Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Wednesday, May 31, 2006

Pamamaalam sa Bakasyon

Ito ang kauna-unahang kong blog entry na isiniulat ko sa opisina ng Departamento. Ngayon, Hunyo 1, ang unang araw ko bilang assistant ng tagapangulo. Required akong pumunta sa opisina o kaya'y tumambay. Medyo bakante ang opisina at mesa. May mga natitira pang bakas ng dating umupo sa mga puwesto. Walang seremonya sa pagpapalit ng administrasyon; hindi naman siguro selebrasyon iyon.

Mabuti na ring nandito ako sa opisina. Naputulan kami ng telepono, kaya kahit mayroon akong internet connection, hindi ako makakapag-online. Miss ko nang makipag-chat sa kaibigan sa ibang bansa, miss ko na ang mangarap ng mga libro sa Amazon, miss ko na ang magbasa ng mga review at ilang sanaysay ukol sa panitikang pambata. Hindi ko na tuloy mahalungkat ang ibang liham sa email na may ilang puntos para irebisa ko ang dalawang kuwentong pambata ko. Hindi ko pa ito maibigay sa ilustrador dahil hindi pa pino ang teksto ko. Hindi ko rin naman ito maibigay sa aking mahusay na translator dahil hindi pa final ang aking manuskrito.

Ang tagal ko na namang mawala sa blog. Ang sarap kasing magbasa. Nakatanggap ako ng package mula sa kaibigan sa ibang bansa. Naku, hindi ko mailarawan ang aking pagkabigla. Mabigat ang package. Mabuti, hindi ako biktima ng panloloko sa Customs na hihingian ako ng malaking pera para sa padala. Sa Pilipinas, tax-free naman ang mga libro at hindi ito taxable ng gobyerno. Walang mananakaw sa akin ang gobyerno. Walang maibubulsa, kung mabigat ang terminong pagnanakaw. Nasabi ko sa sarili ko, hindi muna ako bibili ng mga libro ng isang taon. Medyo nahihiya ako sa kaibigang ito. Sa susunod, hihilingin kong ibigay niya sa akin ang second-hand na kopya o paperback na edition. Bibili lamang pala ako ng aklat dahil sa mga requests niyang aklat. Malapit na pala ang kaarawan niya. Hindi ko alam kung paano makakaabot on time ang aking package. Gusto ko sanang magsorpresa ng aklat o cd pero lumalabas na hindi iyon sorpresa. Alam ko naman ang mga pamagat ng mga aklat na gusto niya. Papadalahan ko na lang siguro siya ng surprise na aklat na wala sa kaniyang listahan ng request. Tulad ng nakagawian niya sa mga padala niya sa akin.

Bukod sa laman ng package, natuwa ako sa mga stamps na nakadikit dito. Natuwa rin si Chris na siyang nagmaneho sa akin papuntang Quezon City Post Office. Nalungkot kami ng araw na iyon dahil kalat sa lugar na iyon ang mga pamilya na nakatira sa mga tent sa island ng daan. Paano kung umulan? Paano mabubuhay ang mga bata sa ganoong klaseng lugar? Naisip ko talaga ang mga bata, hindi ang mga matatanda. Ano'ng uri ng Pilipinas ang magngyayari kung ganito ang mga bata sa bansa? Naging kritikal na naman ako. Ang dami pa naman kasing opisina ng gobyerno sa paligid. Bakit hindi nila napapansin ang mga pamilyang ito?

Nalayo na ako sa usapan. Mga stamps na ang disenyo ay mga tauhan ng panitikang pambata ang aking nagustuhan. Agad kong ginupit ang mga stamps sa package at ibinabad sa balde. Mga apat na oras ang pagkakababad hanggang sa nahiwalay ang mga selyo. Pinatuyo ko ito sa bond paper habang naglalakad ng limang beses sa Academic Oval.

Nakakalimang ulit na ikot ako sa Academic Oval. Mukhang sampung kilometro ang tinatahak ko. Parusa ko ito sa mga kinain kong Chowking Halu-halo at McDonald's. Siyempre, hindi ito alam ni Chris at ng aking pamilya. Nagkakasala ako sa kanila. Bwahahahaha. Masayang maglakad ng sampung kilometro. Lalo na kung pinahiram sa akin ni Chris ang kaniyang ipod. May "Pang-walking" playlist ako at ang sarili kong playlist. Bumibilis ang lakad ko sa kanta ni Mariah, Janet Jackson, at Madonna. Iyon ang kanilang kontribusyon sa sibilisasyon: ang magtanggal ng natatangong taba ng mga tao!

Kahapon, bilang pamamaalam sa aking mahabang bakasyon, nagpunta kami ni Chris sa Mall of Asia. Maganda ang aking karanasa, alisin ang traffic papunta sa Pasay City. Nakaapat kaming city bago makapunta sa bagong mall na ito--Quezon City, Mandaluyong, Pasig, at Makati. Panglima ang Pasay kung saan naroon ang Mall of Asia. Maganda ang arkitektura ng mall. Pang-tropikal na bansa. Naalala ko ang SM City sa Baguio na bukas na bukas para makapasok ang malamig na hangin. Nagsisi akong di ko dala ang aking digital camera. Katabi ng Mall na ito ang Manila Bay. Gandang kunan sana ng dagat at ang pamosong Manila Bay Sunset.

Napakalaki ng mall na ito. Para muli akong nasa Hong Kong. Modernong ang disenyo tulad ng Harbour City sa Kowloon. Parang ICF sa HK Island. Hindi gaanong matao. Maraming shops ang hindi pa nagbubukas. Pero napalundag ako sa anim na bookstores dito--Fully Booked, National, Powerbooks, Booksale, Different Bookstore, at Books for Less. Paraiso ito sa mga mahihilig sa libro! Nakabili ako ng tatlong libro. Isang picture book na "Science Verse" nina Lane Smith at Jon Scieszka. May nabili rin akong dalawang aklat ng Filipino--"(Im)Personal" ni Rene Villanueva, na sequel ng kaniyang "Personal" at ang "Dalawang Villanueva" ng pareho ring manunulat. Magaang basahin ang "(Im)Personal"--ukol ito sa pagiging manunulat ni Rene Villanueva, bilang playwright, kuwentistang pambata, at screenwriter. Bukod sa pagiging talambuhay, sanaysay na personal, ito rin ay gabay sa pagsulat. Habang nagbabasa, para akong estudyante ni Rene sa panimulang subject ng pagsusulat. O para rin akong nakikinig sa kaniyang mga chika ukol sa pagsusulat. Hindi ko alam kung dapat ko bang bagalan ang pagbabasa o bilisan. May hinahabol ba ako? Medyo. Ang dami ko pang librong dapat basahin! Nangangalahati na ako sa aklat na ito. Dinala ko pa nga ang kopya sa opisina, kung sakaling mabagot ako dito. Hindi naman pala. May internet connection dito. Wala pang bayad. Blogging naman ang ginagawa ko. Mukhang opisyal itong gawain.

Naka-first IMAX experience ako sa Mall of Asia. Pinanuod namin ang dokumentaryo ng Mt. Everest. Kaso, dokumentaryo ito ng mga banyagang umakyat ng bundok na ito. Sariwa pa rin kasi ang pagka-high ng mga Pilipino sa pag-akyat ng tatlong Pinoy sa tuktok ng pinakamataas na bundok. Marami na ring nanood dito. May audience pala ang dokumentaryo. O baka naman, may auidence ang malaking screen ng IMAX. Kailan kaya tatagal ang fascination ng mga Pilipino sa bagong sinehang ito. Lugi ako, nakasalamin kasi ako, at hindi ko nakikita lahat ng imahe sa aking harapan. Pero ang ganda ng screen. Nakatutok ako sa mga imahe ng yelong bundok. Ni ayokong pumikit o kumurat.

Kahit hindi na bakasyon, asal bakasyon pa rin pala ako.

Mamaya, maglalakad ulit ako sa Academic Oval. Ano kayang musika ang aking pakikinggan. Maraming salamat, i-pod! Tunay kang maasahan bilang walking buddy!

Saturday, May 20, 2006

Pinakamahusay na Counting Book, Pinakapaboritong Picture Book



Huling Nabili:

Nahinto ako sa pagbabasa ng aking reading list. Hindi naman ako nawalan ng gana, nahirapan lang akong magbasa ng medyo mahahabang libro. Hindi ko na rin matiis na pigilan ang sarili kong bumili ng libro. Nagkataong mga Australian fiction ang nabili ko:

“I Am the Messenger” ni Markus Zusak
“Black Juice” ni Margo Lanagan (nabasa ko na ang first story niya sa collection; mapagtimpi ang pagkakasulat, emosyonal, at ikinakalat ang mga kaunting impormasyon ukol sa pangunahing tauhan. Masasabi kong nanginig ako sa kuwentong ito)
“The Book Thief” ni Markus Zusak

Kunsabagay malapit na akong matapos sa “Afternoon of the Elves” ni Janet Taylor Lisle. Naaalala ko ang kuwentong “The Hundred Dresses” sa aklat na ito dahil sa pagtalakay ng pagyabong ng imahinasyon ng isang bata sa gitna ng kahirapan. Totoo ngang para sa isang taong mayaman sa haraya ay hindi nagugutom at hindi nakakaramdam na siya’y salat.

Nakahanap rin ako ng segunda manong kopya ng mga Newbery na aklat—“Thimble Summer” at “The High King” ni Lloyd Alexander.

Huling Nabasa:

“Sector 7” ni David Weisner—wordless na picture book ukol sa pagkamalikhain ng isang batang umakyat sa Empire State; ang kaniyang pagkamalikhain ay naituro niya sa mga naging kaibigang ulap.

“Keesha’s House” ni Helen Frost—muli, isang nobela na binuo ng mga tula. Nandito ang mga tula sa point of view ng mga teenager na may problema: walang matirahan, gay, nabuntis, may problema sa pera, gustong tumakas sa malupit na pamilya.

“Garden of Abdul Gasazi” ni Chris Van Allsburg—ang husay ng ilustrasyon; ito ang picture book na sana’y maging maikling pelikula. Nagustuhan kong muli rito ang paglalaro ng bata sa kaniyang imahinasyon kaya narating niya ang hardin ng isang retiradong salamangkero na ginagawang bibe ang mga asong naliligaw sa kaniyang hardin.

“All Alone in the Universe” ni Lynne Rae Perkin—madulas ang pagkakasulat at mabilis basahin; nagustuhan ko ang gaan ng pagkakasulat sa mabigat na problema ng isang bata: ang mapalayo at lumayo sa kaniyang itinuturing na kaibigan. Taglay ng aklat ang sangkap na pag-asa sa mga nobelang pambata: hindi nga naman matatapos ang buhay niya sa pagkawala ng isang kaibigang hindi dapat pag-aksayahan ng panahon. Gusto ko ang mga dekorasyon ni Perkins na ilustrasyon na nakatutulong sa kaniyang pagkukuwento. Lumilitaw, naging notebook ng tauhan ang nobelang aking binabasa.

“Art” ni Patrick McDonnell–Parang si Olivia na mahilig magpinta ang batang si Art. Hindi siya itinuturing na panggulo o nakakadumi sa bahay ng ina. Hinahayaan niyang maglaro ang anak para higit na mapagyabong ang interes ni Art sa art.

“Madeline’s Rescue” ni Ludwig Bemelmans—Dahil sa pagiging magulo at walang takot ni Madeline, nahulog siya sa ilog. Iniligtas siya ng asong si Genevieve. Dito nagsimula ang pagkahilig ng mga batang babae sa boarding school sa mga aso at sa kanilang pakikipagkaibigan kay Genevieve na nagbigay pa ng sorpresa: mga tuta.

“I’ll Always Love You” ni Hans Wilhehm—kakaibang aklat pambata dahil sa pagtalakay ng sensitibong usapin ng kamatayan. Naging “pambata” at makabata ang pagtalakay nito, gamit ng autor ang relasyon ng bata sa kaniyang aso. Simple pero maingat ang pagkukuwento.

“Martha Speaks” ni Susan Meddaugh—Naku, kuwento aso na naman! Magagalit ang mga pusa ko. Isang nakatutuwang aklat ukol sa asong natutong magsalita dahil pinakain siya ng alpabet soup. Kaso, sa kaniyang kakayahang magsalita, di na niya mapigilan ang magsalita, magkuwento. Naging madaldal siya at brutal magsalita. Hindi niya kayang itikom ang bibig. Aklat ito sa mga batang dapat turuan ng maingat at responsableng pananalita.

“Madeline and the Gypsies” ni Ludwig Bemelmans—Bakit ba ngayon ko lang binasa ang mga aklat ni Madeline? Nagsimula ang adbentura ni Madeline at ni Pepito, ang anak ng ambassador ng Spain nang naiwan sila sa karnabal. Naaliw sila sa buhay ng mga gypsies: walang oras ng pagtulog, hindi magsesepilyo, walang eskuwela. Lahat ay kasiyahan. Matatagalan kaya nina Madeline at Pepito ang ang ganitong buhay? Mabuti at sinagip sila ni Miss Clavel sa mga salbaheng gypsies!

“Madeline and the Bad Hat” ni Ludwig Bemelmans—Sa aklat na ito makikilala natin ang batang si Pepito, ang magiging kaibigan nina Madeline. Sa simula, pilyo sa mga batang babae ang bata. Kinukulit niya ang mga manok at pusa. Magaling itong manakot. Paano kaya maaalis ang kaniyang pagiging salbahe?

“Madeline in London”—Namayat at tumamlay si Pepito nang lumipat silang mag-anak sa London at iniwan ang mga kaibigan sa France. Kaya, nagpasya ang kaniyang magulang na imbitahin sina Madeline sa London, lahat ng mga batang babae, kasama si Miss Clavel! Dahil sa regalong kabayo, nakapaglakbay sina Madeline at Pepito sa London.

“Ten Little Rabbits” ni Virginia Grossman at Slyvia Long—Pinakamahusay na counting book na nabasa ko. Bunga ng pananaliksik ang aklat. Hindi lamang ito aklat ng pagbibilang. Kultural ang nilalaman ukol sa mga American Indians, gamit ang mga kuneho bilang representasyon. Hindi ito mapanghamak. Taglay ng bawat pahina ang pamumuhay, kultura at tradisyon ng iba’t ibang katutubo. Mahusay din ang non-fiction part sa huling bahagi ukol sa mga disenyo ng tela.

“A Place for Ben” ni Jeanne Titherington—Naalala ko ang kuwentong “Stevie” ni John Steptoe. Nahuli ng autor ang kultura o ugali ng bata: ang makaramdam ng pagbabago sa pagdating ng bagong kapatid o bagong kakilala. Makakayanan kaya niyang ibahagi ang kaniyang espasyo rito?

“Mice Twice” ni Joseph Low—Isang American folktale na naging picture book. Mainam ang aklat na ito para ituro ang poetiko ng progression at ang idea ng mga predator, ng laki ng mga hayop, ng food chain. Hitik sa katatawanan ang kuwento ukol sa pagalingan ng maisasamang bisita sa simpleng kainan. May bahid ito ng pagiging trickster na kuwento na magugustuhan ng mga bata at mainam ding gawing school play. At lahat ng katatawanan ay nagsimula sa katakawan ng salbaheng pusa!

“Do Not Open This Book!” ni Micaela Muntean—Binasa ko ang librong ito bago ko bilihin ang “Book Thief” ni Markus Zusak. Bagong dating ito sa National at nakabalot pa. Binuksan ko ng walang paalam. Tulad siguro ng mga batang mambabasa, naaliw ako sa pamagat. “Huwag buksan,” sabi ng pamagat. Pero binuksan ko. Iyon pala, hindi pa pala tapos magsulat ang manunulat. Nagsusulat pa lang siya! Ang ganda ng aklat na ito dahil sa pagiging postmoderno, metafiction, experimental, at sa pagiging interaktibo nito na maiintindihan at ikatutuwa ng mga bata. Ukol ito sa isang author na baboy na ipinapakita ang kaniyang proseso sa pagsusulat, maging ang ritwal niya sa paglikha. Nakakahalina ang pagbabasa nito kahit na sinabihan akong huwag bubuksan ang aklat.

“The Gardener” ni Sarah Stewart, ilustrasyon ni David Small—Pinakapaboritong picture book na nabasa ko sa buong buhay ko. (Tandaan: Maari pa itong magbago pero sa ngayon, ito na talaga ang aking paborito.) Gusto ko ang gamit ng mga sulat sa pagkukuwento. Mga serye ito ng sulat, na mala-diary, sa punto de bista ni Lydia Grace, isang batang napilitang lumayo sa pamilya dahil sa hirap ng buhay at nagtungo sa siyudad para magtrabaho para sa kaniyang Uncle Jim, na bihirang ngumiti. Patong-patong na tunggalian o conflict ang nasa kuwento: Paano pangingitiin ni Lydia Grace ang kaniyang Uncle Jim? Paano gaganaan ang kaniyang buhay sa gitna ng kahirapan ng Depression noong 1935? Paano niya hindi malilimutan ang buhay sa pagtatanim? Paano niya bibigyan ng kulay ang malagim na buhay sa lungsod? Taglay ng aklat ang esensiyal na sangkap ng kuwentong pambata: ang pag-asa o hope. Gamit ang talino ni Lydia Grace, nagtanim siya ng mga halamang namumulaklak ng ngiti at pag-asa sa tila abandonadong gusali. Naghanap siya ng sikretong lugar para magtanim ng kagandahan. Mahusay ding ipinakita sa aklat ang pag-unlad hindi lamang ng tauhang si Uncle Jim kundi ang lunan ng siyudad. Sa huling ilustrasyon, sa huling pahina, nangilid ang aking luha sa saya at kapani-paniwalang resolusyon.

Huling Napanood:

Nag-enjoy naman ako sa mga pang-summer na pelikula. Naaliw ako pero hindi naman ibig sabihin ay lumalim ang pang-unawa ko sa mga bagay-bagay. Nagustuhan ko ang mga lunan sa “Mission Impossible 3” at halos mawalan ako ng hininga sa mga eksena sa Vatican at sa Shanghai. Predictable naman ang “Poseidon” pero gusto ko ang effects ng pagdating ng tsunami. Hindi ko maiwasang ikumpara ito sa “Titanic.” Gusto ko rito ang pagsisikap ng mga tauhan na panatilihing sila’y buhay. Ganito rin naman ang diwa ng “United 93” na napanuod ko sa DVD. Naiyak ako sa pagsisikap labanan ang mga terorista at sa mga huling mensahe ng pagmamahal sa mga mahal sa buhay. Mas maganda pa rin ang libro kaysa “The Da Vinci Code.” Nakakaantok marahil ang pelikula saka hindi ako natuwa sa pagkakapili kay Tom Hanks bilang Robert Langdon. Bakit siya? Kunsabagay, ang kuwento naman ng pelikula ay hindi maitutumbas sa mga James Bond na pelikula.

Sunday, May 07, 2006

Weekend Readings


Natapos ko nang basahin ang “Keesha’s House” ni Helen Frost at “All Alone in the Universe” ni Lynne Perkins (sa susunod ang blog kasi medyo mahaba ang comments ko sa dalawang books na iyon). Mangangalahati na ako sa “Afternoon of the Elves” ni Janet Taylor Lisle. Sumasakit lang ang mata ko kaya ako humihintong magbasa. O talagang pinapatagal ko ang pagbabasa kasi ang ganda ng prosa at ayaw ko namang matapos kaagad ang magagandang bahagi.

Pahinga ko sa pagbabasa ay pagbabasa din. Pero ng mga picture books. Nakakapahinga sa mata ang mga tekstong biswal, lalo na sa mga alon ng linya at sa mga patong ng mga kulay.

“Umbrella” ni Taro Tashima—mula sa manlilikha ng “Crow Boy”, ito ay isang mas kontemporaryo at urban na paksa ukol sa modernong batang Hapon sa US. Katangi-tangi sa aklat na ito ang paggigiit ng manlilikha ng kaniyang sariling o pambansang estetika para ipakilala sa produksiyong Kanluranin. Halaw ito sa buhay ng anak ng manunulat. Si Momo ang bida, na katulad ng maraming bata, ay gustong-gustong gamitin ang isang bagay, tulad ng payong. Tila sanaysay ang pagkakasulat pero sa marikit na pamamaraan, at padaplis ding tinalakay ang mga pagbabago ng mga panahon. Ipinakita ang pananabik ng bata sa bagong karanasan at di namamalayang pag-unlad ng kasanayan.

“When Everybody Wore a Hat” ni William Steig—Isa na namang autobiograpiya ng kilalang manlilikha ng mga picture book para sa mga bata. Taglay nito ang ispektakulo ng nakaraan (e.g., halaga ng pera, ang mga uri ng sasakyan, ang mga damit noon, pagpunta sa library, at ang buhay nila sa apartment) buhat sa rekoleksiyon ng manunulat. Ang epekto: para kinukuwentuhan ang bata ng kanilang sariling mga lolo at lola ukol sa kanilang buhay noong bata pa sila. Iyon ang lakas ng librong ito—ang handog na kuwentong personal.

“Strega Nona Takes a Vacation” ni Tomie de Paola—Sequel ng klasikong “Strega Nona.” Nakakaaliw ang panel na ipinapakita ang pagkabata ni Strega Nona. Minsan, nakakalimutan ng mga bata na dumaan din sa pagkabata ang kanilang mga lola. Ipinapaliwanag sa aklat ang halaga ng pahinga at ang pagbabakasyon sa araw-araw na gawain. Hindi na spaghetti ang bumaha sa bayan kundi mga bula ng sabon! Iyon ay dahil wala si Strega Nona. Paano kaya maiwasan ang mga ganoong aksidente? May naisip ang bida. Iyon ay isasama niya sa susunod na bakasyon ang kaniyang dalawang katuwang sina Bambolona at Big Anthony.

“Rosie’s Babies” ni Martin Waddell—Pangalawang aklat ni Waddell na nabasa ko, isang Irish na nagwagi ng Hans Christian Andersen Medal. Matimpi ang pagkakasulat ukol sa inggit ng batang si Rosie sa kaniyang sanggol na kapatid. Tulad ng “Umbrella”, nahuli ng manunulat ang kultura at sikolohiya ng bata—ang kunin ang atensiyon ng ina dahil sa inggit sa inaalagaang kapatid, sa pamamagitan ng dire-diretsong pagkukuwento. Malaki ang gampanin ng ilustrador sa aklat na ito. Kung walang biswal, hindi lubusang mabubuo ang kuwento.

“Reading Can Be Fun” ni Munro Leaf—Isang non-fiction na aklat, o isang sanaysay na may ilustrasyon ukol sa halaga ng pagbabasa, pagsusulat, at komunikasyon. Mainam na aklat ito para imbitahan ang mga bata na magbasa hindi lang para sa impormasyon kundi para sa aliw at pagpapabuti ng sariling isip.

“Wild About Books” ni Judy Sierra—Akmang ihandog ang aklat na ito kay Dr. Seuss ng mga manlilikha dahil ang kuwento, tugma, at ang tono ay halaw sa mga aklat ni Dr. Seuss. Kapuri-puri ang gamit ng pa-tulang kuwento na may tugma at pag-imbento ng mga salita na nagdudulot ng katatawanan. Sa aklat na nito, ipinapahiwatig sa mga bata ng henerasyon ngayon na masaya ang magbasa ng mga aklat.

“The Important Book” ni Margaret Wise Brown—Sa unang pagbasa, simpleng aklat ito ukol sa kalikasan ng mga bagay; ukol sa mahahalaga nitong katangian tulad ng kulay at mga hugis. Sa bandang huli, sa huling pahina, nagbibigay ito ng haplos sa batang mambabasa ukol naman sa kanilang personalidad at sariling katangian.

“A Busy Year” ni Leo Lionni—Ukol sa dalawang dagang sina Winnie at Willie na nakipagkaibigan sa punong si Woody. Ipinakita rito ang pagbabago sa buhay ng isang puno (ang pamumunga, pagkalagas ng mga dahon, ang pamumulaklak) habang itinuturo ang pagbabago ng mga panahon. Isang uri ng science story na makulay at epektibong nagpapakita sa biolohiya ng mga halaman.

“Mouse Paint” ni Ellen Stoll Walsh—Kinulang sa orihinalidad ang kuwentong ito. Marami nang kuwento ukol sa mga primary colors na makatutuklas kung paano makalikha ng secondary colors. Ginawa na ito ni Leo Lionni. Muli, kulang din sa orihinalidad ang kuwento dahil sa paggamit ng mga collage para sa tatlong dagang tauhan. Muli, nagawa na iyan ni Leo Lionni sa “Frederick” (na aking isa sa mga paborito dahil poetiko). Isa lamang ang nagustuhan ko sa mga tauhan: ang pagkakaroon nila ng kulay sa kanilang mga puwitan. Aliw na aliw ako sa imaheng iyon.

Wednesday, May 03, 2006

“Walk Two Moons” at ang aking Newbery List


Hindi pa ako binibigo ng manunulat na ito. Sa taong 2006, tatlong libro na ang nabasa kong isinulat niya: “Heartbeat” (shortlist sa Carnegie), “The Wanderer” (Newbery Honor), at itong naturang aklat na nagwagi ng Newbery Medal. Malapit nang matapos ng kalagitnaan ng taon, at masasabi kong bagong tuklas kong paborito si Creech.

Matagal na akong may kopya nitong aklat. Binili ko ang bagong kopya, tatlong taon na ang nakalipas. Nakatanggap ako ng kopya bilang regalo mula kay Dean Rose Torres-Yu, dalawang Pasko na ang nakalipas. Noong nakaraang taon, dinala ko ang kopya sa Palawan. Hindi ko nabasa dahil mas pinili kong maglagalag sa Puerto Prinsesa kaysa magkulong sa hotel, dumapa, at maglunod sa prosa ni Creech. Ngayon ko lang talaga ito binasa. Gusto kong mabawasan ang mga listahan ng hindi pa nababasa. Isang hamon din sa sarili na basahin lahat ang mga librong nagwagi ng Newbery Medal.

Pinaiyak ako ng nobelang ito. At napiga nito ang aking mga mata dahil sa mahusay na pagkakasulat, sopistikadong istruktura, at maraming layer na kuwento. Hindi ako nagsayang ng luha. Sopistikado ang nobela para sa bata pero hindi ito mahirap basahin. Sa simula, nahirapan akong makaalagwa sa naratibo. Pero pagkaraan ng ilang maiikling kabanata na tila isang sequence sa pelikula, bumilis na ang daloy ng kuwento. (Sa ngayon, gusto ko ng mga nobela na maiikli ang kabanata.) Dalawang kuwento ang tinatahak ng nobela, o baka mas marami pa: ang paglalakbay ni Salamanca, kasama ng kaniyang lolo at lola para hanapin ang kaniyang ina sa kaarawan nito. Ang isa naman ay ang paghahanap ni Phoebe ng kaniyang ina na naglayas.

Nakapokus sa ina ang kuwento at nagkataong dalawang dalagita pa ang pangunahing tauhan, kaya maituturing kong mas panig sa babaeng mambabasa ang nobela. Katangi-tangi rin ang mga babaeng tauhan sa nobela. Naalala ko ang motif ng asiwa o di mapalagay na ina o maybahay, tulad sa pelikulang “The Hours.” Naalala ko rin ang nobelang “Zigzag” dahil sa paglalakbay ng isang pamilya sa iba’t ibang estado sa US at habang naglalakbay, lumalalim ang kanilang pang-unawa sa kasaysayang pampamilya, sa kanilang sarili, at sa kapwa. Pinatunayan ng nobela na ang mahalaga sa paglalakbay ay ang karanasan at ang akto ng paglalakbay, hindi lamang ang mga destinasyon, bagamat naaliw ako bilang Pilipinong mambabasa sa mga tourist spots na hinintuan nina Salamanca tulad ng Badlands, Lake Michigan, Mt. Rushmore, at ng Old Faithful sa Yellowstone. (Naisip ko, mabuti rin sana sa pagbabasa ng Newbery books ang mag-aral ng heograpiya ng US para higit kong magustuhan ang lunan sa nobela.)

Bukod sa humor at sarkastikong deskripsiyon sa nobela, natuklasan ko rin ang gamit ng paunti-unting pagbibigay ng impormasyon para mas maging kapana-panabik ang nobela. Napagtibay din ang gamit ng misteryo, ng mga lihim, ng pagiging matimpi para tapusin ang aklat hanggang sa wakas. Gusto ko ang gamit ng mga sorpresa at pihit sa nobela: magkapatid pala sina ganito at ganyan, kasama pala niya sa aksidente at huling minuto ng buhay si ganyan, may anak pala sa pagkadalaga si ganyan, hindi pala pinatay ni ganyan ang kaniyang asawa, minsan na palang naghiwalay sina ganyan at ganito. Ang mga ito’y unti-unting bumulaga sa pagtatapos ng nobela. Gusto ko rin ang gamit ng makulay na karakter tulad ng ina ni Mrs. Cadaver (oo, iyon ang pangalan ng nurse) na bulag at matalas ang ibang pandama at siya pala ang misteryosang mensahero na nag-iiwan ng mga gintong kasabihan sa bahay ng mga Winterbottom. Minsan nitong natuklasang pumasok ng bahay sina Salamanca at Phoebe dahil sa amoy. Nasabi rin niyang may kapatid na lalaki si Phoebe dahil nang mahipo nito ang mukha ni Mike na magkahugis sila. Gustong-gusto ko rin ang eksena na nagbabasa sa dilim ang lola kasi, naka-braille ito. Maging ang masiglang pagtuturo ng English teacher sa nobela. At ang mga romantikong eksena sa buhay ni Salamanca.

Pero higit pa rito, nagustuhan ko ang mensahe ng aklat. Pero, hindi naman ibig sabihin na didaktiko ito. Pangunahing dahilan ay feminista ang nobela—may sariling isip ang mga ina sa nobela at hindi kailangang paalim sa domestisidad at sa atas ng lalaki at lipunan. Matatalino ang mga dalagitang tauhan. May sariling ambisyon ang babae, kahit matanda na. Gagawa sila ng paraan para matupad ito, tulad ng pagpunta sa isang lugar ng kaniyang pangarap. Gusto kong ang mensaheng: huwag husgahan ang isang tao hangga’t hindi mo nararanasan ang kaniyang sitwasyon. Gusto ko rin ang mensaheng, “Ano ang epekto ng iyong gagawin sa habambuhay?” May lalim ang nobela at hindi lamang nagbigay ng aliw at pantasya. At sa lalim na ito, naging kahanga-hanga ang nobela. At maituturing kong masining.

* * *

Heto ang aking report card sa Newbery Medal Books. Dalawampu (20) pa lang ang nababasa ko sa mahabang kasaysayan ng Newbery. Karamihan, mga bagong aklat pa. Hindi naman ibig sabihin nito na mamabang uri ng panitikan ang mga lumang pamagat. Ewan ko. Siguro, mas mabilis akong maakit sa mga modernong panitikan at sa mga modernong estratehiya sa pagsusulat. Sa mga nabasa, top 5 ko ang: “The Giver”, “Tale of Despereaux”, “Walk Two Moons”, “Wheel on the School” at “Out of the Dust.”

2006: Criss Cross by Lynne Rae Perkins—Hinihintay kong dumating ang aking kopya. Salamat, Yvonne! Pero babasahin ko muna ang “All Alone in the Universe.”

2005: Kira-Kira by Cynthia Kadohata—Nabasa ko na. Hmmmm, masyadong sunod sa pormula ang nobelang ito. Patong-patong na problema ng tinalakay ng aklat: diskriminasyon, kahirapan, kamatayan ng kapatid, sakit. Ngunit bagong himig na Asyano ang hatid nito sa mambabasa.

2004: The Tale of Despereaux: Being the Story of a Mouse, a Princess, Some Soup, and a Spool of Thread by Kate DiCamillo—Modernong fairytale na may dalawa (o mahigit pang) kuwento sa iisang libro. Mainam ang wikang ginamit ni DiCamillo; isang prosa na umaawit. Salamat, Yvonne, sa rekomendasyon at sa kopya.

2003: Crispin: The Cross of Lead by Avi—Nabasa ko na rin. Malinaw ang pagkakasulat at gumamit ng angkop na mga imahen. Historikal na katha pero hindi boring basahin.

2002: A Single Shard by Linda Sue Park—Nabasa ko na rin. Napakakulay ng wika at mga larawang ginamit. Napahanga ako sa historikal at antropolohikal na detalye nito.

2001: A Year Down Yonder by Richard Peck—May kopya na ako at di ko pa nababasa.

2000: Bud, Not Buddy by Christopher Paul Curtis—May kopya na ako at di ko pa nababasa.

1999: Holes by Louis Sachar—Nakakatuwa ang librong ito. Isa sa aking paborito. Kakaiba ang istruktura at disenyo ng naratibo. May lahok pang folklore.

1998: Out of the Dust by Karen Hesse—Kauna-unahang Newbery book na nabasa ko! Walang biro. Napakahusay ng mga tula sa nobela. Unang introduksiyon sa akin ng mga tula bilang nobela. Malaki ang impluwensiya nito sa pagsusulat ko ng “Anina ng mga Alon.”

1997: The View from Saturday by E.L. Konigsburg—Mainam din ang istruktura ng nobela. Sopistikado ang disenyo. Pero nalimutan ko na ang nilalaman.

1996: The Midwife's Apprentice by Karen Cushman—Tulad ng “Single Shard”, nagustuhan ko rin ng historikal na detalye nito. Tulad din ng “Crispin”, nasa hulma ito ng apprenticeship to the master motif.

1995: Walk Two Moons by Sharon Creech—Napaiyak ako ng nobelang ito. At ito ang kauna-unahang nobelang pambata na nagpaiyak sa akin. Mga tatlong minuto ang pagdaloy ng luha. Epektibo ang storytelling sa loob ng storytelling. Kung pelikula ito, maikakategorya ito bilang road movie. Kauri rin ito ng “Zig Zag” ni Ellen Wittlinger.

1994: The Giver by Lois Lowry—Napakayamang imahinasyon ng manunulat na ito. Futuristic na nobela na polido ang pagkakasulat. Dapat ko itong basahing muli.

1993: Missing May by Cynthia Rylant—May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1992: Shiloh by Phyllis Reynolds Naylor— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1991: Maniac Magee by Jerry Spinelli—May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1990: Number the Stars by Lois Lowry—Malayo kung ikukumpara sa “The Giver” niya. Pero bilang historikal na katha, mataas na uri ito. Isang holocaust na nobela, bagay na kinagiliwan ko ilang taon na ang nakalipas.

1989: Joyful Noise: Poems for Two Voices by Paul Fleischman—Koleksiyon ng mga tula ukol sa mga insekto. Magaan ang pagkakasulat at ang mga guhit.

1988: Lincoln: A Photobiography by Russell Freedman—Wala akong balak basahin.

1987: The Whipping Boy by Sid Fleischman—May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1986: Sarah, Plain and Tall by Patricia MacLachlan—Maikling nobela, matipid na pagkakasulat, epektibong pagkatha, mabisa ang dating sa emosyon.

1985: The Hero and the Crown by Robin McKinley—May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1984: Dear Mr. Henshaw by Beverly Cleary—Magaang basahin, magaan ang pagkakasulat sa wika at emosyon ng bata. May sipa sa emosyon.

1983: Dicey's Song by Cynthia Voigt— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1982: A Visit to William Blake's Inn: Poems for Innocent and Experienced Travelers by Nancy Willard—Gusto kong mabasa. Hindi ko mahanap sa Booksale.

1981: Jacob Have I Loved by Katherine Paterson—May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1980: A Gathering of Days: A New England Girl's Journal, 1830-1832 by Joan W. Blos—May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1979: The Westing Game by Ellen Raskin—Sopistikadong mystery. Binasa ko pagkaraang mabasa ang “Chasing Vermeer.” Hindi gaanong memorable sa akin ang kuwento.

1978: Bridge to Terabithia by Katherine Paterson—Emosyonal na kuwento pero hindi ako naiyak. Gusto ko ang ideya ng nilikhang lugar, pero hindi nagmarka sa akin ang nobela. Kulang yata sa progreso ng kuwento ang aklat na ito.

1977: Roll of Thunder, Hear My Cry by Mildred D. Taylor— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1976: The Grey King by Susan Cooper— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1975: M. C. Higgins, the Great by Virginia Hamilton— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1974: The Slave Dancer by Paula Fox— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1973: Julie of the Wolves by Jean Craighead George— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1972: Mrs. Frisby and the Rats of NIMH by Robert C. O'Brien— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1971: Summer of the Swans by Betsy Byars— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1970: Sounder by William H. Armstrong— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1969: The High King by Lloyd Alexander— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1968: From the Mixed-Up Files of Mrs. Basil E. Frankweiler by E.L. Konigsburg—Binasa ko rin pagkatapos basahin ang “Chasing Vermeer.” Nagustuhan ko ang adventure ng dalawang bata na tumakas at pumunta sa Metropolitan Museum.

1967: Up a Road Slowly by Irene Hunt— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1966: I, Juan de Pareja by Elizabeth Borton de Trevino—Wala pa akong kopya.

1965: Shadow of a Bull by Maia Wojciechowska— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1964: It's Like This, Cat by Emily Neville— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1963: A Wrinkle in Time by Madeleine L'Engle—Kakaibang imahinasyon; kaibig-ibig ang mga batang tauhan, at kaibig-ibig na pamilya. Hindi ko nagustuhan ang huli na didaktiko ang nilalaman.

1962: The Bronze Bow by Elizabeth George Speare— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1961: Island of the Blue Dolphins by Scott O'Dell—Muli, gusto ko ang antropolohikal na detalye, maging ang historikal nitong pananaliksik. Gusto ko rin ang pakikipagsapalaran ng batang babae sa isla at ang kaniyang pakikipagkaibigan sa mga aso sa islang ito.

1960: Onion John by Joseph Krumgold—Wala pa akong kopya. Pero hindi ko naman yata balak basahin.

1959: The Witch of Blackbird Pond by Elizabeth George Speare— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1958: Rifles for Watie by Harold Keith—Wala akong balak basahin.

1957: Miracles on Maple Hill by Virginia Sorenson—Wala ring balak basahin.

1956: Carry On, Mr. Bowditch by Jean Lee Latham—Wala akong balak basahin.

1955: The Wheel on the School by Meindert DeJong—Klasikong nobelang pambata. Kahanga-hanga ang pagkakasulat ni DeJong! Ito ang pamantayan ng mahusay na pagsusulat.

1954: ...And Now Miguel by Joseph Krumgold—Wala pa akong kopya.

1953: Secret of the Andes by Ann Nolan Clark—Wala pa akong kopya. Ito ang nobelang tumalo sa paborito kong “Charlotte’s Web” sa Newbery! Parang hindi ko matanggap.

1952: Ginger Pye by Eleanor Estes—Wala pa akong kopya. Di ko rin naman babasahin

1951: Amos Fortune, Free Man by Elizabeth Yates—Wala akong balak basahin.

1950: The Door in the Wall by Marguerite de Angeli— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1949: King of the Wind by Marguerite Henry—Ayokong basahin. Hindi ko gusto ng mga kabayo sa nobelang pambata. Hindi ako makarelate.

1948: The Twenty-One Balloons by William Pène du Bois— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1947: Miss Hickory by Carolyn Sherwin Bailey—Wala akong balak basahin.

1946: Strawberry Girl by Lois Lenski—Wala pa akong kopya. Naintriga ako sa nobelang ito. Nabanggit ito sa pelikulang “You’ve Got Mail.”

1945: Rabbit Hill by Robert Lawson— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1944: Johnny Tremain by Esther Forbes— May kopya na ako, di ko pa nababasa. Babasahin ko ba ito?

1943: Adam of the Road by Elizabeth Janet Gray—Wala akong balak basahin.

1942: The Matchlock Gun by Walter Edmonds—Wala akong balak basahin.

1941: Call It Courage by Armstrong Sperry—Wala akong balak basahin

1940: Daniel Boone by James Daugherty—Ano ito? Wala akong balak basahin.

1939: Thimble Summer by Elizabeth Enright—Ano ito?

1938: The White Stag by Kate Seredy—Wala akong balak basahin.

1937: Roller Skates by Ruth Sawyer— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1936: Caddie Woodlawn by Carol Ryrie Brink—Gusto kong mabasa kapag nakakita ako ng magandang kopya.

1935: Dobry by Monica Shannon—Ano ito?

1934: Invincible Louisa: The Story of the Author of Little Women by Cornelia Meigs—Wala akong balak basahin.

1933: Young Fu of the Upper Yangtze by Elizabeth Lewis— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1932: Waterless Mountain by Laura Adams Armer—Wala akong balak basahin.

1931: The Cat Who Went to Heaven by Elizabeth Coatsworth— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1930: Hitty, Her First Hundred Years by Rachel Field— May kopya na ako, di ko pa nababasa.


1929: The Trumpeter of Krakow by Eric P. Kelly—Wala pa akong kopya.

1928: Gay Neck, the Story of a Pigeon by Dhan Gopal Mukerji—Ang pangit ng title, hindi ko yata babasahin.

1927: Smoky, the Cowhorse by Will James—Kuwentong kabayo ulit? Di ko babasahin.

1926: Shen of the Sea by Arthur Bowie Chrisman— May kopya na ako, di ko pa nababasa.

1925: Tales from Silver Lands by Charles Finger—Wala pa akong kopya.

1924: The Dark Frigate by Charles Hawes—Wala pa akong kopya.

1923: The Voyages of Doctor Dolittle by Hugh Lofting—Wala pa akong kopya

1922: The Story of Mankind by Hendrik Willem van Loon—Di ko yata babasahin. History book yata ito. Textbook ang pagkakasulat.

“The Wright 3” at “Danny The Champion of the World”


Bawat pagbili ko ng libro ay may kasaysayan. Iyong “The Wright 3” ay binili ko para sa aking nakaraang kaarawan. Sinabi ko na kailangan ko namang bumili ng “bago” para sa sarili ko. Halos isang buwan ang nakalipas, nabasa ko na rin. Naalala ko pa ang text ko sa kaibigan, “Maganda ba ang review nito?” Nagtextback siya na “formulaic” daw ang libro, ayon sa mga review ng Amazon. Sabi ko, wala akong pakialam kung formulaic. Basta masaya itong basahin. Saka, may reputasyon na si Blue Balliet sa kaniyang “Chasing Vermeer” na nagustuhan ko.

Binili ko naman ang “Danny The Champion of the World”, sa gitna ng debate’t talakayan kung ano ba ang pinakamagandang aklat ni Roald Dahl para sa mga bata. Sabi ng ilan, “Charlie and the Chocolate Factory” daw. Sabi naman ng iba, “James and the Giant Peach,” “BFG” at “ Matilda.” Pero may ilang experto ang nagsabing itong naturang libro daw. Maganda ang pagkakasulat, naging bahagi ng kanilang kabataan, at tumatalakay sa ugnayang mag-ama. Kaya, hinanap ko ang sariling kopya. Nabili ko ito noong Setyembre o Oktubre yata. Tinangka kong basahin noong Marso. Nakapagbasa ng ilang kabanata. Binitawan ng ilang linggo. At ngayon, natapos na rin.

Hindi naman ako nagsayang ng oras sa pagbabasa ng dalawang librong ito. Sa “The Wright 3”, tinanggap kong formulaic ang aklat. May sinusundan itong kombensiyon ng mystery na para sa bata. Marami itong mga piraso ng impormasyon na ikinakalat sa mga bahagi ng nobela at sa bandang huli ay maipagtatagni para malutas ang misteryo. Hindi naman mababang uri ito ng literatura. Hitik sa pananaliksik sa arkitektura, sa Chicago, sa Robie House, at kay Frank Lloyd Wright ang sumulat. Hindi ginawang bobo ng manunulat ang kaniyang mambabasa. Litaw ang kaniyang paninindigan sa pangangalaga ng mga sining, partikular na sa mga bagay na hindi aakalaing sining tulad ng lumang bahay. Nakaugnay ako sa nobela dahil matagal ko na ring suliranin ito sa aking lipunan. Sa Pilipinas, tila walang pagpapahalaga sa mga lumang istruktura. Sa halip na pangalagaan, tinitibag ito at pinababayaan. Hindi ko malimutan ang usapan namin ng aking kaibigan ukol sa Mehan Garden na ginawang carpark, ang tutuban na ginawang mall, ang simbahan sa Taal na may Jollibee, ang Intramuros na may Starbucks, ang tinibag na Jai Alai Building, at ang pinabayaan nang Metropolitan Theater. Sa UP Diliman din, may ginawang kulungan ng ibon sa CDC si Napoleon Abueva, isang National Artist, na ipinasira ng isang faculty na walang alam sa arkitektura at sining, dahil daw lungga ito ng mikrobyo. Sa madaling sabi, nagustuhan ko ang “The Wright 3” dahil sa proteksiyon sa Robie House, sa pagtutulungan ng tatlong batang magkakaklase. Kapuri-puri ang eksena ng demonstrasyon sa harap ng titibaging Robie House, sa pangunguna ng mga bata na hinati ang mga kilalang painting (poster lang ito) sa harap ng publiko. Plano kasing hati-hatiin ang bahay at ilagak sa mga kilalang museo. Sabi ng mga bata, “paano kung hati-hatiin ang isang painting, buo pa kaya iyon?” Murder ang tawag nila dito, murder sa sining. Naibigan ko rin ang nobela sa paglikha nito ng mga matatalinong batang tauhan. Kapuri-puri rin ang pacing nito. Magaang basahin pero hindi magaan ang pagkakalikha. Ibig sabihin, may lebel ito ng sopistikasyon, tulad ng tunggalian ng tatlong bata bago sila mabuo bilang Wright 3. Sariwa ang gamit ng misteryo. Nagkataong gusto ko ang detalye ng pagiging buhay na sining, ang gamit ng talisman, ang pagbabasa ng mga senyal sa paligid, ang reperensiya sa aklat.

Dagdag pa, sa librong ito ni Blue Balliet, parang gusto kong mag-aaral sa University of Chicago. Naisip ko rin, katulad ako ng tatlong tauhan sa nobela. Pare-pareho kaming nakatira sa loob ng unibersidad at pare-pareho kaming malapit sa mga luma at interesanteng istruktura sa paligid.

Magaan ding basahin ang aklat na “Danny The Champion of the World” ni Dahl. Magaan kasi masarap basahin, may eksenang katatawanan, at lohikal ang daloy ng mga aksiyon. Tulad ng kay Balliet, nakalikha ang autor ng isang batang may sariling pag-iisip at hindi umaangkas sa munting kadakilaan ng matatanda. Mangyari, nakaimbento si Danny ng paraan para madaling mahuli ang maraming bilang ng ibon, na walang lilikhaing ingay. Tulad ng “Charlie and the Chocolate Factory”, tinalakay sa nobela ang kahirapan. Hanggang ngayon, hindi ako makapaniwala na sa isang first world na bansa, may mahihirap na lugar. Tinalakay din dito ang tila kawalang-katarungan sa distribusyon ng yaman—habang naghihirap ang mga nasa kanayunan, may isang mayamang pinakakain at pinabubundat ang alagang pheasant para sa sariling aliwan. Dito nagsimula ang lihim na luho ng ama ni Danny. May mga gabing lumalabas ito ng bahay para manghuli ng pheasant ng isang mayaman. Magugustuhan ng mga Marxista ang kuwento ito, gayong talagang pilyo ang mag-ama at ang ilang lihim na kaaway ng may kapangyarihan. Naibigan ko rin ng mga eksena ng matamis na ugnayang mag-ama: ang kanilang kuwentuhan, ang kanilang mga lihim, ang kanilang mga lakad, ang kanilang parehong kapilyuhan. Nagustuhan ko ring hindi astang matanda ang tauhang matanda sa nobela. Hindi perpekto ang matanda. Hindi ito modelo ng kabutihang-asal. Pero naisip ko, kakaibang magalit si Dahl sa mga salbaheng tauhan. Kung salbahe ang tauhan (tulad ng mga salbaheng tauhan na prinsipal sa “Matilda”, dalawang pangit na tiyahin sa “James” at ang makukulit na bata sa “Chocolate”), makararanas ito ng matinding kalupitan. Naibigan ko rin sa kuwento ang pagmamanehong mag-isa ni Danny mula sa kanilang bahay patungo sa kakahuyan. Isang sangkap ito ng panitikang pambata na nabibigyan ng pagkakataon ang batang tauhan na makaranas ng mga bagay na aakalaing pangmatanda lamang.

Tuesday, May 02, 2006

Bagong Panuntunan, Isang Eksena sa NBS Quezon Ave.


May bago akong naisip. Para mabili ko ang librong gustong-gusto kong mabili, magbabasa ako ng mga librong kasinghalaga ng librong iyon sa bookstore. Kahit nakabalot pa ng supot ang mga picture book, dahan-dahan, parang walang gagawing masama, bubuksan ko iyon at babasahin. Wala namang nakaanunsiyo na ipinagbabawal iyon. Sa alam ko, mga magasin ang bawal basahin.

Heto ang aking binasa:

“Bears” ni Ruth Krauss at guhit ni Maurice Sendak—Tampok dito si Max ng “Where the Wild Things Are”, maging ang mga bears ni Krauss ay nagmistulang wild things n Sendak. Bagong interpretasyon ito ni Sendak sa lumang kuwento. Nagsimula ang kuwento sa pagtangay ng alagang aso ng teddy bear at ang paghabol dito ni Max. Walang pangalan ang bata. Tinawag ko lang na Max dahil magkamukha sila sa isang likha. Sa habulan, naipakita ang mga higanteng bears sa paligid, na iba’t iba ang ginagawa. Kakaunting salita ang ginamit. At malaki ang tungkulin ni Sendak para mabuo ang aklat.

“Cloud Boy” ni Rhode Montijo—Isang picture book na pumukaw sa aking pansin dahil sa malamig nitong kulay—sky blue at puti (siyempre, dahil tungkol ito sa batang ulap). Malungkot ang batang ulap. Isang araw, nakakita siya ng paru-paro sa tabi niya. Dito nagsimula ang kaniyang unti-unting pagsaya. Mula sa paglikha ng ganda, pinaligaya niya ang sarili. Lumilok siya ng mga bagay na maganda, munti at dakila mula sa mga ulap. At mula sa pagbabahagi ng gandang iyon, higit pang nakaramdam ang bata ng kasiyahan at katuparan ng sarili. Gayong nagustuhan ko ang aklat dahil sa mga kulay, sa hugis, at sa karakter, magtataka ako kung magugustuhan ng bata ang mensahe: paglikha para sa kapwa. Sinabi naman ni Montijo na personal niyang proyekto ito. Minsan, nababahiran ng personal na layunin ang isang proyekto na dapat sana ay para sa mga batang mambabasa.

“Friends” by Helme Heine—Kuwento ng magkakaibigang tandang, daga, at baboy na ipinapakita ang kanilang pagsasamahan, paglalakbay, paglalaro, at pagtutulungan. Gusto ko ang pangyayari sa sirang bangka na mapaandar nila sa lawa-lawaan dahil sa pagtutulungan. Koleksiyon ito ng mga eksena ng kanilang pagkakaibigan. Umakyat ang lebel ng kuwento nang matatapos na ang kanilang araw. Mapaghihiwalay kaya sila sa pagtulog? Gustuhin man, di sila makapasok sa maliit na tahanan ng daga. Hindi nila matiis ang amoy sa kural ng baboy. Sumilong sila sa tahanan ng tandang pero nabali ang sanga! Nagkahiwa-hiwalay sila sa pagtulog. Pero, at ito ang isa sa pinakagusto kong eksena sa akdang pambata, magkakasama sila sa panaginip!

“Journey Cake, Ho!” ni Ruth Sawyer at guhit ni Robert McCloskey—Picture book (Caldecott Honor) na binili ko pero ngayon lamang nabasa. Isa itong aklat na hango sa folklore ng Amerika. Ang ganitong uri ng aklat ang nagpapaalala sa akin ng mga lumang aklat pambata sa library sa elementary. Kaya siguro binili ko. Old-fashioned ang mga larawan, kasi hindi pa ako pinapanganak, nailimbag na ito. Mas matanda pa yata sa aking magulang. Tungkol ito sa kahirapan sa isang tahanan. Nawala ang mga hayop na nagbibigay ng pagkain, ninakaw yata o naglayas. Sa kahirapan, pinalayas ng mag-asawa ang kanilang anak yata o katulong na si Johnny. Elemento talaga ito ng folklore. Pinapalayas ang isang bata sa matinding kahirapan. Sa pag-alis ni Johnny sa bahay, pinabaunan siya ng mga gamit. Isa na rito ang journey cake. Pero imbes na kainin, gumulong-gulong itong bibingka. Dito nagsimula ang salamangka: hinabol ito si Johnny, ng mga manok, ng baka, ng donkey, ng baboy, ng puti at itim na tupa. Hanggang makarating muli sa bahay. Laking tuwa ng mag-asawa sa pagbabalik ni Johnny. Napuno muli ng hayop ang kanilang tahanan. Dahil folklore, hindi empowered ang batang tauhan. Kasama lamang siya sa pangyayaring mahiwaga. Pero sa palagay ko, sapat na ang hiwagang ito para magbigay ng aliw sa batang mambabasa.

P.S.
Sa tatlong aklat, lumagpas na ako sa halaga ng gustong bilihing aklat. Sobra-sobra na nga. Kaso, naalala ko aking reading list bago bumili ng anupamang aklat.

Hindi ko binili ang gustong-gustong aklat. Sabi ko sa sarili, baka naman overhyped lang iyon. O nadaan sa blitz marketing. Sana mahintay ko sa paperback.