Henesis ng "Tag-araw ng mga Ibong Hilaga"
Mula sa gallery ni Romy Ocon ang larawang ito. Ginamit ko ang kuha niya sa aking pagsusulat ng maikling kuwentong pambata na "Tag-araw ng mga Ibong Hilaga", nagwagi ng Unang Gantimpala sa 2005 Palanca Awards para sa Kuwentong Pambata. Malaking tulong sa akin ang larawang ito. Siyempre, may pananaliksik din. Pero ang isang manunulat ay dapat magkaroon ng anting-anting sa pagsusulat. Ito ang akin. Binabalik-balikan ko ang larawang ito para maging realistiko ang aking deskripsiyon sa aking isinusulat. Ito rin ang naging isa sa aking lunan sa kuwentong isinulat ko. Sa aking isip, nandito, nakadungaw sa bintana ang dalawang magkapatid at ang kanilang lola, sa paghihintay nila ng pagdating ng mga ibon mula sa ibang bansa.
Para sa mga estudyante ng PNU ang blog entry na ito. Ito ang kanilang mga tanong:
"The following questions are:
1. What was your reason for writing the short story?
2. Do you have any inspiration in writing it? Who?
3. What is the age range of your story? Who are the target readers?
4. Was the story based on your personal experiences?
5. Did you expect that your piece will win an award?"
Narito ang aking sagot:
Kung Bakit Ko Isinulat ang “Tag-araw ng mga Ibong Hilaga”
Isang imahen o larawan ang nag-udyok sa akin para sulatin ko ang kuwentong ito. Bago ko pa man makita ang imahen nito, nababasa ko na sa mga pahayagan ang magagandang babalita ng muling pagbabalik ng mga ibon mula sa Japan, Russia, at mga lugar sa Hilaga ng Asya sa bayan ng Cndaba. Naisip ko, “magandang kuwento ito.” Kaso, hindi pa ako lubusang naitutulak ng mga balita para sulatin ito bilang katha (fiction). Noong Pebrero ng 2005, naimbitahan ako sa isang kumperensiya ukol sa panitikang pambata sa U.P. Baguio. Lahat naman ng imbitasyon sa Baguio ay tinatanggap ko dahil sa klima at kultura sa lugar na ito. Gayumpaman, hindi ko nakita sa Baguio ang imahen na magtutulak sa aking magsulat. Nang pababa na lang ako, pauwi papuntang Lungsod Quezon, nang makita ko ang suwerteng “agimat.” Sabi ng ilang manunulat, mahalaga ang “agimat” na ito para maituloy ang mga balak isulat. Nakita ko ang imahen sa probinsiya ng Pampanga at Tarlac. Habang nakamasid sa bintana ng bus (lagi akong nakatingin sa tanawin kapag naglalakbay), nasumpungan ko ang mga puting tagak (hindi ko pa alam kung ano’ng uri ng ibon ang mga iyon) sa palayan. Kayrami ng mga tagak na iyon. Nagtatampisaw sila sa linang, naghahanap ng makakain sa kabukiran. Nasabi ko sa sarili pagkaraan, “Inaaya na akong sumulat.”
Pagkaraan noon, nagresearch na ako sa Internet ukol sa mga balita ukol sa pagdating ng mga ibon sa bayan ng Candaba. Nagbasa rin ako ukol sa kasaysayan ng probinsiya ng Pampanga, lalo na sa bayan na ito. Naghanap din ako ng mga siyentipikong aklat ukol sa sa mga migration ng mga ibon—kung bakit sila umaalis ng kanilang pinagmulang lugar para iwasan ang matinding lamig o ang tagginaw. Ilang ulit kong pinanuod sa DVD ang dokumentaryong “Winged Migration” at napag-alaman ko na natural talaga sa mga ibon ang paglalakbay sa mga maiinit na lugar para panatilihing buhay ang kanilang lahi. Sinaliksik ko rin ang pagtataguyod ng mga grupong environmentalist para protektahan ng mga lugar sa Pilipinas na pinupuntahan ng mga ibong banyaga. Sa pagbabasa, nalaman kong hindi sila ng ibong banyaga kundi mga ibon ng daigdig. Responsibilidad ng lahat ng bansa na protektahan ang mga ibong ito. Sa pagsusulat ng kuwentong ito, unti-unti, hindi ko namamalayan, nagiging tagapagsulong ako sa pangangalaga ng latian (swamp) ng Candaba para maging sanktuwaryo ng mga ibon.
Isinulat ko ang kuwentong ito nang walang iniisip na edad ng mambabasa. Ngunit malay ako na batang Filipino ang babasa ng aklat. Tandaan, para ito sa batang Filipino. Kung gayon, isang konsiderasyon ko sa pagsusulat na itampok at itanghal ang pagka-Filipino sa teksto. Ibig sabihin, dapat ay litaw dito ang kultura, kasaysayan, at identidad ng Filipino bilang bansa. Naisagawa ko ito sa pamamagitan halimbawa ng paggamit ko ng kasaysayan ng digmaan, ng kultura sa pagkain ng mga taga-Pampanga, ang alamat noong panahon ng Hapon, at ang istruktura ng pamilya at ng barangay. Kapag sumusulat ako ng mga kuwentong pambata, hindi ko tinitimbang o tinatantiya kung pang-edad apat hanggang pitong taon ang kuwento. Masyadong teknikal at siyentipiko ang ganitong dulog (approach) ng pagsusulat; at ayaw kong gamitin ang ganitong pagsusukat sa aking pagsusulat. Masagwa para sa akin na lagyan ng markang “pang-edad 10-12” ang aking kuwento. Para na ring sinabing ang isang nobela ng isang manunulat ay para sa edad na 30-35. Hindi magandang tingnan ang ganitong pag-aangkop. Siguro’y trabaho ng mga guro at magulang ang paghahanap ng akmang kuwento para sa kanilang anak o mag-aaral. Pero sa ganang akin, nais kong bigyan ng karapatan at kapangyarihan ang mga bata na maghanap, pumili, magtakda ng kanilang sariling panitikan. Ang panitikang pambata ay isang paraan para gawing malaya ang mga bata.
Hindi batay sa personal na karanasan ang kuwentong aking isinulat. Hindi ko naranasan ang mga nangyari (plot) sa kuwento. Pero, naging personal kong paniniwala ang sinasabi sa loob ng katha. Hindi ako sumasang-ayon na dapat ay naranasan ng manunulat ang kaniyang isinusulat. O ang paniniwalang dapat mo lamang isulat ang iyong nalalaman. Kung hindi ko alam ang aking isusulat, inaalam ko iyon sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng pananaliksik. Walang manunulat ang hindi nagtatagumpay kung hindi ito marunong sa ganitong aspekto.
Isinulat ko ang kuwento para rin isali sa paligsahan. Sa konteksto ng Pilipinas, higit na mapapansin ang kuwento (halimbawa, para malathala, mabasa, mapag-aralan, mabili ng palimbagan, maisaaklat) kung ito ay nanalo ng prestihiyosong paligsahan. Masakit na realidad ito dahil kailangang laging may patunayan ang manunulat bago siya pagkatiwalaan ng kaniyang publiko (mambabasa, palimbagan, kritiko). Kung inasahan kong mananalo ang aking kuwento, siguro’y oo. Hindi ko inaasahang matalo kapag sumasali ako. Hindi sapat ang lakas ng loob para sumali. Higit na mahalaga ay alam kong may laban ang aking isasali. Dapat ay polido ang prosa; dumaan sa maraming rebisyon at pagpapabasa sa mga piling mamabasa na aking kaibigan at kakilala. Dahil kung hindi, sayang lang ang pagod.
<< Home