Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Tuesday, June 13, 2006

Unang Araw ng Eskuwela

At hindi ako pumasok.

Hindi ako sumipot sa mga klase ko. Wala pang mga classcards. Wala pang class lists. Na-dissolve ang kauna-unahan ko sanang pagtuturo ng masters. Nanganganib ang isang major na klaseng ituturo ko. Wala na yatang natitirang major sa departamento.

Pero nag-uumapaw ng mga mag-aaral sa PP 17 at PP 19. Basta may sex at kulturang popular, dadagsain ng mga estudyante.

***
Ang ganda ng "Cars"! Ngayon lang ako muling napahanga sa animation makaraan ang "Finding Nemo" at "Triplets of Belleville". Maaga akong pumasok kanina, hindi para magklase kundi para mamahala ng kung ano-ano. Nag-ayos ng class list ng departamento, encode ng mga na-dissolve na klase, at nagbukas pa ng mga bago. Umattend din ako sa freshman orientation ng kolehiyo. Makikipanood lang sana; sasamahan ang tagapangulo. Pero naisama akong ipakilala sa mga freshpeople ng kolehiyo. Sige na nga. Masaya naman ang ipinapakilala sa mga mag-aaral.

Payo ng dekano: "Maging idependiyente. Patunayang sila'y mga iskolar ng bayan."

Maaga akong pumasok kasi alam kong makakapanood ako ng sine pagkatapos ng opisina. Utak bakasyon pa rin ako, mula sa dalawang taong pamamahinga.

***

May isa akong dahilan kung bakit nagigising ako ng maaga.

Hindi ko na isinusumpa ang tunog ng alarm clock.

Mayroon pang dahilan. Hindi ko lang maikuwento.

O baka wala namang kuwento.

***

Nagkita kami ng matalik kong kaibigang guro.

Sayang, may kasama siyang ibang guro sa tanghalian.

May kasama rin naman akong iba.

Nagkasama kami ng ilang minuto sa mesa. Pero kagyat na nagpaalam.

Nagbabago na nga ang panahon. Dati, kami ang tinaguriang Bobbsey Twins, na nagyoyosi hanggang hikain. Saka na lang kami kukuha ng panahon. Para magkape at mag-update ng buhay-buhay.

Tatapusin muna namin ang aming disertasyon.

Pero naikuwento ko sa kaniya ang kalahati ng dapat kong ikuwento. Bitin siya. Pero nalungkot. At natuwa. At nagulat.

***

Wala akong diabetes! Mali ang hinala ng cardiologist ko.

Nakuha ko na ang blood test ko. Normal ang blood glucose ko.

Normal na ang bilang ng liver enzymes ko.

Normal ang cholesterol ko sa katawan.

Ipapakuwadro ko ang resultang ito.

***
Ang ganda nga ng "Cars". May mensaheng mahalaga sa pagkatao. "Hindi lang daw pagwawagi ang esensiya ng buhay," sabi ng pelikula. Ang ganda ng animation--ang limot na bayan sa disyerto, ang naagnas na bundok, ang waterfalls. Naging tao ang mga kotse. Nag-iba na tuloy ang tingin ko sa mga ito. Ang galing ng acting, nakukuha lang sa galaw ng mata.

***
Napanood ko na ang "My Own Private Idaho". Kung papanoorin ko ulit, baka ang gitnang bahagi na lang ang aking balikan. Nandoon ang pinakaubod/pinakabuod ng kuwento.

***
Amoy bawang ang hininga ko.

Dalawang kutsarang garlic ang kinain ko para sa tanghalian. Para sa isang mangkok ng mongolian ko kanina. Nakakainis. Hindi naman talaga ganito ang amoy ng hininga ko.

***
Natapos ko na ang "100 Best Books for Children" ni Silvey. Nakahanap ako ng kopya ng "Interpreter of Maladies" sa Booksale. Mukhang maganda ang pasok ng linggo ko.

***
May hinahanap akong senyales, matagal na panahon na. Mga tatlong buwan na.

Kung dumating iyon, aalagaan ko.