Una'y bumawi ako ng tulog. Kulang na kulang ako rito. Nanibago akong may sinusunod na iskedyul sa pagtulog at paggising. Hindi ako makatulog. Ang dami kong iniisip (O baka marami ring pinapantasya). Natatakot akong hindi ko marinig ang alarm clock. Baka malalim ang tulog ko. Baka paggising ko, tanghali na. Kaya hindi ako makatulog. Gusto kong pumasok nang maaga. Ayokong magising na alam kong mahuhuli ako. Hindi maganda ang ganoong gising. Mabuti hindi ako matutulog.
Bakit naman kasi kapag malapit na akong bumangon, saka naman ako dinadalaw ng antok?
Pangalawa'y nagsulat ako. Ng silabus.
May bago ba akong maibibigay na readings?
Ano na nga ba ulit ang layunin ng kurso?
Ano-ano naman ang aking requirements sa klase?
Iyan ang isang paraan kung paano pumatay ng manunulat.
Pagturuin mo.
Bigyan din ang posisyon.
At pasulatin ng mga business letter sa kung sinong guro, presidente, dekano.
Pangatlo'y nagtapon ng mga dapat itapon.
Lumang readings na hindi ko nabasa.
Lumang tala sa mga papel.
Lumang notebook.
Bakit kasi ako mahilig magtago ng kung ano-anong papel?
(Napapansin kong mahilig akong magtapon bago ako magsimulang magsulat.)
Pang-apat, naglipat ng mga kanta sa iTunes. Tumambak na ang mga cd's.
Kailangan nang isilid ko sa laptop ko para maisalin ang iba sa iPod.
787 songs na ang laman ng iTunes ko. Pupuwede na akong mag-sound trip ng dalawang araw nang hindi umuulit ng kanta. Puwede bang hindi umulit? Lalo na kapag gusto ko ang kanta?
Ngayon, ayokong ma-virus muli ang aking computer. Maiiyak ako kapag mabura ang mga koleksiyon kong mga awitin.
Panglima, nagsalin ako ng mga notes ko (mas akmang tawaging mga listahan ng mga pamagat) ng mga susulatin kong kuwento para sa aking disertasyon. Ang sarap mangarap na may katawan na ang mga pamagat na iyon.
Mahilig akong magsimula sa pamagat. Mahilig akong magsulat ng mga pamagat.
Inspirado ako kapag maganda ang pamagat.
Nagkakalaman na rin pala ang notebook ko ng mga ideya para sa aking kritikal na papel.
Sana, makahanap ako ng panahon para maisulat ito at maipresenta na sa aking panelists.
At panghuli, kumain ng masasarap. Pagdiriwang sa aking kalusugan.
Wala akong diabetes!
Ang sarap ng sinampalukang manok, suman at tsokolate, at ng mango torte.
Pati ang grilled chicken ng Colasa's.
Mga naidagdag sa aking makina:
The Essential Michael Jackson--Nandito ang "Rock With You", "Heal the World", at ang "I Just Can't Stop Loving You"
Nothing is Sound ng Switchfoot
Sergio Mendes Timeless--Ang cool ng "Mas Que Nada" feat. Black Eyed Peas
Sitti Cafe Bossa--Hanep ang "Tattooed on My Mind" niya
James Blunk--dahil sa kantang "You're Beautiful"
Madonna--House the Music of Club
Silent Alarm ng Bloc Party--hindi ako nagpapanggap, gusto ko lang talagang lumawak ang panlasa ko sa musika; poetiko ang mga pamagat ng mga awit sa loob
No Name Face ng Lifehouse
Get Lifted ni John Legend--paborito ko ang kaniyang "Ordinary People"
The Best of Tracy Chapman--kinikilabutan pa rin ako sa "Fast Car" niya
Brown Man Revival--Galing ng "Maling Akala". Mas maganda sa orihinal
Cyndi Lauper's The Body Acoustic
Room for Squares ni John Mayer--dahil sa "Your Body is a Wonderland" niya
Greatest Hits ni Lani Misalucha--boses anghel ang babaeng ito
Siyempre, In Between Dreams at ang Curious George soundtrack ni Jack Johnson