Sembreak na Ako! (At Marami akong Nabasa)
Ngayon lang ako makakapagsembreak. Ibig sabihin, wala akong iniisip na klaseng papasukan at tuturuan. Hindi ako gigising nang maaga. Hindi kailangang matulog nang maaga. Noong nakaraang Biyernes, naibigay ko na ang classcards at grado ng mga estudyante. Hindi ako nagpaulan ng uno. Ibinigay ko ang uno sa mga karapat-dapat na estudyanteng masipag at matalas. Hindi uubra ang matalas lang pero tamad at laging absent. May espesyal na grado kapag perfect attendance at kapag class secretary. Wala pang sampu ang nakakuha ng 1.0 sa anim kong klase. Hindi na masama iyon. May mga guro akong kilala na hindi talaga nagbibigay ng 1.0 sa mga klaseng undergraduate. Wala akong ibinigay na 1.0 sa klase ko sa panitikang pambata. Napapansin kong mas magagaling ang mga mag-aaral na hindi nagmumula sa aming kolehiyo o sa aming departamento.
Nakasulat ako ng tatlong bagong kuwento. Isinumite ko ito para sa konsiderasyong malathala. Sana'y malathala. Matagal ko nang gustong magkaroon ng bagong libro sa publisher na ito, na iginagalang ko. Kanina, pagkatapos ng maagang hapunan, nasabi ko kay Will na kung may pagkakataon, gusto kong maging publisher. Gusto kong maglathala ng mga aklat pambata na may naiibang linya.
Ngayong sembreak, napanuod ko ang mga sumusunod na pelikula: "Life is Beautiful" (muling pinonood), "Run Lola Run" (muling pinanood pagkatapos hindi matapos noong nakalipas na limang taon), "Lust, Caution" (pinanood sa Gateway ay hindi ako inantok). Puro may subtitles ang aking pinapanood na pelikula. Hindi pa ba ako makalaya sa pagbabasa? Kung sabagay, ang pelikula naman ay talagang binabasa at hindi lamang pinapanood.
HIndi ko naisulat ng dalawang kuwentong nais ko sanang isulat. Baka sa susumnod ko na lang isusulat iyon. Tatapusin ko mula ang aking nobela na binigyan ng creative writing grant. Aasikasuhin ko ang aking dalawang sanaysay para sa professorial chair at panayam sa DLSU bilang parangal kay Dr. Bienvenido Lumbera. Iyon na lang muna ang aking isasagawa. Sana'y masulat ko rin ang kuwento ko na matagal ko nang inaalagaan. Maghahanap muna ako ng aking resource person.
Mga huling nabasa:
1. "Lentil" ni Robert McCloskey--mula sa sumulat ng paborito kong "Make Way for Ducklings". Pansin ko ang sense of place ng manunulat at ilustrador. Maging ang folklorikong tono nito at ang humor. Napaka-Amerikano ng kuwento at ng mga imaheng ibinibigay sa mga bata. Tungkol ito sa batang hindi marunong kumanta at nahanap ang kaligayahan sa paghaharmonika.
2. "Empty Claypot" at "Liang and the Magic Paintbrush" ni Demi--para akong nakakita ng mga magagang ilustrasyon sa porselana. Nakuha ni Demi ang estilo ng mga ilustrador sa mga mangkok at pinggan. Kung bata ako, magiging paborito ko ang dalawang kuwentong ito na hango sa kuwentong-bayan ng Tsina. Pilosopikal ang una tungkol sa katapatan at ang isa nama'y ukol sa paglaya sa kahirapan at sa monarkiya.
3. "When We Were Young in the Mountains"--ni Cynthia Rylant--Kuwento ng memory-making ng buhay sa bundok. Old-fashioned ang estilo at ang itinatampok na buhay. Simple ang pagkakasulat, tulad ng napiling pook o pamumuhay. Kahanga-hanga ang ilustrasyon. Naririnig ko ang mga kuliglig at ang amoy ng mga damo at ligaw na bulaklak.
4. "Toy Boat" ni Randall de Seve--mas bagong bersiyon ng kuwento ng ugnayan ng bata at ng kaniyang laruan paris ng "Velveteen Rabbit" at ang "Pinky, Tsinita, Rita Ritz, at si Barbie". Mahilig pala ako sa mga kuwentong ukol sa laruan. Sana'y makasulat ako ng sarili kong beriyon balang-araw. Gumamit ito ng enumerasyon ng mga uri ng sasakyang-tubig.
5. "The Little Red Fish" ni Tae-Eun Yoo--halos wordless o minimal ang teksto. Ipinapakita sa kuwento ang adbentura ng pagbabasa at ang library bilang lunan ng hiwaga at adbentura. Poetiko ang mga ilustrasyon. Gusto ko ang batang sumabit sa paa ng mga ibong lumilipad, pati ang mga isdang lumabas mula sa libro. Siyempre, pati ang imahen ng mga estante na puno ng mga aklat.
6. "Hondo and Fabian" ni Peter McCarty--ang cute ng mga ilustrasyon. Akala ko, gasgas na ang kuwento ng aso at pusa pero sariwa ang atake dito ng manunulat. Magaan ang rendisyon ng pagguhit, mainam ang gamit ng color pencils. Ipinapakita nito ang adbentura ng aso at pusa sa loob at sa labas ng tahanan. At wala itong ipinagkaiba kapag may malikot ding imahinasyon.
7. "Choo Choo: The Story of Little Engine Who Ran Away" ni Virginia Lee Burton--Klasikong kuwentong pambata. Sinabi na ng pamagat kung ano ang kuwento. Isang tren na nagsawa na sa kaniyang ginagawa at saka tumakas sa kaniyang tungkulin sa biyahe at pagdadala ng mga bagahe. Moralistiko ang kuwento ukol sa hindi pagtakas sa sariling kalikasan at isagawa ang sariling tungkulin. Ito kaya ang impluwensiya ng kuwentong "Duglit, Ang Dugong Makulit"? Ito ang aklat pambata na maaaring paborito ng aking mga magulang kung nabasa nila ito sa kanilang pagkabata.
8. "Funny Thing" ni Wanda Ga'g--isa pa sa klasikong picture book mula sa Amerika. Wala pa ring tatalo sa "Millions of Cats" na ginawa ng ng parehong awtor. Kalakasan ng aklat ang taglay nitong humor at imbensiyon ng salita.
9. "Chester's Way" ni Kevin Henkes--Bumili ako ng kopya dahil sa sanaysay na nabasa ko na nagsasabing ito raw ay isang queer picture book. Masinsin kong binasa at talaga namang puwede itong bigyan ng gay reading. Matagal na akong fan ni Kevin Henkes sa mga aklat niya tungkol sa mga dagang sina Owen (paksain ay security blanket), Lilly (paksain ay kakulitan), Julius (paksain ay arrival of a rival), at Chrysantemum (paksain ay sa pagiging kakaiba o pagkakaroon ng ibang pangalan). Humanga ako sa aklat na ito sa matapang paksain pero hindi lantaran ang pagiging radikal.
10. "Snowflake Bentley" ni Jacqueline Martin at Mary Azarian--Aklat pambata para sa mga artist at scientist at sa sinumang may matinding pagnanasa o passion sa isang bagay. Naibigan ko ang pagkakamangha ni W.A. Bentley sa ordinaryong bagay tulad ng snowflake. Siya ang nakaisip na kunan ito ng mga larawan at pag-aaralan ito sa siyentipikong pamamaraan. Ipinakita nito ang kadakilaan ng ordinaryo. Walang ordinaryo sa extraordinaryong mga mata. Extraordinary ang magkaroon ng pagnanasa sa isang bagay. Passion ang sanhi kung bakit pa tayo nabubuhay sa daigdig. Naibigan ko rin ang paggamit ng dalawang moda sa pagsulat--ang moda ng non-fiction sa isang bahagi, ang moda naman ng kuwento batay sa talambuhay ang isa. Ganito ang pamantayan ng mga interesanteng aklat tungkol sa mga dakilang tao.
Isang tanong:
Krimen ba ang magbasa ng aklat sa loob ng bookstore? Wala kasing sistema ng library sa bansa. Kung mayroon, ang dami sigurong Filipinong nagbabasa at may pagkakataong pagyamanin ang sariling imahinasyon.
Labels: recent reading, writing life
<< Home