“Crow Boy” ni Taro Yashima
Heto na naman ako. Pupunta sa bookstore para magbasa ng mga aklat. Ginagawa kong library ang bookstore. Kadalasan, hindi ako bumibili ng mga picture book. Bukod sa mahal ang presyo nito, kasingmahal ng isang bagong paperback, mabilis itong basahin. Ilang minuto lang, mababasa ko na. Iyon lamang, hindi ko nababasa gaano ang mga ilustrasyon. Totoo, maging ang mga ilustrasyon ay binabasa. Kulang pa ako sa aparato para suriin ang estilo sa pagkakaguhit. Napakabasic ang alam ko sa sining-biswal. Subhetibo sa akin ang pagtimbang ng magandang guhit—gusto ko ng mga cute na ilustrasyon, magaan na kulay, malinis na komposisyon. Dapat din, nakatutulong ang ilustrasyon sa pagkukuwento; lalo pa’t ang anyo ng picture book ay kolaborasyon ng manunulat at ng ilustrador.
Caldecott Honor Book ang “Crow Boy” na binasa ko sa Goodwill Bookstore kahapon. Mabuti na lamang at hindi text-heavy ang aklat. Kung text-heavy man, hindi ito halata dahil inihiwalay ng manunulat-ilustrador ang mga texto sa iba’t ibang bahagi ng pahina. Tuloy, nakalilikha ito ng suspense sa pagbabasa. Nagiging dramatiko ang epekto ng enumerasyon sa pagiging mahiyain at mapag-isa ng tauhang bata na mahiyain dahil probinsiyano. Tinamaan ako nang husto sa kuwento. Naalala ko ang maraming bata na mahiyain dahil sa inseguridad sa kanilang pinagmulang lugar, pamilya, uri, klase. Naalala ko ang tunggalian ng bayan at bukid; nangyayari rin pala ito sa konteksto ng lipunang Hapones. Naalala ko rin ang di-mabilang na batang Filipino na kilo-kilometro ang nilalakad para lamang makapasok sa kanilang eskuwelahan. Kagyat ko ring naalala ang isang sentimental ngunit mahusay na kuwentong “Hundred Dresses,” isang Newbery Honor Book; tungkol din ito sa kahirapan ng isang batang tauhan na banyaga sa lipunang Amerikano. Sa kaniyang pagkukuwento ng mga damit niya, naigpawan niya ang pagmamaliit sa kaniya ng mga kaklase. Sa “Crow Boy”, isang mapagkalingang guro ang tumulong sa batang mahiyain, di palasalita, walang kaibigan para ipakita ang totoong buhay, talino, at talento nito. Kaya ng bata na gayahin ang iba’t ibang huni ng ibong crow (uwak?) dahil sa kaniyang obserbasyon sa paligid at sa pakikipagkaibigan sa kalikasan. Sa palagay ko, ang batang ito ay may posibilidad na maging manunulat o artist dulot ng kaniyang pagiging mapagmasid sa kalikasan.
Nais ko sa kuwentong ito ang tema ng pagtanggap--pagtanggap sa iyong piniling desisyon at pinagmulan. Maging ang pagtalakay sa politika ng espasyo at heograpiya sa lipunang Asyano. Hindi nahulog sa bitag ng exotisisasyon ang aklat, kahit na temang Hapones ito at nailimbag sa U.S. Binigyan ng awtor-ilustrador ng dangal ang tema at paksaing kaniyang napili. Sa palagay ko, iyan ang dapat na simula ng isang pagkukuwento para sa mga bata: pagbibigay-dangal.
<< Home