Bagong Newbery/Caldecott Awardees
Kung marami ang naghihintay kung sino ang mananalo sa Golden Globes at Oscars, mas pinakahihintay ko bawat Enero ang anunsiyo ng American Library Association ng kanilang taunang Newbery at Caldecott winners.
Obsesyon kong maituturing ang basahin at bumili ng mga aklat na may ginto at pilak nitong sticker. Pinakahihinaty ko ang anunusiyo para magkaroon ako ng ideya kung ano'ng aklat ang aking babasahin. Ito ang patnubay ko sa pagbili ng librong pambata.
Daig ko pa yata ang Amerikano sa pag-aabang na ito. Isama na ang anunsiyo ng National Book Award para sa Young People's Literature at ang Carnegie Medal ng UK.
Tandang-tanda ko pa na noong nasa ospital ako, dalawang taon na ang nakaraan, habang nakaratay at nagpapagaling mula sa operasyon, ipinatanong ko pa sa mga kaibigan kung ano ang nanalong aklat ang nanalo sa Newbery at Caldecott. "Criss-Cross" ang nanalo noon na nagkaroon ako ng kopya pero hindi ko pa nababasa. Sakit ko na ang bumili ng mga aklat kahit ang bagal-bagal kong magbasa at naiipon o natatambak lamang ang mga ito sa isang silid. Sana'y may mahaba akong panahon para makapagbasa lamang.
Matagal nang may buzz ang "The Invention of Hugo Cabret". May hype sa aklat na ito. Tila mainit ito dahil sa bandwagon ng mga kakaibang aklat pambata sa disenyo, anyo, at ilustrasyon. Pinaghalong graphic novel, pelikula, at nobela ito na nasa anyong mytery at historical fiction. Bago pa man ito napansin ng NBA at ng Caldecott, binili ko ang kopya nito. Makapal ang aklat at hitik sa black and white na illustrasyon. Hindi ito picture book na kadalasang nananalo ng Caldecott. Pagkaraan kong mabasa ang aklat, naisip kong hindi ito pang-Newbery. Sa isip ko, sana mapansin ito sa Caldecott dahil sa pagkasining ng ilustrasyon. At nangyari nga.
Pagbati kay Brian Selznick! Ramdam ko ang tuwa niya sa anunsiyong ito. Para na rin akong nanalo bilang isang mambabasa niya.
Para sa mga bagong-waging mga aklat, asahang lilitaw ito sa aking wishlist ng Shelfari. Madaragdagan na naman ang aking mga pinakahahabol na aklat na hahanapin sa Booksale. At kung hindi ako makapaghintay, sa Fully-Booked.
Oo nga pala, niregaluhan ako ng PhP 1,500 gift cheque mula sa Fully-Booked. May mapagpipilian na ako.
Labels: awards, best books, reading
<< Home