Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Saturday, December 29, 2007

"The Arrival" ni Shaun Tan at ang aking Edukasyong Biswal




Hindi ako pinamihasa ng aking magulang sa pagbabasa ng komiks. Marahil, hindi talaga sila bumibili ng mga libro para basahin bilang aliwan o labas sa konteksto ng edukasyon. Tangi nilang binibili dati ay broadsheet at tabloid. May isang taong naka-subscribe kami sa Asia Week magasin.

Sa kapitbahay lamang ako nakahihiram noon ng komiks. Hindi ko ito nagustuhan. Siguro'y hindi ko naman talaga gustong magbasa ng sinusubaybayan. Hindi ko hilig ang sundan ang isang kuwento. Para akong binibitin. Kapag nasa probinsiya naman ako, at wala akong mahanap na mapaglibangan, nagbabasa ako ng komiks. Mahilig magbasa ng komiks ang mga tao sa aming lugar. Doon ko nakilala ang kuwento ni Negro Bandido. Nakapagbasa rin ako ng mga grapikong kuwento ng katatakutan. Mahihiya ang anumang antolohiya ng horror stories ngayon sa nabasa kong kuwento sa komiks na palengke ng mga lamang-loob ng tao. May komiks na ilustrasyon ng popular na kanta gaya ng "If You're Not Here". Tila ba ito ang sinaunang bersiyon ng MTV sa aking henerasyon. Siyempre, natuklasan ko rin ang mga komiks na itinatago-tago ng aking tiyo. Ito ang mga pornograpikong komiks na nagmulat sa akin sa tinatawag na "hibo ng kalupaan."

Aaminin ko, mababa ang tingin ko sa komiks. Natuwa pa ako noon na nawala na ito o tumamlay sa bansa sa paglipas ng panahon.

Nitong mga nakaraang taon, nagbanyuhay (bagong anyo ng buhay o banyuhay) ang komiks. Naging graphic novel ito. Nasa wikang Ingles. Masining ang pagkakaguhit at kuwento. Hamon sa pagbabasa ang kaalaman sa biswal na kahulugan. Nagpatulong pa ako sa mga kakilala kung paano ba magbasa ng ganitong akda. Para akong nag-aral muling magbasa. Palibhasa, ang tagal na panahon kong isinara ang aking mga mata sa komiks.

Ilan sa mga nasa kong graphic novels na tumatak sa aking isipan ang mga gawa ni Craig Thompson na autobiograpikal na "Blankets" at ang halos pambata niyang "Good-bye, Chunky Rice" na tungkol sa magkaibigan pagong at daga. May kopya rin ako ng "Persepolis" ni Marjane Satrapi at paunti-unti ko itong binabasa. Inibig ko rin ang bagong anyo ng "The Invention of Hugo Cabret" ni Brian Selznick na pinaglangkap ang nobela at pelikula.

Kanina, nabasa ko ang graphic novel na "The Arrival". Inakala kong isa na naman itong ordinaryong kuwento ng mga imigranteng nakahanap ng bagong paraiso sa Estados Unidos. Sa pagbuklat ko ng mga pahina, namangha akot sariwa ang kaniyang atake sa pagkukuwentong biswal. Makahulugan ang mga larawan kaugnay sa takot, pangamba. Bago ang mga imahe para ipakita ang culture shock, ang pagtitiis, ang kalungkutan sa pag-iisa, ang pag-iisa sa kalungkutan. Hindi sentimental o emosyonal ang mga ilustrasyon. May hibo ito ng pantasya tulad ng mga pantasya ni Dr. Seuss.

Nakapasok ako sa mundo ng tauhan. Paano niya sasalubungin ang isang bagong bansa na may bagong wika at itsura? Paano ito ipakikita sa biswal na pamamaraan?

May kaugnay na kuwento ang pangunahing tauhan--mula sa ibang kultura at ibang bansa; kung paano sila tumakas sa kahirapan, pang-aabuso, at panganib. Talagang lupain ng paraiso ang USA sa akda ngunit hindi naging madali sa mga tauhan ang asimilasyon dito. Mahirap mag-isa. Mahirap iwan ang mga bagay na malapit at mahal.

Kuwento ito ng pakikipag-ugnayan ng mga magkakaibang kultura sa kanilang bagong lupain. Kubling paksa nito ang tolerance at pakikipagkaibigan.

May kamahalan ang presy ng aklat. Babalikan ko ito para muling basahin. Sana'y makalikha ang mga Filipino ng ganitong akda para ilarawan sa biswal at naratibong pamamaraan ang pangingibang-bayan.

Labels: , ,