Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Saturday, February 11, 2006

“The Wanderer” ni Sharon Creech


Hindi ko sinasadya na halos magkahawig ng tema ng “The Wanderer” at ang “Journey to the River Sea”. Kapwa tinatalakay ng mga nabanggit na nobela ang paghahanap ng bagong buhay ng dalawang ulila-ngunit-inampong batang babae. Gayumpaman, magkaiba ng lebel ang dalawa sa pagkakagamit ng talinghaga ng paglalakbay. Sa nobela ni Ibbotson, ginamit niya ang paglalakbay sa kombensiyonal na paraan ng adbentura, ng misteryo, ng pagkakatagpo ng mga tunay na kaibigan at bagong kapamilya. Samantala, sa nobela ni Creech (autor ng “Heartbeat”, “Ruby Holler” at “Love That Dog”), ginamit ang paglalakbay para ipakita kung papaano nakiangkop ang pangunahing tauhang si Sophie sa malagim niyang nakaraan, sa isang aksidente sa dagat na “kumuha” sa kaniyang magulang. Multi-dimensiyonal ang pagkakagamit ni Creech sa talinghaga ng paglalakbay—hindi lamang si Sophie ang naglalakbay-sa-paghahanap-ng-kabuluhan-sa-buhay kundi ang mga kasama niya sa sasakyang “The Wanderer”—pinsang naghahanap ng pagtangi sa ama, tiyuhing hinahanap ang dating sinta, pinsang naghanap ng sariling kabuluhan, pagmamahal sa ama, paghihilom ng sarili, at pagharap sa mga hindi nasasabi at sa mga kinatatakutan.

Masasabi kong naging komplikado at malalim ang nobelang pambatang ito dahil sa mga umusbong na mga sub-stories na hindi naging sagwil sa daloy ng kuwento nina Sophie at Cody. May nagsasalitan ding punto-de-bista sa buong nobela, gamit ang device na journal ng dalawang nabanggit na tauhan. Sa puntong ito, nakikita ko ang isang pagkakamali (flaw) sa naratibo. Masyadong literary ang pagkakasulat ni Sophie ng kaniyang journal; kita ko sa aking isip na ganitong magsulat si Creech ng journal. Lalo pa’t ang ilang entry dito ay isinulat niya habang nasa gitana sila ng dagat at may malalakas na hangin at alon. Iyon ang peligro ng pagsusulat sa unang panauhan (first person) dahil hindi dapat mababakas ng mambabasa ang manunulat. Nakakapagtaka rin kung paano nila isinulat ang mga journal sa mga araw ng paglalakbay, lalo pa’t may mga araw na hitik sa drama, pagtatalo, o literal na mahirap sumulat (malakas ang galaw ng sasakyan o maysakit ang tauhan dulot ng aksidente). Maliit lamang na pagkukulang ito.

Sa kabuuan, mainam itong nobela. Batid ni Creech kung papaano panatilihin ang interes ng mambabasa—gamit ang device na foreshadowing, ng mga tall tales ukol kay Bompie (Ulysses), plant and pay-off, misteryo, bisa ng mga imahen at panaginip, mga poetikong deskripsiyon ng dagat at tubig—lahat ito’y naisalansan para mapanatiling gumagalaw (tulad ng dagat) ang naratibo. Kagyat kong naalala ang pelikulang “Big Fish” sa nobelang ito dahil sa pagtalakay ng relasyong pampamilya at ng mga tall tales. Bukod pa sa pampanitikang kasangkapan, nagustuhan ko ang pakakatalakay ni Creech sa tema ng pag-aampon sa isang ulila; nais ko ang paraan sa kuwento ng pagtanggap at pagkilala sa bagong miyembro ng pamilya.

Muli, pinatunayan ni Creech na isa siya sa mga manunulat na Amerikanong dapat kong antabayanan ang bagong mga aklat. Kilala niya ang nais ng mga batang mambabasa. At sa kabila nito, alam niya ang kailangan ng mga ito—lalim, mahusay na babasahin, at primera klaseng panitikan.