Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Tuesday, February 21, 2006

Ilang Librong Hinintay sa Booksale

Isang hinahanap-hanap kong gawain ngayong nagpapagaling ako'y ang pagpunta sa mga Booksale at mga bookstore para maghanap ng mga bago at segunda manong libro. Parang nawawala ang sakit sa aking dibdib at nakakalimutan ko ang presyo ng aking gamot kapag nakakahanap ng mga librong pinakahihintay ko.

Nakuha ko sa Booksale sa tabi ng Manila Doctor's Hospital, pagkaraan ng aking check-up sa cardiologist ang mga sumusunod:
1. "Naftali the Storyteller and His Horse, Sus" (PhP 45.00) ni Isaac Baschevis Singer, isang Nobel Prize Winner at sumusulat ng mga kuwentong pambata
2. "Crazy Lady!" (PhP 45.00) ni Jane Leslie Conly; ang aklat na ito'y isang Newbery Honor Book noong 1993

Nakuha ko naman sa Chapters and Pages sa Eastwood, Libis ang "Harriet the Spy" sa halagang PhP 55.00. Mayroon na akong kopya nito pero malutong na ang mga pahina at maraming alikabok. Kaya nagpasya akong bumili ng "bago". Hindi naman ako nagsisisi dahil maganda ang kuwento. Astig na tauhan si Harriet na mahilig nagmasid at magmanman ng mga tao sa kaniyang paligid.

Heto naman ang nakita kong libro sa tambakang Sale! sa National Bookstore sa Libis noong Sabado, pagkatapos ng masarap na lunch sa Italiannis:
"Wolf Brother" ni Michelle Paver--hardbound at hindi pa nagagamit sa halagang PhpP 100.00. Kaytagal ko na itong hinihintay sa National Bookstore at Powerbooks para bumagsak ang presyo. Pagkaraan ng isang taon, bumagsak nga. Nagpapasalamat ako sa mga taong hindi nagkakainteres sa librong ito. Ako ang nakikinabang sa inyong pagwawalang-bahala.

Pinakasuwerteng araw ko ngayon, ika-21 ng Pebrero, pagkatapos maghanap ng regalong rubber shoes sa aking ina. Nakita ko sa dalawang branch n Booksale sa SM City North ang tatlong librong gustong-gusto kong bilihin pero mahal kaya hinintay ko na lang sa Booksale.
1. "Gilead" ni Marilynne Robinson (PhP 135 at hardbound)--2005 Pulitzer Prize Winner sa Fiction. Nakita ko ang librong ito sa bookstore sa Hong Kong International Airport. Mahal ang kopya nila kahit paperback. Tiningnan ko sa Fully-booked, mahal pa rin. Hindi ko naman talaga inaasahang makita sa Booksale. Kaya nang nakita ko, nanginig ako. Magandang sorpresa ito.
2. "Go Ask Alice"-nakita ko sa tambakan ng mga pocketbook. Hindi ko sana bibilihin dahil "laspag" ang kopya, tila binasa ng sampung katao bago napunta sa akin. Pero bakit pa ako magrereklamo sa halagang PhP 20.00? Importanteng libro ito sa mga mahihilig sa Young Adult literature. Sabi ng Boston Globe, "A book that all teenagers and parents of teengers should really read."
3. "What Jamie Saw" ni Carolyn Coman, hardbound, bagong-bago ang hitsura (PhP 65.00)--Newbery Honor Book. Hay, bakit ba ako biased sa mga librong may medalya? Anu't anuman, ang librong ito ay kontrobersiyal sa mga librong pambata. Basahin ang unang talata sa unang kabanata at malalaman ninyo ang aking nais sabihin. Gustong-gusto ko na itong mabili dati. Kaso, tulad ng "Heartbeat" ni Creech, napakanipis nito para sa presyong PhP 289 sa Fully-Booked. Sabi ko sa sarili, hihintayin ko na lang. Sana, makita ko sa Booksale balang-araw. Pagkatapos ng dalawang taon, nakita ko rin. Hardbound pa.

Heto ang pinakahihintay kong makita sa Booksale:
1. "Ella Enchanted"--hindi ko ito mahanap-hanap, masyadong mailap
2. "Last Treasure"--sana bumaba ang presyo nitong PhP110 sa Booksale
3. "Becoming Naomi Leon"

Saturday, February 11, 2006

“The Wanderer” ni Sharon Creech


Hindi ko sinasadya na halos magkahawig ng tema ng “The Wanderer” at ang “Journey to the River Sea”. Kapwa tinatalakay ng mga nabanggit na nobela ang paghahanap ng bagong buhay ng dalawang ulila-ngunit-inampong batang babae. Gayumpaman, magkaiba ng lebel ang dalawa sa pagkakagamit ng talinghaga ng paglalakbay. Sa nobela ni Ibbotson, ginamit niya ang paglalakbay sa kombensiyonal na paraan ng adbentura, ng misteryo, ng pagkakatagpo ng mga tunay na kaibigan at bagong kapamilya. Samantala, sa nobela ni Creech (autor ng “Heartbeat”, “Ruby Holler” at “Love That Dog”), ginamit ang paglalakbay para ipakita kung papaano nakiangkop ang pangunahing tauhang si Sophie sa malagim niyang nakaraan, sa isang aksidente sa dagat na “kumuha” sa kaniyang magulang. Multi-dimensiyonal ang pagkakagamit ni Creech sa talinghaga ng paglalakbay—hindi lamang si Sophie ang naglalakbay-sa-paghahanap-ng-kabuluhan-sa-buhay kundi ang mga kasama niya sa sasakyang “The Wanderer”—pinsang naghahanap ng pagtangi sa ama, tiyuhing hinahanap ang dating sinta, pinsang naghanap ng sariling kabuluhan, pagmamahal sa ama, paghihilom ng sarili, at pagharap sa mga hindi nasasabi at sa mga kinatatakutan.

Masasabi kong naging komplikado at malalim ang nobelang pambatang ito dahil sa mga umusbong na mga sub-stories na hindi naging sagwil sa daloy ng kuwento nina Sophie at Cody. May nagsasalitan ding punto-de-bista sa buong nobela, gamit ang device na journal ng dalawang nabanggit na tauhan. Sa puntong ito, nakikita ko ang isang pagkakamali (flaw) sa naratibo. Masyadong literary ang pagkakasulat ni Sophie ng kaniyang journal; kita ko sa aking isip na ganitong magsulat si Creech ng journal. Lalo pa’t ang ilang entry dito ay isinulat niya habang nasa gitana sila ng dagat at may malalakas na hangin at alon. Iyon ang peligro ng pagsusulat sa unang panauhan (first person) dahil hindi dapat mababakas ng mambabasa ang manunulat. Nakakapagtaka rin kung paano nila isinulat ang mga journal sa mga araw ng paglalakbay, lalo pa’t may mga araw na hitik sa drama, pagtatalo, o literal na mahirap sumulat (malakas ang galaw ng sasakyan o maysakit ang tauhan dulot ng aksidente). Maliit lamang na pagkukulang ito.

Sa kabuuan, mainam itong nobela. Batid ni Creech kung papaano panatilihin ang interes ng mambabasa—gamit ang device na foreshadowing, ng mga tall tales ukol kay Bompie (Ulysses), plant and pay-off, misteryo, bisa ng mga imahen at panaginip, mga poetikong deskripsiyon ng dagat at tubig—lahat ito’y naisalansan para mapanatiling gumagalaw (tulad ng dagat) ang naratibo. Kagyat kong naalala ang pelikulang “Big Fish” sa nobelang ito dahil sa pagtalakay ng relasyong pampamilya at ng mga tall tales. Bukod pa sa pampanitikang kasangkapan, nagustuhan ko ang pakakatalakay ni Creech sa tema ng pag-aampon sa isang ulila; nais ko ang paraan sa kuwento ng pagtanggap at pagkilala sa bagong miyembro ng pamilya.

Muli, pinatunayan ni Creech na isa siya sa mga manunulat na Amerikanong dapat kong antabayanan ang bagong mga aklat. Kilala niya ang nais ng mga batang mambabasa. At sa kabila nito, alam niya ang kailangan ng mga ito—lalim, mahusay na babasahin, at primera klaseng panitikan.

Tuesday, February 07, 2006

“Journey to the River Sea” ni Eva Ibbotson


Matagal ko nang nakikita, naririnig, at nasusumpungan ang mga libro ni Eva Ibbotson sa Booksale at sa National Bookstore. Hindi ko lang alam kung bakit hindi ko dinadampot ang kaniyang mga aklat. Marahil, hindi ako naging interesado sa mga pabalat ng mga aklat niya. Lalo na ang mga American edition na hindi kagandahan ang ilustrasyon. (Sa tingin ko’y isang malaking inhustisya sa mainam na prosa ng manunulat.) Mabuti na lang ang dumadating na rin sa Pilipinas ang mga British edition na mga aklat pambata; at dahil dito’y naengganyo akong bilihin ang dalawang aklat ni Ibbotson—ang “Journey to the River Sea” at “Star of Kazan”. Medyo natagalan nga lamang akong basahin ang unang aklat; dahil may mga aklat pang nakapila at sa nakaraan lang na compre readings. Ngayon, habang bakasyon at nagpapagaling, parang isang malaking rolyo ng kapalaran ang aking estante ng mga aklat. Tila ako bumubunot kung ano’ng aklat ang susunod na babasahin. Malaya akong nakakapili ng gusto. Walang direksiyon, walang batas, walang alituntunin. Maingat ang aking pagkakapili dahil kapag nahipo ko na, hindi ko na dapat pang bitawan.

Mukhang mapalad akong buklatin at basahin ang “Journey to the River Sea”. Inaamin ko na napukaw ang aking interes sa mga magagandang komentaryo nina Anne Fine (autor ng “Mrs. Doubtfire”) at ni Philip Pullman ukol sa aklat. Mainam din ang rebyu ni Julia Eccleshare ng Guardian. At siyempre, humakot din ito ng mga parangal at pagkilala—Gold Prize ng Smarties at finalist ng Guardian, Whitbread, at Carnegie. Kung papansinin, halos lahat ng mga aklat sa aking koleksiyon ay nanalo ng parangal. Natatawa ako dahil noong tiningnan ko ang mga pabalat ng aklat sa LibraryThing.com, may mga medalyang ginto at pilak sa pabalat. Hindi ko ito sinadya pero malay akong sumusunod sa panlasa ng mga hurado at kritiko. Sila’y gumagabay sa aking panlasa sa pagbabasa. Mangyari pa, sila rin ang tumutulak sa aking bilihin ang mga aklat. Bukod pa sa kung paborito ko at kilala ang reputasyon ng isang manunulat. Katwiran ko pa, napakaikli ng buhay at napakaraming libro, kung kaya’t makatutulong kung may susundan kang landas (ng kritiko) para piliin ang mapapalad na babasahin.

Old-fashioned na pagkukuwento ang nobelang ito. Nasabi ko ito hindi lamang dahil sa ulila ang pangunahin at sekondaryong tauhan (Maia, Finn, at Clovis). Marami nang mga nobelang pambata (“The Little Princess”, halimbawa) na nagtatampok ng mga ulila na nakipagsapalaran sa bagong pamilya at lipunang “umampon” at “kumalinga” sa kanila. Kadalasan sa ganitong hulma ng kuwento’y ipinapakita ang katatagan ng bata sa mga hamon ng bagong tagapangalaga. Pero higit nga rito, ang ganitong kuwento’y nakaugat sa mga sinaunang kuwento (fairy tales at folktales) na iniiwan ang mga batang tauhan sa pusod ng kagubatan para ipakain sa mga mababangis na aso o kaya’y gawing bitag sa mga bruha at hingante. Nagkataon ding ang ganitong kuwento ay siyang pangunahing takot ng mga bata—ang maiwan sa masukal na lugar. Ang ganitong hulma ng kuwento ang tinatawag na prehistory ng kuwentong pambata pero lantad pa rin hanggang ngayon. Mangyari’y nagbibigay ito ng hamon sa kabataang tauhan na mag-isip nang dakila at hayaang magtiwala sa sariling kakayahan para malagpasan ang mga pagsubok. Ganito ang nangyari sa tatlong tauhan sa kanilang iba’t ibang landas na tinahak sa kagubatan ng Amazon at sa enggrandeng lunan sa Inglatera—naging independent sila at naging matatag sa mga sitwasyon.

Kapansin-pansin din sa device na ginamit ng autor ang motif ng “secret garden” na magsisilbing lunan ng paghihilom (mula sa pagluluksa at matinding kalungkutan) tulad ng nobelang “Ruby Holler” ni Sharon Creech. Sa nobela, hindi sikretong hardin ang motif kundi sikretong mga sulok at bahagi ng dakilang kagubatan. May politikang lunti na nakalakip sa mga pahina ng aklat na ito.

Hindi sentimental ang kuwento ukol sa mga ulila. Sa halip, sari-saring emosyon ang inihalo sa naratibo: misteryo, katatawanan, exotikong detalye, katatakutan. Hindi tulad ng “City of the Beasts” ni Isabel Allende, hindi naging sagwil ang pananaliksik at ang mga antropolohikal na detalye sa naratibo. Ang kay Allende’y halatang ginamit ang local color para maging exotiko at kakaiba ang nobela niya. Lantaran ang paglalahok ng magic ng kakaiba. Kay Ibbotson, hitik sa mga detalye ng Amazon at ng kultura ng mga tribo rito, pero hindi ko halatang pananaliksik ito. Hindi textbook ang dating. Dalawang manunulat pambata ang nakakagawa nito: isa na si Ibbotson at ang isa’y ang paborito kong si Nancy Farmer (autor ng “Sea of Trolls” at “A Girl Named Disaster”). Nakatulong sa pagbibigay ng kulay sa naratibo ng aklat ang mga detalye ukol sa bulaklak na namumukadkad lamang bawat 20 taon, ang pambihirang paru-paro, ang higanteng sloth, at ang mga pamumuhay ng iba’t ibang pamayanan sa pampang ng ilog Amazon. Nahalina rin ako sa mga detalye ukol sa ugali at kultura ng mga Europeong negosyante sa Timog Amerika—ang kanilang labis na pagyaman sa lugar na ito at ang pagtatayo nila ng munting Europa sa tropikal na lugar.

Postibo ko ring nakita na kahit Europeong manunulat si Ibbotson, hindi niya tiningnang primitibong kultura at lunan ang Amazon at Brazil. Hindi sinauna ang kaniyang kamalayan. Hindi siya Eurocentriko kung magsulat; hindi tulad ng mga naunang manunulat sa kaniya na ang tingin sa mga lugar sa labas ng Europa ay lugar ng mga makakamandag na ahas at lupain ng mga kanibal. Hindi rin ito nasa hulma ng Indiana Jones na ang tingin sa mga tribo ay primitibo. Marangal ang depiksiyon ng manunulat sa banyagang bansa. Realistiko ang kaniyang pagkakasulat. Hindi naman labis na politically-correct ang prosa, na lumilitaw na binuhusan ng asido at alkohol ang naratibo.

Hindi ko rin pala nasasabi na dati kong ambisyon ang maging naturalist o biologist. Nagsimula ito noong bata pa ako na mahilig mag-ipon ng mga makukulay na insekto—uwang, salagubang, salaginto, mariposa, tutubi. Natigil lang ito dahil ang lugar namin ay kinumutan na ng aspalto at semento. Sa nobela ni Ibbotson, nanumbalik ang pagnanasa ko sa kalikasan. Lalo pa’t itinampok ang lugar sa mundo na mayamang-mayaman sa flora at fauna. Parang itong mga kagubatan sa Pilipinas. Na katatagpuan ng mga babaylan na maalam sa mga gamot at batas ng kalikasan. Sinasabi ngang kapag namatay ang isang babaylan, parang nasunog ang isang malaking aklatan.

Masuwerte ako’t nagkaroon ng pagkakataong makilala ang talino at talento ni Eva Ibbotson. Ikinararangal kong irekomenda ang aklat niyang ito.

Sunday, February 05, 2006

Henesis ng "Tag-araw ng mga Ibong Hilaga"

Mula sa gallery ni Romy Ocon ang larawang ito. Ginamit ko ang kuha niya sa aking pagsusulat ng maikling kuwentong pambata na "Tag-araw ng mga Ibong Hilaga", nagwagi ng Unang Gantimpala sa 2005 Palanca Awards para sa Kuwentong Pambata. Malaking tulong sa akin ang larawang ito. Siyempre, may pananaliksik din. Pero ang isang manunulat ay dapat magkaroon ng anting-anting sa pagsusulat. Ito ang akin. Binabalik-balikan ko ang larawang ito para maging realistiko ang aking deskripsiyon sa aking isinusulat. Ito rin ang naging isa sa aking lunan sa kuwentong isinulat ko. Sa aking isip, nandito, nakadungaw sa bintana ang dalawang magkapatid at ang kanilang lola, sa paghihintay nila ng pagdating ng mga ibon mula sa ibang bansa.

Para sa mga estudyante ng PNU ang blog entry na ito. Ito ang kanilang mga tanong:

"The following questions are:
1. What was your reason for writing the short story?
2. Do you have any inspiration in writing it? Who?
3. What is the age range of your story? Who are the target readers?
4. Was the story based on your personal experiences?
5. Did you expect that your piece will win an award?"

Narito ang aking sagot:

Kung Bakit Ko Isinulat ang “Tag-araw ng mga Ibong Hilaga”

Isang imahen o larawan ang nag-udyok sa akin para sulatin ko ang kuwentong ito. Bago ko pa man makita ang imahen nito, nababasa ko na sa mga pahayagan ang magagandang babalita ng muling pagbabalik ng mga ibon mula sa Japan, Russia, at mga lugar sa Hilaga ng Asya sa bayan ng Cndaba. Naisip ko, “magandang kuwento ito.” Kaso, hindi pa ako lubusang naitutulak ng mga balita para sulatin ito bilang katha (fiction). Noong Pebrero ng 2005, naimbitahan ako sa isang kumperensiya ukol sa panitikang pambata sa U.P. Baguio. Lahat naman ng imbitasyon sa Baguio ay tinatanggap ko dahil sa klima at kultura sa lugar na ito. Gayumpaman, hindi ko nakita sa Baguio ang imahen na magtutulak sa aking magsulat. Nang pababa na lang ako, pauwi papuntang Lungsod Quezon, nang makita ko ang suwerteng “agimat.” Sabi ng ilang manunulat, mahalaga ang “agimat” na ito para maituloy ang mga balak isulat. Nakita ko ang imahen sa probinsiya ng Pampanga at Tarlac. Habang nakamasid sa bintana ng bus (lagi akong nakatingin sa tanawin kapag naglalakbay), nasumpungan ko ang mga puting tagak (hindi ko pa alam kung ano’ng uri ng ibon ang mga iyon) sa palayan. Kayrami ng mga tagak na iyon. Nagtatampisaw sila sa linang, naghahanap ng makakain sa kabukiran. Nasabi ko sa sarili pagkaraan, “Inaaya na akong sumulat.”

Pagkaraan noon, nagresearch na ako sa Internet ukol sa mga balita ukol sa pagdating ng mga ibon sa bayan ng Candaba. Nagbasa rin ako ukol sa kasaysayan ng probinsiya ng Pampanga, lalo na sa bayan na ito. Naghanap din ako ng mga siyentipikong aklat ukol sa sa mga migration ng mga ibon—kung bakit sila umaalis ng kanilang pinagmulang lugar para iwasan ang matinding lamig o ang tagginaw. Ilang ulit kong pinanuod sa DVD ang dokumentaryong “Winged Migration” at napag-alaman ko na natural talaga sa mga ibon ang paglalakbay sa mga maiinit na lugar para panatilihing buhay ang kanilang lahi. Sinaliksik ko rin ang pagtataguyod ng mga grupong environmentalist para protektahan ng mga lugar sa Pilipinas na pinupuntahan ng mga ibong banyaga. Sa pagbabasa, nalaman kong hindi sila ng ibong banyaga kundi mga ibon ng daigdig. Responsibilidad ng lahat ng bansa na protektahan ang mga ibong ito. Sa pagsusulat ng kuwentong ito, unti-unti, hindi ko namamalayan, nagiging tagapagsulong ako sa pangangalaga ng latian (swamp) ng Candaba para maging sanktuwaryo ng mga ibon.

Isinulat ko ang kuwentong ito nang walang iniisip na edad ng mambabasa. Ngunit malay ako na batang Filipino ang babasa ng aklat. Tandaan, para ito sa batang Filipino. Kung gayon, isang konsiderasyon ko sa pagsusulat na itampok at itanghal ang pagka-Filipino sa teksto. Ibig sabihin, dapat ay litaw dito ang kultura, kasaysayan, at identidad ng Filipino bilang bansa. Naisagawa ko ito sa pamamagitan halimbawa ng paggamit ko ng kasaysayan ng digmaan, ng kultura sa pagkain ng mga taga-Pampanga, ang alamat noong panahon ng Hapon, at ang istruktura ng pamilya at ng barangay. Kapag sumusulat ako ng mga kuwentong pambata, hindi ko tinitimbang o tinatantiya kung pang-edad apat hanggang pitong taon ang kuwento. Masyadong teknikal at siyentipiko ang ganitong dulog (approach) ng pagsusulat; at ayaw kong gamitin ang ganitong pagsusukat sa aking pagsusulat. Masagwa para sa akin na lagyan ng markang “pang-edad 10-12” ang aking kuwento. Para na ring sinabing ang isang nobela ng isang manunulat ay para sa edad na 30-35. Hindi magandang tingnan ang ganitong pag-aangkop. Siguro’y trabaho ng mga guro at magulang ang paghahanap ng akmang kuwento para sa kanilang anak o mag-aaral. Pero sa ganang akin, nais kong bigyan ng karapatan at kapangyarihan ang mga bata na maghanap, pumili, magtakda ng kanilang sariling panitikan. Ang panitikang pambata ay isang paraan para gawing malaya ang mga bata.

Hindi batay sa personal na karanasan ang kuwentong aking isinulat. Hindi ko naranasan ang mga nangyari (plot) sa kuwento. Pero, naging personal kong paniniwala ang sinasabi sa loob ng katha. Hindi ako sumasang-ayon na dapat ay naranasan ng manunulat ang kaniyang isinusulat. O ang paniniwalang dapat mo lamang isulat ang iyong nalalaman. Kung hindi ko alam ang aking isusulat, inaalam ko iyon sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng pananaliksik. Walang manunulat ang hindi nagtatagumpay kung hindi ito marunong sa ganitong aspekto.

Isinulat ko ang kuwento para rin isali sa paligsahan. Sa konteksto ng Pilipinas, higit na mapapansin ang kuwento (halimbawa, para malathala, mabasa, mapag-aralan, mabili ng palimbagan, maisaaklat) kung ito ay nanalo ng prestihiyosong paligsahan. Masakit na realidad ito dahil kailangang laging may patunayan ang manunulat bago siya pagkatiwalaan ng kaniyang publiko (mambabasa, palimbagan, kritiko). Kung inasahan kong mananalo ang aking kuwento, siguro’y oo. Hindi ko inaasahang matalo kapag sumasali ako. Hindi sapat ang lakas ng loob para sumali. Higit na mahalaga ay alam kong may laban ang aking isasali. Dapat ay polido ang prosa; dumaan sa maraming rebisyon at pagpapabasa sa mga piling mamabasa na aking kaibigan at kakilala. Dahil kung hindi, sayang lang ang pagod.

Friday, February 03, 2006

“Crow Boy” ni Taro Yashima


Heto na naman ako. Pupunta sa bookstore para magbasa ng mga aklat. Ginagawa kong library ang bookstore. Kadalasan, hindi ako bumibili ng mga picture book. Bukod sa mahal ang presyo nito, kasingmahal ng isang bagong paperback, mabilis itong basahin. Ilang minuto lang, mababasa ko na. Iyon lamang, hindi ko nababasa gaano ang mga ilustrasyon. Totoo, maging ang mga ilustrasyon ay binabasa. Kulang pa ako sa aparato para suriin ang estilo sa pagkakaguhit. Napakabasic ang alam ko sa sining-biswal. Subhetibo sa akin ang pagtimbang ng magandang guhit—gusto ko ng mga cute na ilustrasyon, magaan na kulay, malinis na komposisyon. Dapat din, nakatutulong ang ilustrasyon sa pagkukuwento; lalo pa’t ang anyo ng picture book ay kolaborasyon ng manunulat at ng ilustrador.

Caldecott Honor Book ang “Crow Boy” na binasa ko sa Goodwill Bookstore kahapon. Mabuti na lamang at hindi text-heavy ang aklat. Kung text-heavy man, hindi ito halata dahil inihiwalay ng manunulat-ilustrador ang mga texto sa iba’t ibang bahagi ng pahina. Tuloy, nakalilikha ito ng suspense sa pagbabasa. Nagiging dramatiko ang epekto ng enumerasyon sa pagiging mahiyain at mapag-isa ng tauhang bata na mahiyain dahil probinsiyano. Tinamaan ako nang husto sa kuwento. Naalala ko ang maraming bata na mahiyain dahil sa inseguridad sa kanilang pinagmulang lugar, pamilya, uri, klase. Naalala ko ang tunggalian ng bayan at bukid; nangyayari rin pala ito sa konteksto ng lipunang Hapones. Naalala ko rin ang di-mabilang na batang Filipino na kilo-kilometro ang nilalakad para lamang makapasok sa kanilang eskuwelahan. Kagyat ko ring naalala ang isang sentimental ngunit mahusay na kuwentong “Hundred Dresses,” isang Newbery Honor Book; tungkol din ito sa kahirapan ng isang batang tauhan na banyaga sa lipunang Amerikano. Sa kaniyang pagkukuwento ng mga damit niya, naigpawan niya ang pagmamaliit sa kaniya ng mga kaklase. Sa “Crow Boy”, isang mapagkalingang guro ang tumulong sa batang mahiyain, di palasalita, walang kaibigan para ipakita ang totoong buhay, talino, at talento nito. Kaya ng bata na gayahin ang iba’t ibang huni ng ibong crow (uwak?) dahil sa kaniyang obserbasyon sa paligid at sa pakikipagkaibigan sa kalikasan. Sa palagay ko, ang batang ito ay may posibilidad na maging manunulat o artist dulot ng kaniyang pagiging mapagmasid sa kalikasan.

Nais ko sa kuwentong ito ang tema ng pagtanggap--pagtanggap sa iyong piniling desisyon at pinagmulan. Maging ang pagtalakay sa politika ng espasyo at heograpiya sa lipunang Asyano. Hindi nahulog sa bitag ng exotisisasyon ang aklat, kahit na temang Hapones ito at nailimbag sa U.S. Binigyan ng awtor-ilustrador ng dangal ang tema at paksaing kaniyang napili. Sa palagay ko, iyan ang dapat na simula ng isang pagkukuwento para sa mga bata: pagbibigay-dangal.

“Heartbeat” ni Sharon Creech


“Heartbeat” ni Sharon Creech

Hindi ko binili ang librong ito. Ipinangako ko sa sarili na ang ganitong aklat ay:

a. hihintayin ko sa Booksale
b. hihiramin sa kakilalang may kopya
c. babasahin sa bookstore

Sa huli, letrang “c” ang umakma sa akin.

Bakit naman hindi ako kukuha ng sariling kopya?

a. mahal ang paperback edition ng aklat at nagtitipid ako
b. baka lumabas ang edisyon sa Booksale
c. nagsawa na ako sa mga nobelang blank verse o nobela sa anyo ng tula
d. manipis ang nobela, madaling basahin para bilihin sa mataas na presyo
e. puno na ang aking bookshelff. Hindi ko alam kung saan ko ilalagay ang mga librong nabasa ko na.

Tulad ng “The Scarecrow and His Servant,” nabasa ko ang ilang bahagi ng aklat bago ang aking atake sa puso. Binasa ko ito sa pagitan ng pagkaburyong at paghihintay. Nakailang kabanata/tula rin ako. At hindi ko natagalan. Marahil, hindi ganoon kahusay ang simula ng aklat. Marahil, hindi kasi ako nakadapa, kung kaya hindi ako nakakapasok mismo sa loob ng teksto.

Inismiran ko ang aklat na ito, kahit na naging finalist ito noong nakaraang taon sa Carnegie Medal (kasama ni “Scarecrow” ni Pullman), dahil nasa anyo ito ng nobelang free verse. Sa totoo lang, medyo nagsawa na ako sa mga nobela na nasa anyo ng tula. Nabasa ko na ang: “Out of the Dust” ni Karen Hesse (isa sa pinakapaboritong nobelang Newbery) na nasa anyo ng tula. Nariyan din ang “Make Lemonade” at “True Believer” ni Virginia Euwer Wolff. Pati na ang “Locomotion” ni Jacqueline Woodson. Magiging establisadong anyo kaya ng panitikang pambata ang nobela sa anyo ng tula? O naggagayahan lang ang mga manunulat? Kapag babasahin kasi ang mga bahagi, hindi ko maituturing na tula ang mga ito. Pero bakit nasa anyo ng tula?

Gayunpaman, napahanga ako ng Sharon Creech sa kaniyang aklat na “Heartbeat.” Nabasa ko na ang kaniyang mga nobela na nasa anyo rin ng tula (“Love That Dog” at “Granny Torrelli Makes Soup”); pero sa tatlo, pinakamainam ang “Heartbeat.” Ukol ito sa pagkakaibigan, ukol sa pagmumuni ng tauhan sa dementia ng kaniyang lolo, ukol sa pananabik ng tauhan sa pagkasilang ng kapatid, ukol sa sariling ambisyon at katuparan sa buhay. Higit na malawak ang paksaing nasaklaw ni Creech sa aklat na ito; at naisagawa niya ito nang marangal at buo. May ilang bahagi na maituturing kong higit na tula kaysa prosa. May mga bahagi ng pag-uulit-ulit na ipinamamalas ang ritmo ng tibok ng puso, habang tumatakbo ang dalawang tauhang magkaibigan. Gusto ko rin ang paglalaro ni Creech sa porma (tulad ng bahagi sa pagkatuklas ng tauhan sa gamit ng footnote at ng tesauro). Simple ang pagkakakuwento pero malaman. Iyan ang talino ni Creech. Natalakay niya sa kakaunting salita ang usapin ng mortalidad, ng buhay, ng halaga ng buhay, at ng lalim at ligaya ng buhay. At sa kaikliang iyon at husay ng pagtalakay, maituturing kong isang tula ang nobela. Ibinalik niya sa akin ang pananalig sa mga nobelang blank verse. Hindi pa laos ang mga ganitong nobela, hangga’t may mga manunulat na patuloy na igagalang ang anyo na ito, at lalagyan ng lalim, kahulugan, at kabuluhab. Mabuhay, Sharon Creech! Bravo!

Ngayon, iniisip ko kung anong aklat ni Creech ang babasahin kong susunod--"Wanderer" kaya? O "Chasing Redbird"? O "Walk Two Moons"? Hmmmm, isip-isip.

“The Scarecrow and His Servant” ni Philip Pullman


Kalahati ng aklat na ito’y binasa ko, bago ang aking pangalawang buhay. Nahirapan akong basahin ang aklat, sa simula. Ang dami kong iniintindi. At naghahanap ako ng direksiyon sa buhay. Katatapos lang ng Bagong Taon; at holiday mode pa ako noon.

Pagkaraan ng operasyon, binalikan ko ang aklat. Sayang naman kung bibitawan ko. Pinabili ko pa ang aklat na ito, autographed copy pa ng paborito kong si Pullman, sa dating estudyante na ngayo’y kaibigan/kapwa manunulat nang pumunta siya ng London. Hindi naman ako nag-aksaya ng panahon. Magaling sa pagpapatawa si Pullman. May mga eksena na matalinong nagpapatawa sa pamamagitan ng di-inaasahang sitwasyon at sa paglalaro ng mga salita. Malayo ang aklat na ito sa kaniyang Dark Materials trilogy na seryoso, sensitibo, at mabigat ang paksain. Hindi naman mababaw ang “Scarecrow.” Magaan lamang ang pagkakahawak nito sa tema ng ekolohiya at negosyo. Mainam ang pagkakagamit ni Pullman ang anyo ng modernong fairytale [maihahalintulad ko ang pakikipagsapalaran ng Scarecrow sa mga tauhan sa “Wizard of Oz”] upang talakayin ang epekto ng mga negosyo, ng urbanisasyon, ng industrialisasyon sa kapaligiran. Pinairal rin ng manunulat ang katalinuhan sa paggamit ng mga ibon bilang esensiyal na tauhan sa nobelang umiinog sa panakot-uwak. Simple ang pagkakabanghay ng kuwento at maaaring mabasa ng mga nakababatang mambabasa. Walang mga detalyeng nasayang; lahat ay nagamit at nabuhol hanggang sa huli. May katatawanang himig-katutubo (folksy) ang buong aklat. Para itong isang pabula, isang trickster na kuwento sa Pilipinas. Naisip ko ring puwede ko itong lagyan ng annotation, tulad ng isinagawa ni Maria Tatar sa mga classic fairy tales. Sana, makasulat ako ng ganitong aklat—isang aklat na buhat sa nakatatawang kuwento buhat sa panitikang-bayan sa Pilipinas.