"Tops and Bottoms" ni Janet Stevens and mga Pambihirang Aklat Pambata
Ito ang huling nabasa kong aklat pambata na rumehistro sa aking isip. Makulay ang mga larawan ng mga gulay. Naalala ko ang mga libro ng aking pagkabata ukol sa sai-saring gulay. Maging ang gulay na nakaguhit sa mga tiles sa aming lababo.
Caldecott Honor ang aklat na ito ni Janet Stevens, na siyang sumulat at gumuhit. Habang binubuklat ko ang aklat, na kakaiba ang anyo dahil hindi kumbensiyonal ang lay-out. Para akong bumubuklat ng kalendaryo. Pahaba ang spread na akma sa konseptong top and bottom ng kuwento.
Hango sa trickster tale ang kuwento. Mala-Brer Rabbit ng mga Afro-Amerikano. Dagdag pa, ang pagsunod sa kuwento ng karera ng kuneho at ng pagong ng mga Europeong katha. Ito siguro ang dahilan kung bakit ko gusto ang aklat--malapit ang puso ko sa mga kuwentong hango sa kuwentong-bayan pero iniaakma sa interes ng mga batang mambabasa.
Malapit talaga sa mga bata ang trickster tales dahil sa katatawanang taglay nito. Sa Pilipinas, ang ilan sa mga maituturing na trickster tales na ipinababasa sa kabataan ay ang Pilandok, Juan Tamad, at ang Carancal. Naglalaman ito ng aral sa pamamaraang di lantaran tulad ng "Tops and Bottoms" na pinagtatalunan ng kuneho at ng tamad na oso kung taas ba o ilalim ng ani ang kanilang paghahatian! Naipapakilala rin sa mga bata ang konsepto ng bahagi ng halaman at ang mga uri ng gulay. Tama nga naman, may mga halaman na mahalaga ang nasa ilalim tulad ng carrots; may mahalaga naman ang ibabaw tulad ng letsugas, repolyo, at brocolli.
Kung pag-uuspan ang di-kumbensiyonal na mga aklat pambata, naaalala ko ang mga aklat ni Emily Gravett. Ang nabanggit ko ang isa sa mga bagong manunulat at ilustrador na gusto ko dahil sa kapangahasan niya sa pagsulat at paglikha ng mga aklat pambata. Ito ang ilan sa mga sumusunod:
1. "Wolves" na nagwagi ng Greenway Medal, mainam ang konsepto sa interaktibong ilustrasyon at sa buhay na approach sa pagsulat ng non-fiction. Mainam din ang book within a book na teknik; maging ang mga munting katatawanan sa ilustrasyon tulad ng borrower's card, pangalan ng manunulat, sobre, at ang kalmot ng wolf.
2. "Orange Pear Apple Bear"--sa minimal na mga salita, puwedeng magkuwento tulad ng isinagawa sa aklat na ito. Paglalaro ito ng mga salita at kombinasyon ng mga salita. Naipapakita nito sa bata ang mayamang posibilidad ng wika.
3. "Monkey and Me"--Interaktibo muli ang aklat at minimal ang salita. Gumamit ng sangkap ng repetition kaya ang teksto nito ay tulad ng isang chant na maaaring ulit-ulitin ng mga bata. Dagdag pa, ang mga guhit sa aklat ay maaaring gayahin ng bata. Mainam itong gamitin sa mga pre-school na mambabasa para maipamalas ang kanilang kakayahan sa paggalaw at sa katawan.
Labels: books, panitikang pambata, recent reading
<< Home