Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Tuesday, October 30, 2007

Memo sa Sarili

1. Bumili ng treadmill lalo pa't 30% off sa SM City.
2. Huwag nang kumain ng mataas sa cholesterol. Hindi naman talaga kaso minsan, ang hirap magpigil sa siopao.
3. Isulat ang nabinbing kuwento tungkol sa pagbabasa at sa lolo.
4. Magbasa ng mga kuwento ni Murakami.
5. Huwag munang bumili ng mga libro.
6. Dalhin sa Antipolo ang mga lumang librong nabasa at hindi na mababasa.
7. Manood ng mga DVDs na parang wala nang bukas pa.
8. Magpa-blood test at kitain na ang doktor ko. (Nakakatakot!)
9. Isumite na ang manuskrito sa UP Press.
10. Magbasa na ng mga related topics sa nobela. Folklore, ethnography, etc.
11. Sumulat ng legend story na pumapaksa sa bituin.
12. Bumili ng 3 pantalon

Labels:

Sembreak na Ako! (At Marami akong Nabasa)

Ngayon lang ako makakapagsembreak. Ibig sabihin, wala akong iniisip na klaseng papasukan at tuturuan. Hindi ako gigising nang maaga. Hindi kailangang matulog nang maaga. Noong nakaraang Biyernes, naibigay ko na ang classcards at grado ng mga estudyante. Hindi ako nagpaulan ng uno. Ibinigay ko ang uno sa mga karapat-dapat na estudyanteng masipag at matalas. Hindi uubra ang matalas lang pero tamad at laging absent. May espesyal na grado kapag perfect attendance at kapag class secretary. Wala pang sampu ang nakakuha ng 1.0 sa anim kong klase. Hindi na masama iyon. May mga guro akong kilala na hindi talaga nagbibigay ng 1.0 sa mga klaseng undergraduate. Wala akong ibinigay na 1.0 sa klase ko sa panitikang pambata. Napapansin kong mas magagaling ang mga mag-aaral na hindi nagmumula sa aming kolehiyo o sa aming departamento.

Nakasulat ako ng tatlong bagong kuwento. Isinumite ko ito para sa konsiderasyong malathala. Sana'y malathala. Matagal ko nang gustong magkaroon ng bagong libro sa publisher na ito, na iginagalang ko. Kanina, pagkatapos ng maagang hapunan, nasabi ko kay Will na kung may pagkakataon, gusto kong maging publisher. Gusto kong maglathala ng mga aklat pambata na may naiibang linya.

Ngayong sembreak, napanuod ko ang mga sumusunod na pelikula: "Life is Beautiful" (muling pinonood), "Run Lola Run" (muling pinanood pagkatapos hindi matapos noong nakalipas na limang taon), "Lust, Caution" (pinanood sa Gateway ay hindi ako inantok). Puro may subtitles ang aking pinapanood na pelikula. Hindi pa ba ako makalaya sa pagbabasa? Kung sabagay, ang pelikula naman ay talagang binabasa at hindi lamang pinapanood.

HIndi ko naisulat ng dalawang kuwentong nais ko sanang isulat. Baka sa susumnod ko na lang isusulat iyon. Tatapusin ko mula ang aking nobela na binigyan ng creative writing grant. Aasikasuhin ko ang aking dalawang sanaysay para sa professorial chair at panayam sa DLSU bilang parangal kay Dr. Bienvenido Lumbera. Iyon na lang muna ang aking isasagawa. Sana'y masulat ko rin ang kuwento ko na matagal ko nang inaalagaan. Maghahanap muna ako ng aking resource person.

Mga huling nabasa:
1. "Lentil" ni Robert McCloskey--mula sa sumulat ng paborito kong "Make Way for Ducklings". Pansin ko ang sense of place ng manunulat at ilustrador. Maging ang folklorikong tono nito at ang humor. Napaka-Amerikano ng kuwento at ng mga imaheng ibinibigay sa mga bata. Tungkol ito sa batang hindi marunong kumanta at nahanap ang kaligayahan sa paghaharmonika.
2. "Empty Claypot" at "Liang and the Magic Paintbrush" ni Demi--para akong nakakita ng mga magagang ilustrasyon sa porselana. Nakuha ni Demi ang estilo ng mga ilustrador sa mga mangkok at pinggan. Kung bata ako, magiging paborito ko ang dalawang kuwentong ito na hango sa kuwentong-bayan ng Tsina. Pilosopikal ang una tungkol sa katapatan at ang isa nama'y ukol sa paglaya sa kahirapan at sa monarkiya.
3. "When We Were Young in the Mountains"--ni Cynthia Rylant--Kuwento ng memory-making ng buhay sa bundok. Old-fashioned ang estilo at ang itinatampok na buhay. Simple ang pagkakasulat, tulad ng napiling pook o pamumuhay. Kahanga-hanga ang ilustrasyon. Naririnig ko ang mga kuliglig at ang amoy ng mga damo at ligaw na bulaklak.
4. "Toy Boat" ni Randall de Seve--mas bagong bersiyon ng kuwento ng ugnayan ng bata at ng kaniyang laruan paris ng "Velveteen Rabbit" at ang "Pinky, Tsinita, Rita Ritz, at si Barbie". Mahilig pala ako sa mga kuwentong ukol sa laruan. Sana'y makasulat ako ng sarili kong beriyon balang-araw. Gumamit ito ng enumerasyon ng mga uri ng sasakyang-tubig.
5. "The Little Red Fish" ni Tae-Eun Yoo--halos wordless o minimal ang teksto. Ipinapakita sa kuwento ang adbentura ng pagbabasa at ang library bilang lunan ng hiwaga at adbentura. Poetiko ang mga ilustrasyon. Gusto ko ang batang sumabit sa paa ng mga ibong lumilipad, pati ang mga isdang lumabas mula sa libro. Siyempre, pati ang imahen ng mga estante na puno ng mga aklat.
6. "Hondo and Fabian" ni Peter McCarty--ang cute ng mga ilustrasyon. Akala ko, gasgas na ang kuwento ng aso at pusa pero sariwa ang atake dito ng manunulat. Magaan ang rendisyon ng pagguhit, mainam ang gamit ng color pencils. Ipinapakita nito ang adbentura ng aso at pusa sa loob at sa labas ng tahanan. At wala itong ipinagkaiba kapag may malikot ding imahinasyon.
7. "Choo Choo: The Story of Little Engine Who Ran Away" ni Virginia Lee Burton--Klasikong kuwentong pambata. Sinabi na ng pamagat kung ano ang kuwento. Isang tren na nagsawa na sa kaniyang ginagawa at saka tumakas sa kaniyang tungkulin sa biyahe at pagdadala ng mga bagahe. Moralistiko ang kuwento ukol sa hindi pagtakas sa sariling kalikasan at isagawa ang sariling tungkulin. Ito kaya ang impluwensiya ng kuwentong "Duglit, Ang Dugong Makulit"? Ito ang aklat pambata na maaaring paborito ng aking mga magulang kung nabasa nila ito sa kanilang pagkabata.
8. "Funny Thing" ni Wanda Ga'g--isa pa sa klasikong picture book mula sa Amerika. Wala pa ring tatalo sa "Millions of Cats" na ginawa ng ng parehong awtor. Kalakasan ng aklat ang taglay nitong humor at imbensiyon ng salita.
9. "Chester's Way" ni Kevin Henkes--Bumili ako ng kopya dahil sa sanaysay na nabasa ko na nagsasabing ito raw ay isang queer picture book. Masinsin kong binasa at talaga namang puwede itong bigyan ng gay reading. Matagal na akong fan ni Kevin Henkes sa mga aklat niya tungkol sa mga dagang sina Owen (paksain ay security blanket), Lilly (paksain ay kakulitan), Julius (paksain ay arrival of a rival), at Chrysantemum (paksain ay sa pagiging kakaiba o pagkakaroon ng ibang pangalan). Humanga ako sa aklat na ito sa matapang paksain pero hindi lantaran ang pagiging radikal.
10. "Snowflake Bentley" ni Jacqueline Martin at Mary Azarian--Aklat pambata para sa mga artist at scientist at sa sinumang may matinding pagnanasa o passion sa isang bagay. Naibigan ko ang pagkakamangha ni W.A. Bentley sa ordinaryong bagay tulad ng snowflake. Siya ang nakaisip na kunan ito ng mga larawan at pag-aaralan ito sa siyentipikong pamamaraan. Ipinakita nito ang kadakilaan ng ordinaryo. Walang ordinaryo sa extraordinaryong mga mata. Extraordinary ang magkaroon ng pagnanasa sa isang bagay. Passion ang sanhi kung bakit pa tayo nabubuhay sa daigdig. Naibigan ko rin ang paggamit ng dalawang moda sa pagsulat--ang moda ng non-fiction sa isang bahagi, ang moda naman ng kuwento batay sa talambuhay ang isa. Ganito ang pamantayan ng mga interesanteng aklat tungkol sa mga dakilang tao.

Isang tanong:
Krimen ba ang magbasa ng aklat sa loob ng bookstore? Wala kasing sistema ng library sa bansa. Kung mayroon, ang dami sigurong Filipinong nagbabasa at may pagkakataong pagyamanin ang sariling imahinasyon.

Labels: ,

Wednesday, October 24, 2007

Report Card sa mga Deadline

Natapos kong isulat ang bagong kuwento. Pangalawang draft na ito ngayon. Binago ko ang titulo.
Mamaya, ipapaworkshop ka na naman ito. Sana'y kasama ng bagong kuwento na isusulat ko ngayon.

Natapos ko ang revision ng critical essay ko para sa refereed journal.
Inumaga ako sa pagrerebisa nito. Madugo, kahit pa sabihin ng aking dalawang referee na "kailangan lamang ng kaunting rebisyon." Ang taas kasi ng pamantayan ko sa sarili. Gusto kong ibunubuhos kong lahat bago maging final ang isang borador. Mula orihinal na 24 pages ay naging 35 pages ang aking pananaliksik. Dinagdagan ko ng panlipunang konteksto at dagdag na teksto na mahalaga sa talakay.
Naipadala ko na sa editorial staff. Sana'y pumasa na.

Kanina, nakuha ko ang manuscript ng isang chapter ng textbook writing project.
Oct. 25 daw ang deadline kaya agad kong ipinasok ang mga dapat ayusin. Minimal na editing lang naman iyon. pero inabot pa rin ako ng dalawang oras sa pagpapakinis ng teksto.

Dapat, makasulat ako ngayon ng bago pang kuwento. Para maipaworkshop na bukas.

Ganadong-ganado akong sumulat. Para akong nakalaya sa akademiya.

Bukas ng gabi, mamarkahan ko na ang mga papel ng apat kong klase. Para makahabol sa Oct. 26 deadline.

Sa weekend, susulat ako ng dalawa pang kuwento. Dapat kong mailabas ang dapat ilabas. Ang tagal ko nang inipon ang mga ideyang ito. Sayang naman kung mabubulok lang sa aking idea bank. Wala namang time deposit doon para lumago ang aking inimpok.

Ngayong taon din, dapat ay maipasa ko na sa UP Press ang kalipunan ng aking mga sanaysay.

Gusto ko'y ang taong 2008 ay taon ng pag-aani.

Tuesday, October 23, 2007

Walang Sembreak!

Parang hindi ko nararamdamang sembreak ngayon.
Lagi akong late kung matulog para magbasa at magsulat.
Nagbabasa pa rin ako ng mga papel ng mga estudyante ko.
Ang dami. Tambak-tambak. Ito ang tinatawag namin ni Luna na "tsunami" ng mga papel. Ayaw kong ibuwi sa bahay dahil fire harzard ito o baka kalmutin ng aking mga pusa. Mas malala, baka, ihian nila.

Pero inuwi ko pa rin. Sa Thursday ko babasahin ang huling apat na klase ko. Makakaya ko ito.

Kahapon, nagworkshop kami ni Will. Sabi ko sa kanya, kung sumusulat ka pala ng first draft, akala mo, ang ganda-ganda. Pagkatapos ng isang araw, kapag binasa mong uli, ang daming butas ng kuwento. Barok ang mga pangungusap. Kinukulang sa lohika. Mahirap talaga ang tinatawag na stoke of genius. Palagay ko'y mito lamang itong makalilikha ng kayaman sa unang bugso ng pagsulat. Lagi ko ngang sinasabi sa mga mag-aaral ko, ang pagsusulat ay palagiang rebisyon.

Mahirap sumulat para sa picture book. De-numero ang mga eksena. Pero di magtatagal, makasasanayan din. Dapat ay masarap ma-illustrate. Dapat ay may aksiyon. Iwasan ang labis na deskripsiyon. Sana'y may bago. Sana'y may humor. Sanayan ang pagsusulat nito. Tawa nga kami nang tawa sa pagsusulat namin ng mga plot points. Para kaming naglilista ng mga pautang!

May bago kaming workshop place. Ito ang Don Henrico sa Wes Avenue. Buffet ang pizza, pasta, salad, at chowder soup. ganado tuloy kami sa kuwentuhan at palihan.

Sa Thursday, magwoworkshop ulit kami ng minimum na dalawang kuwento. Isusulat ko mamayang gabi ang isang kuwento na matagal ko nang inaalagaan. Bukas naman ang isa pa na matagal ko na ring inaalagaan. Sana'y sapat na ang kanilang incubation period na tinatawag.

Magrerevise pa ako ng isang critical paper mamaya.
Magbabasa pa ng isang tesis proposal.
Nakapasok ko na ang revision ng isang kuwento.
Pa-morningan na naman ito.
Wala pa talaga akong sembreak!

Labels: ,

Sunday, October 21, 2007

Si Anatole, Ang Dagang Eksperto sa Keso

Mga kuwento ni Eve Titus
Mga guhit ni Paul Galdone

Isang taon ko nang nabasa ang aklat na "Anatole and the Cat" kaya medyo hindi na sariwa sa akin ang kuwento. Maraming libro na ring nagdaan sa aking mga mata, kasama pa ang ilang babasahin o ipinababasa na sinayang lamang ang aking panahon. Nang makita ko sa Powerbooks Megamall at National SM City Edsa ang dalawang aklat na ito, hindi na ako nag-atubiling basahin pang muli.

50th anniversary daw ng aklat na ito. Naisip ko, halos kasingtanda nito ang aking nanay. Mas matanda pa nga ito sa kasaysayan ng modernong aklat pambata sa Pilipinas. Naisip ko ring napakasuwerte ni Eve Titus dahil matagal ang buhay ng kaniyang aklat pambata. Ilang aklat pambata na ba sa Pilipinas ang out of print na dahil hindi nabenta? Karamihan sa mga ito ay premyado pa ng PBBY. Ngayong weekend nga, muli kong binasa ang mga Aklat Adarna at Lampara, at karamihan sa mga nabasa ko ay hindi ko na makikita sa estante ng mga bookstores. Nakadepende, kung gayon, ang buhay ng mga aklat sa kaniyang mambabasa.

Nanatuling buhay ang mga kuwento ni Anatole dahil sa payak na kagalingan ng manunulat. Naalala ko ang bisa ng mga pabula ni Aesop habang binabasa ko ang dalawang aklat ukol sa dagang eksperto sa mga mamahaling keso. May taglay itong mahalagang aral: ang mabuhay nang marangal at hindi pakupit-kupit lamang ng mga pagkain. Naibigan ko ang enumerasyon ng mga uri ng keso at ang payak muling pantasya na nakapagsusulat ang daga. Ayaw nilang maging peste kung nais nilang maging hayop na may marangal na pamumuhay. Naging Bise Preisdente pa siya sa departamento ng pagtikim ng keso!

Muli, maiuugnay ko ito sa isa sa mga paborito kong pelikula ng taong 2007, ang Ratatouille. (Hindi ko alam kung tama ang aking baybay. Hindi naman ako Pranses, haha). Tungkol rin ito sa daga na ayaw magnakaw ng pagkain kundi nais magtrabaho bilang isang chef (!) ng isang restaurant. Isang malaking parikala ang ganitong mga kuwento na tiyak na kikiliti sa imahinasyon ng mga mambabasa at manonood. Siyempre, may mga kakilala rin akong kinikilabutan sa premis na chef ang isang daga. Sumpa sa lahi ng sangkadagaan ang maiugnay sa kanila ang pinakamalubhang sakit at mikrobyo.

Pasado naman sa akin ang mga larawan. Marahil, maganda ito sa kaniyang panahon. Ayaw ko namang irekomenda na bigyan ng bagong bihis ang mga aklat sa pamamagitan ng ilustrasyon dahil sa nakilala ang dalawang aklat sa mga guhit ni Galdone. Litaw ang kulay na asul, pula, at puti--mga kulay na sumasagisag sa mga Pranses at Pransiya.

Ilang insights:
1. Ngayon lamang ako nagsasanay na basahin ang mga larawan sa picture book. Mea culpa! Mas sanay kasi akong magbasa ng mga tekstong pampanitikan. May taglay rin palang naratibo ang mga ilustrasyon tulad ng emosyon ng mga tauhan sa mga guhit.
2. Sana'y ang produksiyon ng aklat pambata sa bansa ay hindi lamang nakaugat sa komersiyo. Kailangan ng mainam na marketing, lalo na ng mga aklat na premyado tulad ng PBBY at Palanca.
3. O baka naman hindi "pambata" ang mga nagwawagi sa mga paligsahang ito.
4. Mahabang debate kung may panitikang pambata ba o panitikan para sa bata sa bansa natin.

Labels: , ,

Saturday, October 20, 2007

"Tops and Bottoms" ni Janet Stevens and mga Pambihirang Aklat Pambata

Ito ang huling nabasa kong aklat pambata na rumehistro sa aking isip. Makulay ang mga larawan ng mga gulay. Naalala ko ang mga libro ng aking pagkabata ukol sa sai-saring gulay. Maging ang gulay na nakaguhit sa mga tiles sa aming lababo.

Caldecott Honor ang aklat na ito ni Janet Stevens, na siyang sumulat at gumuhit. Habang binubuklat ko ang aklat, na kakaiba ang anyo dahil hindi kumbensiyonal ang lay-out. Para akong bumubuklat ng kalendaryo. Pahaba ang spread na akma sa konseptong top and bottom ng kuwento.

Hango sa trickster tale ang kuwento. Mala-Brer Rabbit ng mga Afro-Amerikano. Dagdag pa, ang pagsunod sa kuwento ng karera ng kuneho at ng pagong ng mga Europeong katha. Ito siguro ang dahilan kung bakit ko gusto ang aklat--malapit ang puso ko sa mga kuwentong hango sa kuwentong-bayan pero iniaakma sa interes ng mga batang mambabasa.

Malapit talaga sa mga bata ang trickster tales dahil sa katatawanang taglay nito. Sa Pilipinas, ang ilan sa mga maituturing na trickster tales na ipinababasa sa kabataan ay ang Pilandok, Juan Tamad, at ang Carancal. Naglalaman ito ng aral sa pamamaraang di lantaran tulad ng "Tops and Bottoms" na pinagtatalunan ng kuneho at ng tamad na oso kung taas ba o ilalim ng ani ang kanilang paghahatian! Naipapakilala rin sa mga bata ang konsepto ng bahagi ng halaman at ang mga uri ng gulay. Tama nga naman, may mga halaman na mahalaga ang nasa ilalim tulad ng carrots; may mahalaga naman ang ibabaw tulad ng letsugas, repolyo, at brocolli.

Kung pag-uuspan ang di-kumbensiyonal na mga aklat pambata, naaalala ko ang mga aklat ni Emily Gravett. Ang nabanggit ko ang isa sa mga bagong manunulat at ilustrador na gusto ko dahil sa kapangahasan niya sa pagsulat at paglikha ng mga aklat pambata. Ito ang ilan sa mga sumusunod:
1. "Wolves" na nagwagi ng Greenway Medal, mainam ang konsepto sa interaktibong ilustrasyon at sa buhay na approach sa pagsulat ng non-fiction. Mainam din ang book within a book na teknik; maging ang mga munting katatawanan sa ilustrasyon tulad ng borrower's card, pangalan ng manunulat, sobre, at ang kalmot ng wolf.
2. "Orange Pear Apple Bear"--sa minimal na mga salita, puwedeng magkuwento tulad ng isinagawa sa aklat na ito. Paglalaro ito ng mga salita at kombinasyon ng mga salita. Naipapakita nito sa bata ang mayamang posibilidad ng wika.
3. "Monkey and Me"--Interaktibo muli ang aklat at minimal ang salita. Gumamit ng sangkap ng repetition kaya ang teksto nito ay tulad ng isang chant na maaaring ulit-ulitin ng mga bata. Dagdag pa, ang mga guhit sa aklat ay maaaring gayahin ng bata. Mainam itong gamitin sa mga pre-school na mambabasa para maipamalas ang kanilang kakayahan sa paggalaw at sa katawan.

Labels: , ,

Ang Tagal Kong Nawala

Pero hindi naman ako tumunganga.
Halos isang taong dormant ang blog na ito.
Ngayon, pangako kong magiging aktibo sa pag-uupdate dito.
Tutal, naka-broadband na ako. di tulad noon na dial-up at pahirapan ang makakonekta sa internet.

Akma siguro gumawa muna ako ng mga listahan tulad nang sinimulan ko ito dati.

Listahan ito ng mga gusto kong gawin.

1. Mag-aral magdrive sa summer.
2. Tapusin ang huling revision ng unang aklat ng mga sanaysay.
3. Basahin na ang huling installment ng Harry Potter.
4. Bumili ng treadmill para walang lusot kung sakaling tinatamad mag-cardio.
5. Magpagawa ng bagong bookshelf sa bahay ng aking magulang.
Iyong malaking-malaki para magkasya ang nag-uumapaw na libro sa aming apartment.
6. Tapusin na ang pag-eedit ng Lagda.
7. Magsulat ng mga bagong kuwento.
8. Ituloy ng inaalagaang proyekto kasama sina Bernadette at Maynard.
9. Bisitahin ang aso naming nagngangalang "Sara"
10. Ipadevelop ang mga pictures noong graduation at bisita sa Thailand.


Masaya ako noong nakaraang linggo dahil nakasulat ako ng tatlong bagong kuwento!
Bakit ang bilis? tanong ng aking kaibigang-kaworkshop.
Matagal na kasi ang incubation ng ideya. Dapat nga sana, isasama ko ito sa aking
disertasyon pero hindi ko na inihabol kasi kulang na sa panahon.

Tama nga ang sabi ni Ma'am Gaying Rubin, ang aking ina sa pagsulat, na may mga ideyang
dapat munang itago nang matagal bago isulat. Ngayong weekend, susulat ako ng bagong
kuwento na pagtupad naman sa aking pangako kay Ma'am Rose sa kaniyang proyekto ukol
sa panitikang pambata at kapayapaan. Kinausap ko na si Jane para ipabasa muna ito sa anak
niyang si Bien para makatulong sa development ng teksto.

Hindi ko alam kung excited ako next semester. May nobela akong dapat matapos sa darating na Marso.
Paano ko kaya ito maisusulat? Kung sabagay, may mga ideya na ako at panimulang pananaliksik.
Marahil, sa Pebrero, pupunta ako ng Batanes para makita ko ang aking materyal. Baka nga doon ako magbertdey!

Tatlong subjects lang ang ituturo ko next semester. Ayaw kong mapagod. Alas-10 ng umaga ang simula para hindi
na ako tulad ng multo na gigising nang alas-6 ng umaga. Nakakapagod gumising nang maaga. Sumusungit ako
sa aking mga estudyante!

Sa susunod muli ang mga updates...