Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Saturday, January 26, 2008

Mga Kaibigang Manunulat


Ang tagal na naming pinaplano ang magkaroon ng isang opisyal na araw para sa picture taking. Hindi kami makomple-kompleto. Pag kompleto naman, wala kaming dalang kamera. May isang araw na sabay-sabay kaming nagsulat sa Faculty Center. Mas masarap magsulat at mag-workshop nang may kasama. Pero sabi ni Luna, nagdadaldalan lang naman kami kaya wala kaming gaanong nagagawa.

Ngunit masaya kami sa mga panahong nagkakasama pagkatapos magturo. Dala ko si Binembi, ang aking MacBook, buong lugod kaming pumosisyon para magkasya kami sa frame. At nagkasya kaming apat--ako at si Luna Sicat-Cleto na nagmamay-ari ng silid na madalas naming workshop area. Pinakahihintay namin ang bagong nobela ni Luna na magiging doktor na rin! Nalalapit na ang kaarawan niya. Nandito rin sa larawan sina Elyrah Salanga at Will Ortiz na kasama ko sa pagsulat ng textbook sa malikhaing pagsulat at sa pagwo-workshop ng mga kuwento at sanaysay para mailathala. Hinihintay ko ang kauna-unahang librong mailalathala ni Elyrah. Ito ang lagi kong dedikasyon sa mga librong pinapapirma niya. Pagbati naman kay Will na malalathala sa isang international children's literature journal ang kaniyang kritisismo.

Ito ang grupong alam ang ibig sabihin ang "hesitation", "nasaan si Luna?", "nasaan si Elyrah?", "lui-lubi", "garapon", at ang pinakabagong "baker ba ako?"

Mainam na pruweba ang larawang ito. Hindi lahat ng manunulat ay matanda na, o hukluban, o nag-iisa. Hindi lahat ng manunulat ay walang matinong kaibigan, o nagsusumingit, at nalulunod sa kumunoy ng karalitaan. Tulad ng karaniwang tao, may karaniwang buhay at ligaya rin ang mga manunulat.

Labels: ,