Dalawang Pelikulang Muling Pinanuod, Atbp.
Napanuod ko na ang dalawang pelikulang ito, halos isang dekada na ang lumipas. Pinapanood ito sa amin para sa scriptwriting class. Hindi pa uso noon ang cd at dvd; wala pang subtitles ang mga pinapanood. Bihira ang mga telebisyong may closed caption. Nang makita ko sa HMV ang dvd copy ng dalawang pelikula, binili ko kaagad. Gusto kong muling panoorin ang pelikulang ipinapanood sa aming klase, muling alamin kung magugustuhan kong muli ito, at paano ito nakaapekto sa aking pagkamalikhain.
"The Story of Ju-duo" ang una. Nagustuhan ko ito dahil sa pagtuntong ko ng kolehiyo, ang akala ko sa pelikulang Tsino ay puro martial arts lamang. Iba ang pelikulang ito. Maitutumbas sa isang trahedyang Griyego ang kuwento; masasabi pang isang Chinese film noir. Muling nanariwa sa utak ko ang paggamit ng direktor ng mga imahen sa pelikula--lalo na ang mga telang pinapatuyo matapos itong ibabad sa tinang kulay pula at dilaw. Gusto ko rin dito ang pagkukuwentong dramatiko na hindi gaanong madaldal; hindi katulad ng mga pelikulang sa Pilipinas na puro dialogo at hindi umaasa sa mga katahimikan at gamit ng mga larawan sa frame. Mainam din ang pagkakagamit ng mga dramatikong ironiya sa pelikula at ng katutubong kulay na hindi nagmamalabis sa pagka-exotiko ng lunan.
"Two for the Road"--pelikula ni Audrey Hepburn. Siyempre, noong college ako, hindi ko siya kilala. Bibihira ang kilala kong artista sa Hollywood dahil sa hindi ako madalas manood ng komersiyal na pelikula. Hindi rin nakagawian sa pamilya ang manood ng sine. Mabuti na lang, pinili kong maging major ang pelikula. Kung hindi, magiging pilistino rin ako. Sa pangalawang pagkakataon, nagustuhan ko ang istruktura ng pelikula--ang pagtatagpo ng mga nakalipas at ng kasalukuyan sa mga paglalakbay at mga sangandaan ng isang relasyon. Gusto ko ang matalino at witty na dialogo. Mainam ang pagkakasulat ng screenplay. Hindi lubusang romantiko na magkakadiabetes sa panonood. Realistikong naipamalas ang isang relasyong naaagnas dahil sa mga pangangaliwa--na naipakita sa talinghaga ng daan, sasakyan, destinasyon, at paglalakbay.
Napood ko rin ang "Pride and Prejudice" na tulad ni Audrey Hepburn, si Keira Knightly ay may matalinong disposisyon sa buhay at sa pakikipagrelasyon. Tunggaliang pang-uri ang tinatalakay ng pelikula sa pagsisimula ng isang relasyon. Kay inam ng sinematograpiya. Maaliwalas ang mga kulay. Naipakita ang pagkakahati ng uri at ang trato ng lipunan sa mga dalaga upang makaangat sa hagdanang panlipunan.
Napanood ko rin ang "Dark City"--isang matalinong paglalarawan sa mga buhay na inagaw at inangkin ng sibilisasyong mas matalino sa tao. Matalinghaga at poetiko ang pagtalakay sa pag-iipon ng gunita o memorya ng tao; maging ang paglalaro sa isang minuto upang pagpalitin ang mga gunita ng iba't ibang nilalang. Naalala ko sa pelikulang ito ang mga lipunang nagpapanggap na utopian sa "The Giver" ni Lowry at ang "City of Ember" ni DuPrau.
Natapos ko na ang "(Im)Personal" ni Rene Villanueva. Mas maganda ang una niyang aklat na "Personal" dahil sa talas ng kaniyang gunita ng pagkabata hanggang magkolehiyo. Hitik iyon sa mga matitingkad na alaala. Samantala, itong pangalawang aklat naman niya ay rekoleksiyon ng kaniyang pagiging manunulat--bilang nagtatangkang makata, mga tagumpay sa dulaan, pagsubok sa panitikang pambata, pagsulat sa telebisyon at pelikula, at paglahok sa mga oraganisasyon at workshop. May mga bahagi sa koleksiyon ukol sa mga habilin ng mananaysay sa mga nais ding magsulat. Hindi ideal na buhay ng manunulat ang ipininta sa aklat. Sa halip, puno ito ng mga pasakit, ng sakripisyo. Kulang na lang, sabihin ni Villanueva na huwag nang magtangkang sumulat. Pero, hindi naging maramot ang aklat sa pagbibigay ng payo. Napakagaan ng wika; lamang, hindi pantay ang mga kalidad at lalim ng mga sanaysay. May sanaysay na mababaw ang pagkakakalkal sa gunita, mayroon namang malalim, at mayroon namang maraming lebel ang pakahulugan kaya nagiging kritikal. Ang wikang ginamit ay hindi hadlang para mahiuntakutan ang mga bagitong manunulat sa larangan. Parang nakikinig lamang sila sa mga kuwento ng isang dalubhasang guro na nagkataong manunulat. Rekomendado ang aklat na ito sa mga panimulang klase sa Malikhaing Pagsulat.
Nablog ko na ba ang "Afternoon of the Elves"? Makaraan ng ilang linggo, sariwa pa rin sa akin ng imahen ng cream of wheat, ang maliit na ferris wheel, ang mga munting bahay sa bakuran ni Sara-Kate, ang kapayatan ng bata, ang maysakit na ina sa itaas ng bahay na may masukal na bakuran. Sinasabi ko rito, kapag nagsusulat, mahalagang isa-alang-alang ang gamit ng mga imahen o larawan. Walang biro. Ito kasi ang nagtatagal sa isipan ng mambabasa. Maaaring malimutan natin ang mga eksena, o ang tauhan, pero dapat manatiling nakapagkit sa kamalayan ang mga larawan na siyang magiging gabay upang muli't muling maalala ang buod at diwa ng nobela.
Kasalukuyang Binabasa:
"Perks of Being a Wallflower" at "Dalawang Villanueva"--Namamangka ako sa dalawang wika.
<< Home