Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Friday, December 28, 2007

"Totoro" at ang mga Haiku Moments


Muli kong pinanuod ang isa sa paboritong pelikulang pambata, ang "Totoro." Hindi pa rin nawawala ang aking pagkagiliw rito; hindi katulad ng ibang pelikulang may bisa lamang sa unang panunuod. Mas nakikita ko ngayon ang ibang mga imahe na hindi ko nasumpungan sa mga naunang panunuod. Ito ang hamon sa panunuod ng mga pelikulang may subtitle: nagbabasa ka ng maraming elemento tulad ng dialogo, imahen, musika, atbp. (Kaya marahil marami ang nahihintakutan sa panunuod ng pelikulang binabasa.)

Sa pangatlong panunuod, minatyagan ko ang gamit ng mga kulay. Napakaaliwalas nito. Nagpapahiwatig ng magaan na pamumuhay sa lalawigan ng Japan.

Nabighani din ako sa mga tahimik na eksena. Malaki ang ambag nito sa aking pagsusulat ng mga kuwentong pambata. Naalala ko ang tawag dito ng kaibigang si Bernadette na "haiku moments." Maraming eksenang mala-haiku sa pelikula. Nabighani ako sa eksena ng malinis na sapa, ng poso, ng lawa-lawaan na may butete, ng patak ng ulan, ng mga munting lawa dulot ng ulan.

Naitampok din dito, sa pakubling pamamaraan, ang pagmamahal sa bayan. Walang duda, ang Japan ang isa sa mga bansang nirerspeto ko dahil sa pangangalaga nila sa kanilang kalikasan. Narito ang mahika ng pagtatanim at pagbibigay-buhay mula sa kamay ng mga batang tauhan. Narito ang sense of wonder tulad ng pagkakamangha sa lumang bahay, sa mga puno, sa umuusbong na supling, sa hangin, at maging sa alikabok.

Bakas ko rin ang pormulang pambata sa pelikula tulad ng pagkakagamit ng mitolohiya, pagkakatuklas, pagsuot sa lagusang mahiwaga, at ang ambisyon na makalipad.

Hindi rin mawawala ang kultura ng pagkabata tulad ng pagiging mahiyain, paglalaro, nag-uumapaw na lakas.

Napaka-ideyal na mundo ng pelikula. Ganitong buhay ang nais ko sa aking pagtanda--ang balikan ang aking pagkabata at ang mga hiwaga ng pagkabata.

(Tala sa larawan, kung ganito ang sasakyang susundo sa akin papunta sa ekuwelahan, gaganahan akong pumasok.)

Labels: