Report Card sa mga Deadline
Natapos kong isulat ang bagong kuwento. Pangalawang draft na ito ngayon. Binago ko ang titulo.
Mamaya, ipapaworkshop ka na naman ito. Sana'y kasama ng bagong kuwento na isusulat ko ngayon.
Natapos ko ang revision ng critical essay ko para sa refereed journal.
Inumaga ako sa pagrerebisa nito. Madugo, kahit pa sabihin ng aking dalawang referee na "kailangan lamang ng kaunting rebisyon." Ang taas kasi ng pamantayan ko sa sarili. Gusto kong ibunubuhos kong lahat bago maging final ang isang borador. Mula orihinal na 24 pages ay naging 35 pages ang aking pananaliksik. Dinagdagan ko ng panlipunang konteksto at dagdag na teksto na mahalaga sa talakay.
Naipadala ko na sa editorial staff. Sana'y pumasa na.
Kanina, nakuha ko ang manuscript ng isang chapter ng textbook writing project.
Oct. 25 daw ang deadline kaya agad kong ipinasok ang mga dapat ayusin. Minimal na editing lang naman iyon. pero inabot pa rin ako ng dalawang oras sa pagpapakinis ng teksto.
Dapat, makasulat ako ngayon ng bago pang kuwento. Para maipaworkshop na bukas.
Ganadong-ganado akong sumulat. Para akong nakalaya sa akademiya.
Bukas ng gabi, mamarkahan ko na ang mga papel ng apat kong klase. Para makahabol sa Oct. 26 deadline.
Sa weekend, susulat ako ng dalawa pang kuwento. Dapat kong mailabas ang dapat ilabas. Ang tagal ko nang inipon ang mga ideyang ito. Sayang naman kung mabubulok lang sa aking idea bank. Wala namang time deposit doon para lumago ang aking inimpok.
Ngayong taon din, dapat ay maipasa ko na sa UP Press ang kalipunan ng aking mga sanaysay.
Gusto ko'y ang taong 2008 ay taon ng pag-aani.
<< Home