Si Anatole, Ang Dagang Eksperto sa Keso
Mga kuwento ni Eve Titus
Mga guhit ni Paul Galdone
Isang taon ko nang nabasa ang aklat na "Anatole and the Cat" kaya medyo hindi na sariwa sa akin ang kuwento. Maraming libro na ring nagdaan sa aking mga mata, kasama pa ang ilang babasahin o ipinababasa na sinayang lamang ang aking panahon. Nang makita ko sa Powerbooks Megamall at National SM City Edsa ang dalawang aklat na ito, hindi na ako nag-atubiling basahin pang muli.
50th anniversary daw ng aklat na ito. Naisip ko, halos kasingtanda nito ang aking nanay. Mas matanda pa nga ito sa kasaysayan ng modernong aklat pambata sa Pilipinas. Naisip ko ring napakasuwerte ni Eve Titus dahil matagal ang buhay ng kaniyang aklat pambata. Ilang aklat pambata na ba sa Pilipinas ang out of print na dahil hindi nabenta? Karamihan sa mga ito ay premyado pa ng PBBY. Ngayong weekend nga, muli kong binasa ang mga Aklat Adarna at Lampara, at karamihan sa mga nabasa ko ay hindi ko na makikita sa estante ng mga bookstores. Nakadepende, kung gayon, ang buhay ng mga aklat sa kaniyang mambabasa.
Nanatuling buhay ang mga kuwento ni Anatole dahil sa payak na kagalingan ng manunulat. Naalala ko ang bisa ng mga pabula ni Aesop habang binabasa ko ang dalawang aklat ukol sa dagang eksperto sa mga mamahaling keso. May taglay itong mahalagang aral: ang mabuhay nang marangal at hindi pakupit-kupit lamang ng mga pagkain. Naibigan ko ang enumerasyon ng mga uri ng keso at ang payak muling pantasya na nakapagsusulat ang daga. Ayaw nilang maging peste kung nais nilang maging hayop na may marangal na pamumuhay. Naging Bise Preisdente pa siya sa departamento ng pagtikim ng keso!
Muli, maiuugnay ko ito sa isa sa mga paborito kong pelikula ng taong 2007, ang Ratatouille. (Hindi ko alam kung tama ang aking baybay. Hindi naman ako Pranses, haha). Tungkol rin ito sa daga na ayaw magnakaw ng pagkain kundi nais magtrabaho bilang isang chef (!) ng isang restaurant. Isang malaking parikala ang ganitong mga kuwento na tiyak na kikiliti sa imahinasyon ng mga mambabasa at manonood. Siyempre, may mga kakilala rin akong kinikilabutan sa premis na chef ang isang daga. Sumpa sa lahi ng sangkadagaan ang maiugnay sa kanila ang pinakamalubhang sakit at mikrobyo.
Pasado naman sa akin ang mga larawan. Marahil, maganda ito sa kaniyang panahon. Ayaw ko namang irekomenda na bigyan ng bagong bihis ang mga aklat sa pamamagitan ng ilustrasyon dahil sa nakilala ang dalawang aklat sa mga guhit ni Galdone. Litaw ang kulay na asul, pula, at puti--mga kulay na sumasagisag sa mga Pranses at Pransiya.
Ilang insights:
1. Ngayon lamang ako nagsasanay na basahin ang mga larawan sa picture book. Mea culpa! Mas sanay kasi akong magbasa ng mga tekstong pampanitikan. May taglay rin palang naratibo ang mga ilustrasyon tulad ng emosyon ng mga tauhan sa mga guhit.
2. Sana'y ang produksiyon ng aklat pambata sa bansa ay hindi lamang nakaugat sa komersiyo. Kailangan ng mainam na marketing, lalo na ng mga aklat na premyado tulad ng PBBY at Palanca.
3. O baka naman hindi "pambata" ang mga nagwawagi sa mga paligsahang ito.
4. Mahabang debate kung may panitikang pambata ba o panitikan para sa bata sa bansa natin.
Labels: books, panitikang pambata, recent reading
<< Home