Walang Sembreak!
Parang hindi ko nararamdamang sembreak ngayon.
Lagi akong late kung matulog para magbasa at magsulat.
Nagbabasa pa rin ako ng mga papel ng mga estudyante ko.
Ang dami. Tambak-tambak. Ito ang tinatawag namin ni Luna na "tsunami" ng mga papel. Ayaw kong ibuwi sa bahay dahil fire harzard ito o baka kalmutin ng aking mga pusa. Mas malala, baka, ihian nila.
Pero inuwi ko pa rin. Sa Thursday ko babasahin ang huling apat na klase ko. Makakaya ko ito.
Kahapon, nagworkshop kami ni Will. Sabi ko sa kanya, kung sumusulat ka pala ng first draft, akala mo, ang ganda-ganda. Pagkatapos ng isang araw, kapag binasa mong uli, ang daming butas ng kuwento. Barok ang mga pangungusap. Kinukulang sa lohika. Mahirap talaga ang tinatawag na stoke of genius. Palagay ko'y mito lamang itong makalilikha ng kayaman sa unang bugso ng pagsulat. Lagi ko ngang sinasabi sa mga mag-aaral ko, ang pagsusulat ay palagiang rebisyon.
Mahirap sumulat para sa picture book. De-numero ang mga eksena. Pero di magtatagal, makasasanayan din. Dapat ay masarap ma-illustrate. Dapat ay may aksiyon. Iwasan ang labis na deskripsiyon. Sana'y may bago. Sana'y may humor. Sanayan ang pagsusulat nito. Tawa nga kami nang tawa sa pagsusulat namin ng mga plot points. Para kaming naglilista ng mga pautang!
May bago kaming workshop place. Ito ang Don Henrico sa Wes Avenue. Buffet ang pizza, pasta, salad, at chowder soup. ganado tuloy kami sa kuwentuhan at palihan.
Sa Thursday, magwoworkshop ulit kami ng minimum na dalawang kuwento. Isusulat ko mamayang gabi ang isang kuwento na matagal ko nang inaalagaan. Bukas naman ang isa pa na matagal ko na ring inaalagaan. Sana'y sapat na ang kanilang incubation period na tinatawag.
Magrerevise pa ako ng isang critical paper mamaya.
Magbabasa pa ng isang tesis proposal.
Nakapasok ko na ang revision ng isang kuwento.
Pa-morningan na naman ito.
Wala pa talaga akong sembreak!
Labels: workshop, writing life
<< Home