“Harriet the Spy” ni Louise Fitzhugh
Pasensiya na at gagamitin ko ang aking paboritong parilala, “Sa wakas.”
Matagal na akong mayroong kopya ng librong ito, halos magsasampung taon na. Nabili ko ang segunda manong kopya sa nawala nang segunda manuhan sa may Robinson’s Galeria, ang Eighty Eight. Nang nagpasiya akong basahin ang librong ito noong nakaraang buwan, nanlumo ako sa lumang kopya nito na naninilaw, maraming alikabok, at kupas na ang kulay ng pabalat. Mabuti na lamang at nakita ko ulit ang isang kopya sa Chapters and Pages sa Eastwood, bago manood ng Munich, kauna-unahang pelikulang napanood ko pagkaraang maospital. Sa pagkakakita at pagkakabili ng mas maayos na kopya, binasa ko ang importanteng aklat na ito.
Maituturing na “milestone in children’s literature” ang nobelang ito na unang nalathala noong 1964. Importanteng teksto ito sa panitikang pambata dahil sa pagtatampok ng isang matalino, malikhain, malakas na tauhan sa realistikong pamamaraan. Sinabi kong ring realistikong pamamaraan dahil tao ang pagkakahubog kay Harriet M. Welsch—natatakot, kinakabahan, naiiyak, nagagalit, umiinit ang ulo. Hindi siya perpektong tauhan na magiging modelo ng batang mambabasa, ngunit kaibig-ibig ang kaniyang personalidad at pag-unlad ng halagahan at katauhan. Mainam ang pananliksik ni Fitzhugh sa sikolohiya ng isang bata, partikular na sa isang matalino, matapang, mapagmasid, at sensitibong bata. Naipakita niya ang talas ng pag-iisip ng bata (heto ang suspetsa ko kung bakit ito nagustuhan ng maraming batang mambabasa), gayundin ang kultura (ang kahinaan at kasamaan) ng mga bata tulad ng paglikha ng barkada, politika sa paaralan, paghihiganti, pananakit, pananakot, paglikha ng kampihan, panunukso. Dagdag pa rito ang pagsandig ng bata sa kaniyang nakagawian tulad ng pagkahilig sa tomato sandwich at ang pagiging mapaghanap sa kaniyang yaya o nurse, at ang paninibago sa mga pagbabago.
Dalawang tema ang nananalaytay sa naratibo. Una’y nabanggit ko na: ang mga paninibagong kinakaharap ng isang bata sa kaniyang pagkagulang. Paano haharapin ng bata kung mawawala na sa kaniyang piling ang isang tagapag-alaga? Paano lulutasin ng bata ang kaniyang sariling problema na walang tulong ng magulang at tagapag-alaga? Pangalawa’y ang tema ng pag-abot ng mga pangarap. Ito ang dahilan kung bakit naging interesado ako sa nobelang ito. Bukod sa pagiging espiya, nais ni Harriet na maging manunulat. Maraming eksena sa nobela na ipinapakita ang kasiyahan dulot ng mayamang pag-agos ng inspirasyon. Punumpuno si Harriet ng inspirasyon, materyal, at enerhiya sa pagtatala ng kaniyang namamasid. Nagustuhan ko ang kaniyang ligaya sa pag-eensayo kng paano maglarawan sa pamamagitan ng pagsusulat. Sana, lahat ng mga magiging estudyante ko sa pagsusulat ay may sigla tulad ng batang ito.
Habang binabasa ko ang kaniyang kuwento, naaalala ko ang sariling pagkabata. Tulad niya, mahilig din akong magmasid, manilip, mang-usisa. Nakikinig ako sa mga usapang-pangmatanda, at nalalaman ko ang kanilang mga lihim. Kunwa’y inosente, nagmamasid ako sa dinamismong nangyayari sa aming kalye—ang maluhong kapitbahay na kakaunti naman ang suweldo, ang kapitbahay na maraming anak at hindi nila napag-aral, ang naghiwalay na mag-asawa na nauwi sa pangingibang-bayan, ang isang Japayuki na nagkaroon ng anak sa Hapon, ang isang pamangking nang-agaw ng asawa sa kaniyang tiyahin. Iyon lamang, wala akong notebook tulad ng tauhan. Pero lahat ng aking obserbasyon ay nakamarka sa aking gunita. At dahil wala akong notebook, hindi ko dinanas ang suliraning kinaharap ni Harriet: ang maisapubliko ang kaniyang pribadong mga obserbasyon.
Kung tutuusin, maagang naranasan ni Harriet ang mga realidad sa lipunan. Maaga niyang nalaman ang magsinungaling para lamang maging payaga ang mga uganayan. Maaga niyang nalaman na masakit ang katotohanan sa mga taong kaniyang inoobserbahan—ang pag-iisa, ang gulo sa isang pamilya, ang munting kasiyahan ng tao, ang adiksiyon at katamaran. Maaga niyang nalaman ang kabuktutan ng kampihan at barkadahan. Maaga niyang namasid sa sariling silid sa paaralan ang umiiral na politika at pang-aabuso sa kapangyarihan. Positibo akong magiging mahusay na manunulat ang bidang tauhan sa kaniyang pagtanda. Dahil dito, maituturing na mainam na tekstong pambata ng nobela sa puntong inihahanda nito ang bata sa kaniyang pagkamulat, pagtanda, at pagkilala sa sariling talento at responsibilidad.
Rekomendadong kapanabay na babasahin: “Matilda” ni Roald Dahl
<< Home