“The Gift of Nothing” at Iba pang Aklat Pambata
Hindi ko na kailangan ng introduksiyon sa entry na ito. Tulad muli ng dati, imbes na mabagot sa kakahintay, para magpalamig dahil sa nalalapit na tag-araw, nagbasa ako ng mga aklat pambata sa tindahan ng mga aklat. Hindi naman nasayang ang aking oras sa pagdampot ng mga kalat-kalat na aklat sa paligid ng children’s book section. Heto ang aking mga nabasa’t nakadagdag-impresyon at impormasyon sa anyo ng picture book:
“The Paper Bag Princess” ni Robert Munsch—May sticker sa labas ng aklat na sinasabing klasikong aklat ito ni Munsch. “Classic Munsch” daw. Pagkaraang mabasa, masasabi kong hindi lamang ito klasiko ng naturang autor (ito pa lang yata ang nababasa kong aklat niya), kundi nasa hulma ito ng klasiko at pambayang (folklore) na kuwento. Gayunpaman, naisakontemporaryo ng manunulat ang kuwento sa pagdaragdag ng mga abanteng ideya ukol sa kasarian—ang klasikong kuwento na ililigtas ng prinsipe ang prinsesa ay binaligtad ng autor. Itinampok ang isang batang babae, gamit ang kaniyang talino, ang talas ng pag-iisip, para malupig ang mabangis na dragon at mailigitas ang pakakasalang prinsipe. Agad maiisip ang mga trickster tales o mga kuwento ng panlilinlang sa habang binabasa ang kuwento na hitik sa repetition o pag-uulit. Gamit ding armas ni Munsch ang ideyang feminista dahil sa huli, hindi magpapailalim ang matalinong babaeng tauhan sa tradisyonal at saradong pag-iisip ng isang lalaking kaniyang iniligtas. Ito ang isang feministang o mapagpalayang aklat pambata na kalugod-lugod ang pagkukuwento. Mairerekomenda ko rin ang iba pang aklat pambata na may hawig na konsepto sa malakas at matalinong babaeng tauhan: “Princess Smartypants” ni Babette Cole at ang “Princess Knight” at “Pirate Girl” ni Cornelia Funke.
“Little Blue, Little Yellow” ni Leo Lionni—Kilala si Lionni sa mga aklat pambata niyang gumagamit ng collage at mga papel na pinunit-punit at idinikit sa spread para makalikha ng mga imahen ng daga (“Frederick” at “Alexander and the Wind-Up Mouse”). Sa aklat pambatang ito, hindi siya gumamit ng mga papel kundi mga tinta. Habang pinagmamasdan ang mga larawan, may pakiramdam ako na matapong mga tinta ang ilustrasyon. At sa tulo ng tintang ito, marahil, nakakuha ng inspirasyon ang manlilikha. Ukol ito sa pagkakaibigan ng dalawang patak ng kulay na asul at dilaw. At sa tindi ng kanilang pagkakaibigan, isang araw, natuklasan nilang kapag nagdikit sila’y makalilikha sila ng bagong kulay na ibang-iba sa kanilang identidad. Ipinaalam nila ang pagkakatuklas na ito sa kanilang mga magulang at nagdiwang sa bisa ng pagmamahal at lalim ng pagkakaibigan na magbubunga ng isang makulay na pamumuhay. Mainam itong aklat para ituro ang mga konsepto ng color combination sa mga bata, at may halagahan pa ukol sa pagkakaibigan.
“The Grouchy Ladybug” ni Eric Carle—Hindi yata mauubusan ng mga kuwento si Eric Carle ukol sa mga insekto. Isang ladybug naman ngayon ang kaniyang tauhan. Ang pinakakilalang aklat ni Carle, para sa akin, ay ang “The Very Hungry Caterpillar” na nagtuturo sa mambabasa ng konsepto ng metamorphosis at ang mga araw sa isang linggo, gamit ang popular na elemento ng kuwentong pambata na repetition at progression. Sa aklat namang “Ladybug”, maraming lebel ng konsepto ang nakapaloob sa simpleng naratibo ng tunggalian ng dalawang ladybug (isang palakaibigan at isang masungit at palaaway) sa pagkain ng mga pesteng aphids sa dahon. Matutukoy ko ang pagpapakilala sa konsepto ng oras, kulay ng paligid sa pagbabago ng oras, iba’t ibang laki ng mga hayop, halaga ng pagkakaibigan at pagbibigayan, at ang tungkulin ng mga ladybug para pangalagaan ang kalusugan ng mga halaman laban sa pesteng insekto. Nakatutuwa ring makakita ng aklat na lumalaki ang pahina habang lumalaki rin ang mga hayop na nakakaharap at hinahamon at inuurungan ni Grouchy Ladybug. Magandang karagdagan ang aklat na ito para sa klase ng panimulang siyensiya at ekolohiya (organic farming) sa mga batang mag-aaral.
“The Gift of Nothing” ni Patrick McDonnell—Kung wala akong maisip na regalo sa isang kaibigan, baka ito ang aking iregalo. Kaso, may kamahalan ng aklat na ito. Siguro, baka ikuwento ko na lang sa kaniya ang nilalaman ng aklat na ito. Tungkol ito sa pagkakaibigan ng dalawang pusa. Nag-iisip ang isa kung ano ang kaniyang ireregalo sa kaibigang pusa. Nahirapan siyang pumili dahil mayroon na siya ng lahat. Naisip ng pusa, reregaluhan na lang niya ang kaibigan ng “nothing” dahil may “everything” na ito. Natutuwa ako sa katatawanang taglay ng kuwento—sa paghahanap ng pusa ng “nothing” o “wala”, sa paglalaro ng salitang “kawalan” o “nothing”, sa tila misteryong paglalakbay at pagtuklas sa “kawalan” bilang regalo, at ang pagtitimbang sa halaga ng “wala”. “Nothing” ba talaga ang “nothing”? Wala ba talaga ang “wala”, gayong hinuli ng pusa ang “kawalan” at isinilid sa malaking kahon? Medyo siyentipiko na ang basa ko sa isang pilosopikal na kuwento. Sa wakas, nagitla rin ang pinagbigyan dahil “walang” laman ang kahon ng regalo. Natuwa naman ang pusang nagbigay dahil nakita ng kaniyang pinagbigyan na “wala” ang laman ng kahon. At saka niya ipinaliwanag na ang maibibigay niya ay ang kaniyang sarili, ang kaniyang pagkakaibigan. Ang ganitong aklat, tulad marahil ng “Guess How Much I Love You”, ay may elementong kumukurot ng puso hindi lamang sa mga bata kundi sa mga matatanda. Matalino ang pagkakalikha. Poetiko at punumpuno ng mga imahe ang bawat pahina, pero may pakiwari akong tila-greeting card ang poetika ng aklat. Pakiwari lang naman iyon. Siguro, ang bisa ng aklat na ito ay ang kapangyarihan nitong maging isang mainam na pangregalo. Gayunpaman, naniniwala ako na may mga regalong hindi maikakahon.
“Zoom” ni Istvan Banyai—Wordless na picture book na habang binabasa ko’y hinigop ako sa loob ng tekto, sa loob ng biswal. Pinalawak nito ang aking persepsiyon sa mga bagay sa paligid, nilangisan ang aking imahinasyon, nilaro ang aking isip. Mula sa palong ng manok, lumaki at lumawak ang paligid hanggang sa makita ko ang pabalat ng isang magasin. Lumaki at lumawak pang muli at dinala ako sa billboard na nakasabit sa umaandar na tren. Palayo muli nang palayo ay eksena pala ito sa telebisyon, na nakunan ng isang ilustrador para itampok sa isang selyo na may larawan ng isang cowboy na nanunod ng telebisyon sa my disyerto. Dito huminto ang pag-zoom out hanggang sa makita ko na ang selyo ay nakadikit sa sulat para sa isang pinuno sa Solomon Island. At ang isla’y lumiit. Tumaas ang perspektiba hanggang sa makita ko ang buong daigdig buhat sa kalawakan. Isang malaking bilog...papaliit. Hanggang sa maging isang tuldok. Zoom! Isa itong rollercoaster na aklat na yayanig sa sariling maaabot ng mga mata. At haraya.
“God Went to Beauty School” ni Cynthia Rylant—Ang ganda ng pamagat! Ito ang una kong nasabi nang makita ko ang manipis na aklat ng mga tula. Hindi ito nobela sa anyo ng blank verse. Isa itong koleksiyon ng mga tula ukol sa Diyos na nailagay sa moderno o kasalukuyang panahon, sa iba’t ibang pagkakataon. Maaaring basahing isa-isa ang mga tula, dahil kaya naman nitong tumayo sa sariling tekto na hindi nakaasa sa pangkalahatan. Gayunpaman, para mas maging mabisa ang sinasabi ng aklat, mairerekomenda kong basahin ang kabuuan. Paano kung ang Diyos nga ay nag-aral sa Beauty School? Ang mga tula sa koleksiyon ay hindi mga tulang katatawanan, kundi mga tula ukol sa ligaya ng Diyos sa kaniyang mga nilikha sa kasalukuyan—pagkakaroon ng sipon, pagtatayo ng parlor, pagpunta sa India, pagkagiliw sa elepante, pag-aalaga ng aso, pagpapakabit ng cable at pagcha-channel surf, pagsakay sa bangka, pag-upo sa ilalim ng puno na nagpatibay sa ligayang naramdaman ni Buddha, pagkonsulta sa doktor, pagligo nang nakasuot pa ng robe, pagsulat ng aklat na binasa sa isang bata na nang tumanda’y naging manunulat, panonood ng pelikula, at ang aking paborito’y ang pagsulat niya ng fan letter para sa nagustuhan niyang country singer. May himig na postmoderno ang nilalaman ng koleksiyon. Hindi didaktiko ang mga tula, gayong nagtataglay ng mensaheng ispiritwal. Nagawa ni Rylant na gawing magaan at kaakit-akit ang mga tulang nagtatampok sa Diyos. Sa wakas ng kuwento, naipakita niya ang sakit na naramdaman ng Diyos sa aksidenteng pagkakalikha ng sigalot sa magkapatid na Cain at Abel. Buhat dito’y makalikha ang mga mambabasa, guro, at magulang ng maraming mensahe ng aklat na ito.
<< Home