Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Sunday, May 07, 2006

Weekend Readings


Natapos ko nang basahin ang “Keesha’s House” ni Helen Frost at “All Alone in the Universe” ni Lynne Perkins (sa susunod ang blog kasi medyo mahaba ang comments ko sa dalawang books na iyon). Mangangalahati na ako sa “Afternoon of the Elves” ni Janet Taylor Lisle. Sumasakit lang ang mata ko kaya ako humihintong magbasa. O talagang pinapatagal ko ang pagbabasa kasi ang ganda ng prosa at ayaw ko namang matapos kaagad ang magagandang bahagi.

Pahinga ko sa pagbabasa ay pagbabasa din. Pero ng mga picture books. Nakakapahinga sa mata ang mga tekstong biswal, lalo na sa mga alon ng linya at sa mga patong ng mga kulay.

“Umbrella” ni Taro Tashima—mula sa manlilikha ng “Crow Boy”, ito ay isang mas kontemporaryo at urban na paksa ukol sa modernong batang Hapon sa US. Katangi-tangi sa aklat na ito ang paggigiit ng manlilikha ng kaniyang sariling o pambansang estetika para ipakilala sa produksiyong Kanluranin. Halaw ito sa buhay ng anak ng manunulat. Si Momo ang bida, na katulad ng maraming bata, ay gustong-gustong gamitin ang isang bagay, tulad ng payong. Tila sanaysay ang pagkakasulat pero sa marikit na pamamaraan, at padaplis ding tinalakay ang mga pagbabago ng mga panahon. Ipinakita ang pananabik ng bata sa bagong karanasan at di namamalayang pag-unlad ng kasanayan.

“When Everybody Wore a Hat” ni William Steig—Isa na namang autobiograpiya ng kilalang manlilikha ng mga picture book para sa mga bata. Taglay nito ang ispektakulo ng nakaraan (e.g., halaga ng pera, ang mga uri ng sasakyan, ang mga damit noon, pagpunta sa library, at ang buhay nila sa apartment) buhat sa rekoleksiyon ng manunulat. Ang epekto: para kinukuwentuhan ang bata ng kanilang sariling mga lolo at lola ukol sa kanilang buhay noong bata pa sila. Iyon ang lakas ng librong ito—ang handog na kuwentong personal.

“Strega Nona Takes a Vacation” ni Tomie de Paola—Sequel ng klasikong “Strega Nona.” Nakakaaliw ang panel na ipinapakita ang pagkabata ni Strega Nona. Minsan, nakakalimutan ng mga bata na dumaan din sa pagkabata ang kanilang mga lola. Ipinapaliwanag sa aklat ang halaga ng pahinga at ang pagbabakasyon sa araw-araw na gawain. Hindi na spaghetti ang bumaha sa bayan kundi mga bula ng sabon! Iyon ay dahil wala si Strega Nona. Paano kaya maiwasan ang mga ganoong aksidente? May naisip ang bida. Iyon ay isasama niya sa susunod na bakasyon ang kaniyang dalawang katuwang sina Bambolona at Big Anthony.

“Rosie’s Babies” ni Martin Waddell—Pangalawang aklat ni Waddell na nabasa ko, isang Irish na nagwagi ng Hans Christian Andersen Medal. Matimpi ang pagkakasulat ukol sa inggit ng batang si Rosie sa kaniyang sanggol na kapatid. Tulad ng “Umbrella”, nahuli ng manunulat ang kultura at sikolohiya ng bata—ang kunin ang atensiyon ng ina dahil sa inggit sa inaalagaang kapatid, sa pamamagitan ng dire-diretsong pagkukuwento. Malaki ang gampanin ng ilustrador sa aklat na ito. Kung walang biswal, hindi lubusang mabubuo ang kuwento.

“Reading Can Be Fun” ni Munro Leaf—Isang non-fiction na aklat, o isang sanaysay na may ilustrasyon ukol sa halaga ng pagbabasa, pagsusulat, at komunikasyon. Mainam na aklat ito para imbitahan ang mga bata na magbasa hindi lang para sa impormasyon kundi para sa aliw at pagpapabuti ng sariling isip.

“Wild About Books” ni Judy Sierra—Akmang ihandog ang aklat na ito kay Dr. Seuss ng mga manlilikha dahil ang kuwento, tugma, at ang tono ay halaw sa mga aklat ni Dr. Seuss. Kapuri-puri ang gamit ng pa-tulang kuwento na may tugma at pag-imbento ng mga salita na nagdudulot ng katatawanan. Sa aklat na nito, ipinapahiwatig sa mga bata ng henerasyon ngayon na masaya ang magbasa ng mga aklat.

“The Important Book” ni Margaret Wise Brown—Sa unang pagbasa, simpleng aklat ito ukol sa kalikasan ng mga bagay; ukol sa mahahalaga nitong katangian tulad ng kulay at mga hugis. Sa bandang huli, sa huling pahina, nagbibigay ito ng haplos sa batang mambabasa ukol naman sa kanilang personalidad at sariling katangian.

“A Busy Year” ni Leo Lionni—Ukol sa dalawang dagang sina Winnie at Willie na nakipagkaibigan sa punong si Woody. Ipinakita rito ang pagbabago sa buhay ng isang puno (ang pamumunga, pagkalagas ng mga dahon, ang pamumulaklak) habang itinuturo ang pagbabago ng mga panahon. Isang uri ng science story na makulay at epektibong nagpapakita sa biolohiya ng mga halaman.

“Mouse Paint” ni Ellen Stoll Walsh—Kinulang sa orihinalidad ang kuwentong ito. Marami nang kuwento ukol sa mga primary colors na makatutuklas kung paano makalikha ng secondary colors. Ginawa na ito ni Leo Lionni. Muli, kulang din sa orihinalidad ang kuwento dahil sa paggamit ng mga collage para sa tatlong dagang tauhan. Muli, nagawa na iyan ni Leo Lionni sa “Frederick” (na aking isa sa mga paborito dahil poetiko). Isa lamang ang nagustuhan ko sa mga tauhan: ang pagkakaroon nila ng kulay sa kanilang mga puwitan. Aliw na aliw ako sa imaheng iyon.