Kaligayahan ngayong Linggo
Kahit hindi ako makatulog, masaya ako. Bumawi naman ako ng tulog noong Sabado. Tulog mantika raw. Ang dami kong iniisip, ang daming deadlines. Iniisip ko pa lang, napapagod na ako.
Ngayon, nasa bahay ako ng magulang ko sa Antipolo. Para akong nakatira sa praire kapag nandito ako. Mabuti na lang, may linya ng telepono dito kaya naisipan kong makapagblog.
Father's day pala kaya ako umuwi. Nagdala ako ng masarap na pandesal dito, lechong manok, at saka ubod ng sarap na herb cream cheese mula sa Pan de Manila. Umuwi rin ako para kunin ang mga libro ko sa bahay ng magulang ko. Ginawa akong tambakan ang bahay nila ng mga librong nabasa ko na, mga librong di ko muna babasahin, o mga librong baka nga hindi ko na mabasa pa.
Sa madaling sabi, nagtrabaho ako dito. Hinalungkat ko ang mga librong mapagkukunan ko ng mga tula at kuwento para talakayin sa klase. Pagkatapos maghalungkat, pinanood namin ang "March of the Penguins" na isa ako sa mga nagsalin sa Filipino. Mukhang successful naman ang pagkakasalin kasi naintindihan ito ng aking magulang at kapatid. Hindi sila naantok sa wika. Magaan ang pagkakarebisa dito mula sa orihinal kong pagkakasalin na iniangkop ko pa sa pagkapoetiko ng iskrip na binasa ni Morgan Freeman. Si Sharon Cuneta pala ang nag-voice over dito sa dokumentaryo. Magaan ang boses niya at para niya akong anak na kinukuwentuhan ng isang bedtime story. Sana, magustuhan ito ng nakakarami. Hindi ko alam kung kailan ito ipalalabas sa sinehan.
Huling nabasa:
"Dance, Tanya" ni Patricia Lee Gauch--tungkol sa isang batang gaya nang gaya sa kaniyang ate sa pagsasayaw ng ballet; ukol sa determinasyon na sumayaw at ipakilala ang talento ng cute na bida. Kapuri-puri ang mga nakakatanda sa libro na nag-uudyok sa bata na ipagpatuloy ang kaniyang hilig.
"Water Dance" ni Thomas Locker--Isang tula na inihalintulad ng buhay ng tubig sa sayaw. Pumapatungkol ito sa water cycle. Mainam ang pagsasalikop ng siyensiya at tula at sining biswal sa aklat na ito.
"Brother Eagle, Sister Sky"--Ukol sa katutubong pilosopiya ng mga Indians sa Amerika na itinuturing na kapatid ang ilog at ang agila. Sagrado para sa kanila ang mundo at kapatid nila ang mga bulaklak kaya dapat alagaan. Mainam na aklat ito para idiin ang halaga ng pangangalaga ng kapaligiran sa pagpapanatili ng buhay ng mga etnolinggwistikong grupo.
"A House is a House for Me" ni Mary Ann Hoberman--Patula at may disenyo ng enumerasyon sa buong aklat, pinalalawak nito ang imahinasyon ng mambabasa kaugnay sa pagtalakay sa ideya ng tahanan at sisidlan.
"If I Had a Dragon" nina Tom and Amanda Ellery--Ayaw ng ating bida na makalaro ang kaniyang kapatid na sanggol kaya nag-isip siyang sana ay makalaro na lang niya ang isang dragon. Hmmmm, medyo gasgas pero nakakatuwa ang ilustrasyon at ang pagiging mapaglaro ng texto. Paano nga naman makakalangoy ang dragon? Paano kung ito ay sumipol?
"Chrysanthemum" ni Kevin Henkes--Ukol muli sa batang daga (tulad nina Owen at Lilly) na may kakaibang pangalan ayon sa bulaklak. Akala niya, perpekto ang kaniyang pangalan hanggang sa siya ay pumasok na ng paaralan. Ipinakita dito ang lupit ng mga bata sa panunukso (tama bang amuyin siya at ituring siyang bulaklak na pipitasin?) at ang hamon ng pagiging kakaiba, kahit sa pangalan lamang.
Bakit nga pala ako masaya?
Pagkaraan ng mga tatlong taon, muli akong nakasulat ng tula.
Saka ko na lang ibabahagi sa inyo.
Pero ito ang ilan sa mga linya:
"Katawa-tawa, naisip ko,
ang kamatayan ng mga duguang bulaklak
ay nagsilang ng isang alamat"
Ang saya!
<< Home