipin, pamahiin sa tooth fairy, paglangoy, at paglalaro sa luntiang paligid na kung tawagin sa kuwento’y Woodcock Pocket. Muling pinagtitibay ng aklat na ito na karapatan ng mga bata ang maayos na kalikasan. Napaka-inosente ng kuwento at sitwasyon. Walang drama o masidhing agenda sa pagkukuwento. Naalala ko ang pelikulang “My Neighbor Totoro” sa kuwentong ito.

“Each Peach Pear Plum” nina Janet at Allan Ahlberg—Muli, ito’y aklat ng konspeto na naghahain ng mga tauhan sa alamat at awiting-bayan ng Inglatera o Europa. Sabi sa aklat, “In this book/ with your little eye/ take a look/ and play “I spy.” Tila muling pagpapakilala ito sa mga bata ng mga nalimot na tauhang maalamat tulad nina Cinderella, Robinhood, Tom Thumb, Three Bears, Jack and Jill. Para sa bata, ito’y magandang aklat ng paglalaro. Para sa mga guro, ito’y simpleng aklat sa pagpapaunlad ng cultural literacy ng mga bata. Nawa’y makalikha rin ng ganito sa Pilipinas para makilala ng mga mambabasa ang tauhang makikilala na lang sa mga alamat.