Mga Paboritong Aklat Pambata
(Wala talaga akong magawa. Kaya heto, imbes na tumunganga sa pader at sa blangkong mesa, susulat ako ng listahan. Naimpluwesiyahan ako ng librong "(Im)Personal" ni Rene Villanueva sa paghahanda ng listahang ito. Maging ng Premiere Magazine na laging may mga listahan din ng mga mahuhusay na pelikula.)
1. "Out of the Dust" ni Karen Hesse--Unang introduksiyon ko sa nobelang pambata sa anyo ng tula. Malalim na sinasabi, sentimental na hindi korni, matalinghaga ang mga linya, at historikal na hindi nakakatakot.
2. "Matilda" ni Roald Dahl--Nagustuhan ko dahil sa tauhang mahilig sa libro. Naibigan ko ang pelikula at mas naibigan ko ang libro nang nabasa ko. Dito rin lalong napaigting ang galit ko sa mga magulang na philistine na gusto pang hawahan ang kanilang mga anak.
3. "Frederick" ni Leo Lionni--Nagustuhan ko ang pagbibigay ng halaga sa mga salita at talinghaga, sabihin pa na panitikan, para sa kaligtasan ng nagugutom na kaluluwa. Marikit ang ilustrasyon para sa matinding mensahe.
4. "The Gardener" ni Sarah Stewart--Marahil, ito ang picture book na bersiyon ng "Out of the Dust', bawasan lang ng matitinding eksena ng kamatayan, aksidente, at kalamidad. Kapuri-puri ang pagtatampok sa sense of achievement ng bata at sa pilosopiyang luntian.
5. "The Giver" ni Lois Lowry--Hinigop ako sa nilikhang lipunan ng nobelista. Nakumbinsi niya ako sa nilikha niyang utopian na lunan. Poetiko ang pagkakasulat at kapana-panabik ang aksiyon na hindi mababaw ang pinapaksa.
6. "Haroun and the Sea of Stories" ni Salman Rushie--Gusto ko ang detalyeng kultural, ang pagtatampok ng batang bayani, at ang napakarikit na pantasyang may kabuluhan. Muli, pinahahalagahan ng aklat ang dalisay at lantay na uri ng pagkukuwento at paggalang sa panitikan.
7. "Charlotte's Web" ni E.B. White--Bukod sa lirikal, poetiko, at matingkad na prosa, tinalakay ng nobela ang paksaing hindi aakalaing pambata--ang kamatayan bilang natural na pangyayari sa sangkatauhan at sa paligid. Nang binasa ko ang nobela, napaluha ako sa taglay nitong pagdiriwang sa buhay at pakikipagkaibigan.
8. "Ang Unang Baboy sa Langit" ni Rene Villanueva--Pinakamahusay na aklat pambata sa Pilipinas dahil sa taglay na humor, paglalaro ng salita, ironiya, at ang kaibig-ibig na tauhang biik. Pinatunayan sa kuwentong ito na puwedeng magkaroon ng aral ang isang akdang masining at nakakaaliw.
9. "Sundalong Patpat" ni Virgilio S. Almario--Mainam ang gamit ng wika--mahirap tawaging kuwento lamang dahil tula, o tula dahil mabisa ang kuwento. Patunay ang aklat na ito sa pagkakaugat ng awtor sa yaman ng panitikang-bayan sa bansa.
10. "Inkheart" ni Cornelia Funke--Dahil mahilig ako sa libro, napaibig ako ng nobelang ito ng isang Aleman. Kaibig-ibig ang pagkakalikha ng pantasya at ang premis na puwedeng higupin ng aklat ang mambabasa patungo sa mundo ng panitikan.
<< Home