Muni-muni bago Pumunta sa PGH
Dadalaw kami ni Ma'am Gaying sa maysakit na kaguro sa PGH. Bigla ko tuloy naalala ang nangyari sa akin noong Enero sa pareho ring ospital. Bakit kaya malapit sa mga sakit ang mga kaguro ko? Sakit sa baga, impeksiyon sa atay, bukol sa matris, tinatamad na kidney, kanser sa suso ang kadalasang mga sakit. Ito kaya'y bunga ng trabaho naming laging nailalantad sa dami ng mga estudyante na may pabaong mikrobyo? O bunga ng mga di nagagamit na matris dahil sa oras ng paghahanda ng leksiyon? O sa tensiyon sa pagpapanatili ng kagalingan sa akademiya?
Kinakabahan ako sa pagpuntang ito. Tila ba babalikan ko ospital na nagsalba ng aking buhay, pero isinusumpa kong babalikan dahil sa laganap na pagdurusa sa paligid--paralisadong matanda, mga nakapilang maralita para sa kakarampot na tulong ng gobyerno. Naalala ko ang mismong paglabas ko ng ICU noon, nakasama ko sa elevator ang isang bangkay. Magkatabi kami: ako na naisalba, ang siya, na walang pangalan, ay sumuko at isinuko ang buhay.
Mukha namang magagamot ang maysakit kong kaguro. Sana'y walang bumulagang mga bagong sakit para sa kaniya. Kailangan niya ng dalaw. Wala siyang pamilya at kasamang tutulong sa kaniya. Mahirap ding tumandang mag-isa, naiisip ko. Dapat ay mag-invest sa relasyon, sa kaibigan, sa pakikisama.
Rehearsal ng isang lamay ang isang pagkaratay sa ospital.
Ewan ko, nagpapaka-profound na naman, pero parang gusto kong manigarilyo.
<< Home