Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Tuesday, February 07, 2006

“Journey to the River Sea” ni Eva Ibbotson


Matagal ko nang nakikita, naririnig, at nasusumpungan ang mga libro ni Eva Ibbotson sa Booksale at sa National Bookstore. Hindi ko lang alam kung bakit hindi ko dinadampot ang kaniyang mga aklat. Marahil, hindi ako naging interesado sa mga pabalat ng mga aklat niya. Lalo na ang mga American edition na hindi kagandahan ang ilustrasyon. (Sa tingin ko’y isang malaking inhustisya sa mainam na prosa ng manunulat.) Mabuti na lang ang dumadating na rin sa Pilipinas ang mga British edition na mga aklat pambata; at dahil dito’y naengganyo akong bilihin ang dalawang aklat ni Ibbotson—ang “Journey to the River Sea” at “Star of Kazan”. Medyo natagalan nga lamang akong basahin ang unang aklat; dahil may mga aklat pang nakapila at sa nakaraan lang na compre readings. Ngayon, habang bakasyon at nagpapagaling, parang isang malaking rolyo ng kapalaran ang aking estante ng mga aklat. Tila ako bumubunot kung ano’ng aklat ang susunod na babasahin. Malaya akong nakakapili ng gusto. Walang direksiyon, walang batas, walang alituntunin. Maingat ang aking pagkakapili dahil kapag nahipo ko na, hindi ko na dapat pang bitawan.

Mukhang mapalad akong buklatin at basahin ang “Journey to the River Sea”. Inaamin ko na napukaw ang aking interes sa mga magagandang komentaryo nina Anne Fine (autor ng “Mrs. Doubtfire”) at ni Philip Pullman ukol sa aklat. Mainam din ang rebyu ni Julia Eccleshare ng Guardian. At siyempre, humakot din ito ng mga parangal at pagkilala—Gold Prize ng Smarties at finalist ng Guardian, Whitbread, at Carnegie. Kung papansinin, halos lahat ng mga aklat sa aking koleksiyon ay nanalo ng parangal. Natatawa ako dahil noong tiningnan ko ang mga pabalat ng aklat sa LibraryThing.com, may mga medalyang ginto at pilak sa pabalat. Hindi ko ito sinadya pero malay akong sumusunod sa panlasa ng mga hurado at kritiko. Sila’y gumagabay sa aking panlasa sa pagbabasa. Mangyari pa, sila rin ang tumutulak sa aking bilihin ang mga aklat. Bukod pa sa kung paborito ko at kilala ang reputasyon ng isang manunulat. Katwiran ko pa, napakaikli ng buhay at napakaraming libro, kung kaya’t makatutulong kung may susundan kang landas (ng kritiko) para piliin ang mapapalad na babasahin.

Old-fashioned na pagkukuwento ang nobelang ito. Nasabi ko ito hindi lamang dahil sa ulila ang pangunahin at sekondaryong tauhan (Maia, Finn, at Clovis). Marami nang mga nobelang pambata (“The Little Princess”, halimbawa) na nagtatampok ng mga ulila na nakipagsapalaran sa bagong pamilya at lipunang “umampon” at “kumalinga” sa kanila. Kadalasan sa ganitong hulma ng kuwento’y ipinapakita ang katatagan ng bata sa mga hamon ng bagong tagapangalaga. Pero higit nga rito, ang ganitong kuwento’y nakaugat sa mga sinaunang kuwento (fairy tales at folktales) na iniiwan ang mga batang tauhan sa pusod ng kagubatan para ipakain sa mga mababangis na aso o kaya’y gawing bitag sa mga bruha at hingante. Nagkataon ding ang ganitong kuwento ay siyang pangunahing takot ng mga bata—ang maiwan sa masukal na lugar. Ang ganitong hulma ng kuwento ang tinatawag na prehistory ng kuwentong pambata pero lantad pa rin hanggang ngayon. Mangyari’y nagbibigay ito ng hamon sa kabataang tauhan na mag-isip nang dakila at hayaang magtiwala sa sariling kakayahan para malagpasan ang mga pagsubok. Ganito ang nangyari sa tatlong tauhan sa kanilang iba’t ibang landas na tinahak sa kagubatan ng Amazon at sa enggrandeng lunan sa Inglatera—naging independent sila at naging matatag sa mga sitwasyon.

Kapansin-pansin din sa device na ginamit ng autor ang motif ng “secret garden” na magsisilbing lunan ng paghihilom (mula sa pagluluksa at matinding kalungkutan) tulad ng nobelang “Ruby Holler” ni Sharon Creech. Sa nobela, hindi sikretong hardin ang motif kundi sikretong mga sulok at bahagi ng dakilang kagubatan. May politikang lunti na nakalakip sa mga pahina ng aklat na ito.

Hindi sentimental ang kuwento ukol sa mga ulila. Sa halip, sari-saring emosyon ang inihalo sa naratibo: misteryo, katatawanan, exotikong detalye, katatakutan. Hindi tulad ng “City of the Beasts” ni Isabel Allende, hindi naging sagwil ang pananaliksik at ang mga antropolohikal na detalye sa naratibo. Ang kay Allende’y halatang ginamit ang local color para maging exotiko at kakaiba ang nobela niya. Lantaran ang paglalahok ng magic ng kakaiba. Kay Ibbotson, hitik sa mga detalye ng Amazon at ng kultura ng mga tribo rito, pero hindi ko halatang pananaliksik ito. Hindi textbook ang dating. Dalawang manunulat pambata ang nakakagawa nito: isa na si Ibbotson at ang isa’y ang paborito kong si Nancy Farmer (autor ng “Sea of Trolls” at “A Girl Named Disaster”). Nakatulong sa pagbibigay ng kulay sa naratibo ng aklat ang mga detalye ukol sa bulaklak na namumukadkad lamang bawat 20 taon, ang pambihirang paru-paro, ang higanteng sloth, at ang mga pamumuhay ng iba’t ibang pamayanan sa pampang ng ilog Amazon. Nahalina rin ako sa mga detalye ukol sa ugali at kultura ng mga Europeong negosyante sa Timog Amerika—ang kanilang labis na pagyaman sa lugar na ito at ang pagtatayo nila ng munting Europa sa tropikal na lugar.

Postibo ko ring nakita na kahit Europeong manunulat si Ibbotson, hindi niya tiningnang primitibong kultura at lunan ang Amazon at Brazil. Hindi sinauna ang kaniyang kamalayan. Hindi siya Eurocentriko kung magsulat; hindi tulad ng mga naunang manunulat sa kaniya na ang tingin sa mga lugar sa labas ng Europa ay lugar ng mga makakamandag na ahas at lupain ng mga kanibal. Hindi rin ito nasa hulma ng Indiana Jones na ang tingin sa mga tribo ay primitibo. Marangal ang depiksiyon ng manunulat sa banyagang bansa. Realistiko ang kaniyang pagkakasulat. Hindi naman labis na politically-correct ang prosa, na lumilitaw na binuhusan ng asido at alkohol ang naratibo.

Hindi ko rin pala nasasabi na dati kong ambisyon ang maging naturalist o biologist. Nagsimula ito noong bata pa ako na mahilig mag-ipon ng mga makukulay na insekto—uwang, salagubang, salaginto, mariposa, tutubi. Natigil lang ito dahil ang lugar namin ay kinumutan na ng aspalto at semento. Sa nobela ni Ibbotson, nanumbalik ang pagnanasa ko sa kalikasan. Lalo pa’t itinampok ang lugar sa mundo na mayamang-mayaman sa flora at fauna. Parang itong mga kagubatan sa Pilipinas. Na katatagpuan ng mga babaylan na maalam sa mga gamot at batas ng kalikasan. Sinasabi ngang kapag namatay ang isang babaylan, parang nasunog ang isang malaking aklatan.

Masuwerte ako’t nagkaroon ng pagkakataong makilala ang talino at talento ni Eva Ibbotson. Ikinararangal kong irekomenda ang aklat niyang ito.