Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Sunday, March 12, 2006

"Draw Me a Star" at iba pang Aklat na Nakakaaliw


Ang saya siguro ng buhay kung isa akong children’s librarian o kaya’y nagbebenta ng mga aklat pambata. Naalala ko, minsan, tumatambay ako sa UP College of Education Library, sa kanilang children’s book section, para magbasa ng mga aklat pambata sa buong maghapon. Isa iyon sa pinakamaliligaya kong araw. Nasabi ko n rin dati, sa aking sanaysay, na kaya kong mabuhay nang nakakulong sa isang espasyo na puno ng aklat pambata.

Mga huling nabasa sa bookstore:

“If You Give a Pig a Party” ni Laura Numeroff—Nakuha nito ang kultura ng isang bata na magpapakasaya at susulitin ang kaniyang pinakamasayang araw. Taglay ng kuwento ang pagiging mapaglaro at palakaibigan ng tauhan na bago muna idaos ang kaniyang party sa sariling kaarawan ay dumaan muna sa mga pasakalye tulad ng perya, pagkain ng ice cream, paglalaro, sleep-over, pillowfight, at sa wakas ay ang party. Walang konseptong taglay ang aklat kundi ang eksena ng paglihis sa party. Ipinapakita nito ang kapangyarihang taglay ng bata, kahit isang araw, na magplano ng kaniyang sariling kaligayahan.

“Don’t Let the Pigeon Stay Up Late” ni Mo Willems—Muli, narito na naman ang kalapating napakakulit. Ipinagkatiwala ng lalaking driver sa mambabasa ang pagpapatulog sa pigeon. Kayhirap niyang patulugin! Napakakulit, tulad ng isang batang gusto pang maglaro kahit madilim na ang paligid at oras nang matulog. Ang bisa ng librong ito’y ibinabalik at binabaligtad ng aklat ang tungkulin ng matatanda sa mga bata. Sa librong ito, tila ang mga bata ang nagpapatulog sa kanilang sarili. Natututunan tuloy ng bata na ang sinasabi ng matanda’y hindi pagsusungit o anuman kundi paraan lamang ng pagdidisiplina.

“Vote for Duck” ni Doreen Cronin—Mala-“Animal Farm” ang kuwentong ito na nahahaluan ng politika ang relasyon ng mga hayop at ng tao. Natuwa ako sa unang bahagi ng kuwento na nangampanya ang mga duck para sa posisyong lider ng farm. Maganda kuwento sana ukol sa demokrasya. Kaso, umangat nang umangat ng puwesto at tungkulin ang Duck hanggang maging pangulo ng bansang Amerika nang malaman niyang ang mga tungkulin ay mahirap. Binibitawan niya ang mga posisyon pero naghahangad siya ng mas mataas. Mukhang ilohikal ang banghay; gayunpaman, nakatutuwa ang kuwento sa mga gusot niyang pinasok at iniwan.

“Draw Me a Star” ni Eric Carle—Fan na yata ako ni Eric Carle. Kapag nakakita ako ng kaniyang mga ilustrasyon, alam kong siya ang lumikha at ang manlilikha. Mayroon siyang sariling estilo na hindi makukuha ng sinuman. Kung gaano kasimple ang kaniyang mga kuwento, ganoon din ang kaniyang mga likha. Simple pero may taglay na sopistikasyon na akma sa mga bata. Sa aklat na ito, itinampok ang manlilikha o artist bilang manlilikha ng daigdig. Akala ko’y modernong kuwento ito ng henesis, pero ipinapakita nito ang kapangyarihan ng tagaguhit bilang tagalikha ng kaniyang sariling mundo. O ang tungkulin ang artista sa paglikha ng lipunan. Napakapoetiko rin ng imahen na umangkas ang artista sa bituin; naabot niya ang kaniyang pangarap na bituin at inilibot siya nito sa kaniyang mga likha. Ang aklat na ito’y parangal sa mga taong lumilikha ng magagandang larawan para sa mga aklat pambata.

“Click Clack Moo, Cows That Type” ni Doreen Cronin—Masaya ang kuwentong ito. Ngayon, natutuwa ako sa mga kuwentong pambata na masasaya ng banghay. Bakit kaya sa Pilipinas, uso ang mga kuwentong paluhaan? Dahil may kapangyarihan ang mga baka na magsulat, makipagtalastasan, at gumamit ng makinilya, humiling sila sa farmer na bigyan sila ng electronic kumot dahil malamig ang paligid. Electronic kumot? Halos napahalagalpak ako sa kuwento. Kung hindi raw, wala silang ibibigay na gatas. Wow, ang kuwentong ito’y magandang ilustrasyon ng usaping pangmanggagawa. May taglay ang kuwentong ito ng potensiyal ukol sa welga at maayos na paggawa.

“On Market Street” ng mag-asawang Lobel—Kakaibang uri ng alphabet book. Nagustuhan ko ang mga bawat ilustrasyon na magpapaplawak ng imahinasyon, gayong iisang salita lamang ang nasa pahina.

“Super Fly Guy” ni Tedd Arnold—Batang si Buzz na may laga at kaibigang langaw? Magagawa lamang ang kuwentong ito sa produksiyong Amerikano. Bukod sa kakaibang tauhan, naging pangkalahatang motif ng aklat ang paggamit ng letrang “z” para umakma sa tunog na nagagawa ng langaw. Nakakaaliw ang kuwentong ito ukol sa pakikipagkaibigan ni Fly Guy sa cook na si Roz (sabi ng langaw ay “Rozz”). Nagustuhan ko ito dahil ang mga paborito kong kuwento ay ang pakikipagkaibigan ng bata sa isang di-inaasahang kaibigan (daga man o biik) at nagiging bayani pa ito sa kuwento.

“Just in Case” ni Judith Viorst—Hindi ko nagustuhan ang mga ilustrasyon, kahit na ang kuwento sa aklat. Nasaan na ang rule of three sa kuwento bilang motif. Masyadong “pinahaba” ng autor ang kaniyang kuwento. Nakakabagot na repetition. Mabuti sana kung maganda ang ilustrasyon, hindi naman. Nadismaya ako sa pagbabasa nito. Sana’y dumaan sa editing. Hindi na niya nasundan ang mga klasiko niyang aklat pambata ukol kay Alexander. Sayang. Tumanda siyang paurong. Gayunpaman, nanduon pa rin ang katangian ng isang mainam na karakterisasyon: batang mahilig magplano at gumagawa batay sa sariling desisyon. Sa huli’y malalaman niya na mainam rin ang mga bagay na di dumadaan sa plano. Maganda ang masorpresa.