“The Wright 3” at “Danny The Champion of the World”
Bawat pagbili ko ng libro ay may kasaysayan. Iyong “The Wright 3” ay binili ko para sa aking nakaraang kaarawan. Sinabi ko na kailangan ko namang bumili ng “bago” para sa sarili ko. Halos isang buwan ang nakalipas, nabasa ko na rin. Naalala ko pa ang text ko sa kaibigan, “Maganda ba ang review nito?” Nagtextback siya na “formulaic” daw ang libro, ayon sa mga review ng Amazon. Sabi ko, wala akong pakialam kung formulaic. Basta masaya itong basahin. Saka, may reputasyon na si Blue Balliet sa kaniyang “Chasing Vermeer” na nagustuhan ko.
Binili ko naman ang “Danny The Champion of the World”, sa gitna ng debate’t talakayan kung ano ba ang pinakamagandang aklat ni Roald Dahl para sa mga bata. Sabi ng ilan, “Charlie and the Chocolate Factory” daw. Sabi naman ng iba, “James and the Giant Peach,” “BFG” at “ Matilda.” Pero may ilang experto ang nagsabing itong naturang libro daw. Maganda ang pagkakasulat, naging bahagi ng kanilang kabataan, at tumatalakay sa ugnayang mag-ama. Kaya, hinanap ko ang sariling kopya. Nabili ko ito noong Setyembre o Oktubre yata. Tinangka kong basahin noong Marso. Nakapagbasa ng ilang kabanata. Binitawan ng ilang linggo. At ngayon, natapos na rin.
Hindi naman ako nagsayang ng oras sa pagbabasa ng dalawang librong ito. Sa “The Wright 3”, tinanggap kong formulaic ang aklat. May sinusundan itong kombensiyon ng mystery na para sa bata. Marami itong mga piraso ng impormasyon na ikinakalat sa mga bahagi ng nobela at sa bandang huli ay maipagtatagni para malutas ang misteryo. Hindi naman mababang uri ito ng literatura. Hitik sa pananaliksik sa arkitektura, sa Chicago, sa Robie House, at kay Frank Lloyd Wright ang sumulat. Hindi ginawang bobo ng manunulat ang kaniyang mambabasa. Litaw ang kaniyang paninindigan sa pangangalaga ng mga sining, partikular na sa mga bagay na hindi aakalaing sining tulad ng lumang bahay. Nakaugnay ako sa nobela dahil matagal ko na ring suliranin ito sa aking lipunan. Sa Pilipinas, tila walang pagpapahalaga sa mga lumang istruktura. Sa halip na pangalagaan, tinitibag ito at pinababayaan. Hindi ko malimutan ang usapan namin ng aking kaibigan ukol sa Mehan Garden na ginawang carpark, ang tutuban na ginawang mall, ang simbahan sa Taal na may Jollibee, ang Intramuros na may Starbucks, ang tinibag na Jai Alai Building, at ang pinabayaan nang Metropolitan Theater. Sa UP Diliman din, may ginawang kulungan ng ibon sa CDC si Napoleon Abueva, isang National Artist, na ipinasira ng isang faculty na walang alam sa arkitektura at sining, dahil daw lungga ito ng mikrobyo. Sa madaling sabi, nagustuhan ko ang “The Wright 3” dahil sa proteksiyon sa Robie House, sa pagtutulungan ng tatlong batang magkakaklase. Kapuri-puri ang eksena ng demonstrasyon sa harap ng titibaging Robie House, sa pangunguna ng mga bata na hinati ang mga kilalang painting (poster lang ito) sa harap ng publiko. Plano kasing hati-hatiin ang bahay at ilagak sa mga kilalang museo. Sabi ng mga bata, “paano kung hati-hatiin ang isang painting, buo pa kaya iyon?” Murder ang tawag nila dito, murder sa sining. Naibigan ko rin ang nobela sa paglikha nito ng mga matatalinong batang tauhan. Kapuri-puri rin ang pacing nito. Magaang basahin pero hindi magaan ang pagkakalikha. Ibig sabihin, may lebel ito ng sopistikasyon, tulad ng tunggalian ng tatlong bata bago sila mabuo bilang Wright 3. Sariwa ang gamit ng misteryo. Nagkataong gusto ko ang detalye ng pagiging buhay na sining, ang gamit ng talisman, ang pagbabasa ng mga senyal sa paligid, ang reperensiya sa aklat.
Dagdag pa, sa librong ito ni Blue Balliet, parang gusto kong mag-aaral sa University of Chicago. Naisip ko rin, katulad ako ng tatlong tauhan sa nobela. Pare-pareho kaming nakatira sa loob ng unibersidad at pare-pareho kaming malapit sa mga luma at interesanteng istruktura sa paligid.
Magaan ding basahin ang aklat na “Danny The Champion of the World” ni Dahl. Magaan kasi masarap basahin, may eksenang katatawanan, at lohikal ang daloy ng mga aksiyon. Tulad ng kay Balliet, nakalikha ang autor ng isang batang may sariling pag-iisip at hindi umaangkas sa munting kadakilaan ng matatanda. Mangyari, nakaimbento si Danny ng paraan para madaling mahuli ang maraming bilang ng ibon, na walang lilikhaing ingay. Tulad ng “Charlie and the Chocolate Factory”, tinalakay sa nobela ang kahirapan. Hanggang ngayon, hindi ako makapaniwala na sa isang first world na bansa, may mahihirap na lugar. Tinalakay din dito ang tila kawalang-katarungan sa distribusyon ng yaman—habang naghihirap ang mga nasa kanayunan, may isang mayamang pinakakain at pinabubundat ang alagang pheasant para sa sariling aliwan. Dito nagsimula ang lihim na luho ng ama ni Danny. May mga gabing lumalabas ito ng bahay para manghuli ng pheasant ng isang mayaman. Magugustuhan ng mga Marxista ang kuwento ito, gayong talagang pilyo ang mag-ama at ang ilang lihim na kaaway ng may kapangyarihan. Naibigan ko rin ng mga eksena ng matamis na ugnayang mag-ama: ang kanilang kuwentuhan, ang kanilang mga lihim, ang kanilang mga lakad, ang kanilang parehong kapilyuhan. Nagustuhan ko ring hindi astang matanda ang tauhang matanda sa nobela. Hindi perpekto ang matanda. Hindi ito modelo ng kabutihang-asal. Pero naisip ko, kakaibang magalit si Dahl sa mga salbaheng tauhan. Kung salbahe ang tauhan (tulad ng mga salbaheng tauhan na prinsipal sa “Matilda”, dalawang pangit na tiyahin sa “James” at ang makukulit na bata sa “Chocolate”), makararanas ito ng matinding kalupitan. Naibigan ko rin sa kuwento ang pagmamanehong mag-isa ni Danny mula sa kanilang bahay patungo sa kakahuyan. Isang sangkap ito ng panitikang pambata na nabibigyan ng pagkakataon ang batang tauhan na makaranas ng mga bagay na aakalaing pangmatanda lamang.
<< Home