"Lon Po Po" ni Ed Young
"Lon Po Po" ni Ed Young--Heto naman ang bersiyong Tsino ng "Little Red Riding Hood." Medyo hindi ako komportable sa subtitle ng aklat na ito dahil sa pananaig ng kuwentong Europeo sa mga folk tales. Mainam ang paggamit ng wolf para ipakita ang takot ng mga bata sa mga estranghero at sa mga masasamang-loob. Ipinamalas ng mga bata ang kanilang tagong talino sa pagharap sa pangil at bangis ng wolf. May pakiramdam ako na pinagaan ang karahasan sa kuwentong ito dahil ang paglaban ng bata sa hayop ay pailalim at tila hindi sinasadya. Mahusay ang pagkakagamit ni Young ng mga kuwadro sa mga spreads ng aklat niya; nagbibigay ito ng pakiramdam na dumadaloy ang pangyayari at hindi istatiko lamang.
You're Just What I Need--Hindi ko sinasadya na tungkol sa pagkalinga at seguridad ng pamilya ang dalawang kuwentong aking nabasa (nang palihim sa Fully-Booked. "No Private Reading" ang sabi ng karatula.) Umiinog sa guessing game ang daloy ng kuwento ni Krauss. Pakikipagkaro ito ng isang ina sa kaniyang anak na nakatago sa talukbong ng kumot. Ano kaya ang nasa loob ng kumot na iyon? At saka dumaloy ang kuwentong tigib sa bungisngis. Pinatatatag ng aklat na ito ang ugnayan ng magulang sa anak sa pamamagitan ng isang laro.
Nakahanap ako ng kopya ng "100 Best Books for Children" ni Anita Silvey. Noong una, ayokong maniwala sa ganitong mga listahan. pero binili ko pa rin ang kopya. Hindi ako nagsisi sa pagbili ng kopya--magaan ang pagkakasulat, nakakaengganyo ang mga buod, at nakakaaliw ang mga inside information sa produksiyon ng mga aklat. Halimbawa, unanimous pala ang pagkakapanalo ni "Witch of Blackbird Pond" sa Newbery Medal. May isang librarian pala ang nagkait ng Newbery Medal sa Charlotte's Web. Nakaranas pala ng emosyonal na problema ang anak ng sumulat ng Winnie the Pooh dahil nakabatay sa kaniyang buhay ang aklat. Nawala pala ang orihinal na artwork ng "A Chair for My Mother." At dumaan pala sa maraming rebisyon (sariling pagrerebisa) ang "Holes" at nagantimpalaan ito ng Hornbook, Newbery at National Book Award.
Nagkaroon ako ng kopya ng "C.RA.S.H.", "My Own Private Idaho", at "Latter Days." Salamat kay V sa pagpapakopya at pagbibigay sa akin ng kaniyang extrang kopya.
<< Home