Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Tuesday, March 14, 2006

“Fat Kid Rules the World” ni K.L. Going


Wala naman akong masayadong ginagawa, ayoko namang ma-stress, hindi naman ako nagtatakda ng kung ano ang dapat gawin sa sarili, kaya minabuti kong tapusin ang nobelang ito. Wala munang internet, sabi ko sa sarili, tatapusin ko muna. Nabasa ko na ang ¼ ng aklat, kaso nga, dahil sa comprehensive exam para sa PhD, hindi ko na natapos. Binitiwan ko. Ngayon ko lang pinasyang balikan, pagkaraang makabasa muli ng kontemporaryong young adult novel. Sa lawak kasi ng anyo ng panitikang pambata, mahirap ang palipat-lipat ng disiplina sa pagbabasa. Iba ang disiplina sa pagbabasa ng picture book, iba ang teknik sa pagbabasa ng nobelang pambata, lalo na ang young adult na aklat. Napapansin ko, medyo nahihirapan akong pumasok sa mundong nalilikha ng young adult novel dahil bukod sa wika at istruktura nitong makabago at sopistikado, kadalasan nitong itinatampok ang kabataan ng lipunang Amerikano. Kadalasan din, kultura pa ng African-American ang mga bida at konteksto. Mabuti’y may mga nobelang YA na madaling basahin dahil sa husay ng manunulat na akitin ang mga teenager na mambabasa. May taglay ang mga prosa nito ng elementong popular—wikang pangkasalukuyan, humor, maiikling talata at kabanata, mabilis na aksiyon, interesanteng tauhan, kakaibang istruktura sa pagkukuwento, panlipunang nilalaman, at makukulay na subplots.

Halos taglay ng nobelang “Fat Kid Rules the World” ang mga nabanggit kong katangian ng popular na YA novel. Gayunpaman, hindi ko maakusahan ang nobela bilang isang basura o mahinang uri ng aklat. Dahil kung hindi, bakit pa ito nagwagi ng Printz Honor? O bakit ko pa ito pinahanap at pinabili sa kaibigan?

Nakalikha si K.L. Going ng simpatetikong matabang tauhan. Nakaugnay ako ang tauhang ito (hindi naman dahil sa humantong ako sa halos 300 lbs. na timbang kundi alam ko ang kaniyang pinagdaraanan). Ang pang-akit sa akin ng mga YA novel ay ang pagtatampok ng mga tauhang outcasts. Gustong-gusto ko na nabibigyan ng tinig at kapangyarihan at pagkilala at pagsusuri ang mga tauhang hindi napapansin o papansinin ng karamihan. Gusto ko ang tauhang si Liam sa “Luna”, si Troy sa nobelang ito, at ang mga pangunahing tauhan sa “Speak” at “The Earth, My Butt, and Other Pretty Round Things”—sila ang mga tauhang biktima pero sa bandang huli’y maiigpawan ang mga patong-patong na problema at hamong kanilang kinakaharap. Nagustuhan ko rin ang aklat sa pagtatampok ang di-inaasahang magkaibigan (tila ugnayan ng tauhang alkoholiko at prostitute sa “Leaving Las Vegas”)—isang suicidal na obese na mababa ang self-esteem at isang popular at maalamat na punk, junkie at homeless na binata.

Katangi-tangi ang nobela ito sa pagkakagamit ng matalino at malinis na prosa sa unang panauhan. Orihinal din ang paglikha ni Troy, ang bida at panauhan, ng mga headline para sa kaniyang buhay; at dito nakuha ng autor ang pamagat ng kaniyang unang aklat. Nakalakip din sa prosa ang wika at kultura ng kasalukuyang kabataan ng New York. Gayunpaman, sa sobrang witty at bagsik ng humor sa ilang mga talata, nakikita kong nagsasalita ang nobelista at hindi ang tauhang si Troy o Big T (kay Curt). Kontrobesiya ito sa akin dahil si Troy naman ay hindi articulate. Bakit ang kaniyang pagmumuni ay nakakasugat? Nagustuhan ko rin ang aklat na ito dahil sa mahusay na editing at sa magaan nitong prosa. Hindi ako naobligang tapusin ang aklat, kusa nito akong dinala hanggang sa wakas. Nagustuhan ko rin ang resolusyon ng kuwento na itinampok ang pagkakahanap ni Troy ng kaniyang tagong pagkatao, ang kaniyang talento, na hindi rin niya nakita, marahil sa pag-aalala ng kaniyang taba. Nais ko rin ang sinasabi ng autor na hindi naman kailangang magdiet at magpapayat ang bidang tauhang para siya matanggap ng lipunan at ng mundo ng musika. Kapuri-puri rin ang sense of place sa nobela. Alam na alam ni Going ang heograpiya ng Manhattan. Nais ko rin ang deskripsiyon niya ng mga tunog at ng musikang rock. Pinakamalaki niyang tagumpay ay ang binighani niya ako sa mundo at musikero ng musikang underground o alternatibo.

May ilan lang akong nakikitang puna sa banghay ng nobela. Una, walang nanabnggit o natukoy ukol sa pag-aaral at paaralan ni Troy. Di iyon maaari dahil isang senior na estudyante ang bida. Pangalawa, bakit naman napakababa ng self-esteem ni Troy, at naging suicidal pa, nag-iisa lang ba siyang obese sa kanilang paaralan, kanilang komunidad, kanilang lugar? Pangatlo, hindi rin maganda ang pagkakagamit ng autor ng stereotype ng atletikong kapatid ng isang obese na kuya at isang tatay na militar. Halatang-halata ang pagiging kamada (contrived) ng agenda sa pagkukuwento. Pang-apat, problem novel na naman. Ito na ag poetika ng mga nobelang YA na nagwawagi sa Michael Prints at sa National Book Award for Young People’s Literature. Nagiging katangian na ng isang premyadong YA novel ang pagtatampok ng mga patong-patong na suliraning kinakaharap ng teenager. Sa nobelang ito, halimbawa, tinalakay ang problema ng obesity, suicide, drug abuse, child abuse, at kawalan ng tirahan. Naisip ko, wala na bang YA novel na masaya lamang? Pero nagdalawang-isip ako. Nasabi ko sa sarili, mas okay naman ang problem novels, bawasan lang ng problema para naman mas magaan ang pakiramdam, kaysa naman magbasa ako ng mga nobela ng "Gossip Girls".