Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Friday, July 21, 2006

2006 National Children's Book Day


Tuwing ikatlong Martes ng Hulyo, ginaganap ang National Children's Book Day sa bansa bilang paggunita sa pagkakalathala ng "Ang Pagong at ang Matsing" ni Dr. Jose Rizal sa "Trubner's Oriental Record" sa London. Bilang pagdiriwang sa alaalang ito, ang mga manunulat para sa kabataan ay nag-aalay din ng kanilang mga aklat para sa bagong henerasyon ng mambabasa. Naglunsad ako ng tatlong aklat ngayong taon: "Mga Selyo ni Lolo Benicio", "May Alaga akong Butanding" at "Mariang Sinukuan: Ang Diwatang Tagapag-ingat ng Bundok Arayat" na inilathala ng Vibal Publishing. Kasama sa larawang ito sina Dr. Lalaine Yanilla-Aquino at Prof. Heidi Abad na kapwa guro sa Kolehiyo ng Arte at Literatura at kasamahang panelist-mentor sa 1st FEU Tamaraw Writeshop for Children's Literature sa Baguio noong nakaraang Abril. (Larawang kuha ni Bb. Zarah Gagatiga ng PBBY. Salamat.)

Thursday, July 20, 2006

Paglalakad

Kaytagal ko nang pinagmumunihan ang silbi sa akin ng paglalakad.
Lakad ako nang lakad, paikot-ikot para matanggal ang malagkit na pagkakakapit ng taba sa aking kalamnan.
Lakad ako nang lakad na walang eksaktong destinasyon. Hindi ako tulad ng ilang manlalakbay na tukoy ang mga lugar na pupuntahan.
Ngayon, batid ko na ang halaga ng aking paglalakad.

Para sa aking puso.

Thursday, July 13, 2006

Tuwing umuulan, masarap tumula-tula

Sayang naman ang romansa ng panahon kaya heto, nakasulat ako ng dalawang tula. Hindi pa ito pino, nahihiya pa akong tawaging "tula" pero gusto kong paniwalain na nagsulat nga ako ng "tula". Nakakainspire talaga ang bugso ng mga tubig at ang lamig na dulot nito. May sariwa itong naidulot sa akin. Nagising kaya ako? Ewan. Ang tatlong tula ay para kay C. Sana, magustuhan niya. Utang ko sa kaniya ang karanasang ng persona sa tula.

***

Alamat ng Punong Kabalyero

Unti-unti nang nalalagas
ang mga pulang talulot ng punong kabalyero.
Tapos na ang tag-araw
at ngayon, buwan ng Hunyo,
may naghihingalong baga sa aking paanan—
sinisimot ng hamog ang kaniyang sidhi
habang binubuhay ng mga diyoses ng lagablab
ang nalalabi pang tingkad.
(Kagila-gilalas, sa isip ko,
ang kamatayan ng mga duguang bulaklak
ay nagsilang ng isang alamat.)
Maaari kayang pinag-alab ang mga talulot
ng mga pulang-pulang pagnanasang pinaslang,
pinaslang dahil hindi mabibigyang-ngalan?
Tumilamsik kaya ang dugo, umagos at nalikom sa kung anong antas
Ng lihim na dagat-dagatan sa kailaliman ng mundo?
Nais ko’y angkinin ang mga talulot,
Ako itong kabalyerong laging nangangarap
Ng mga tanghaling-tapat ng mga tag-araw;
Mapaso man itong hubad na palad
bago pa man maagnas ang kanilang angking ningas.

Hunyo 29, 2006

***

Itong pagbubukas ng pinto

Matagal ko nang isinusumpa ang pagbubukas ng mga pinto.
Minsan nang bumigay ang susi sa aking pagsuko
na may gabing ako ang hinihintay at pagbubuksan.
May kung anong bumabara sa lagusan
kaya pinagpapawisan ako sa tuwing nagmamadaling
umuwi para salubungin ang mga pusa nating naglalambing
at pagkaraa’y hihilata sa kamang may marka
ng ating pinagsaluhang pananaginip at pagkakahimbing.
Kanina, matapos ang muling mahuli ang sariling
binabakas ng iyong mukha sa kawalan,
mas naramdaman ko ang hirap nitong pagsuong.
Batid kong batid mong kalilinis lamang ng bahay.
Maganda ang isasalubong sa iyo ng makintab na sahig,
puting dingding ng banyo, bagong-labang kobrekama,
at kakakabit na kurtina. Batid kong ngiti ang iyong isasalubong
sa bawat hakbang papaloob sa ating mga pinagdikit na kahon.

Ngayon, hinahanap ko ang bukas na telebisyon
na naglalako ng mga hungkag na aliwan,
ang mga hiyaw ng tila batang nahuhumaling sa kaniyang laruan,
ang takureng ginamit sa pagkakape sa umaga,
at ang mga puswelo para magkaroon ng lakas
ng loob sa bawat pagsisimula ng ating mga araw.
Hinahanap ko ang mga porselana ng ating pagtatagpo
sa mga hapunan, maging ang basang tuwalyang
nag-iiwan ng mantsa sa balat ng ating higaan.
Lahat ng ito’y nanlilisik na nakasalansan.

Nais ko’y muling mabulabog ang mga parihaba nating mundo.
Nais kong pasukin, kung iyong mamarapatin, ang mga silid
na may bakas ng pakikipagbuno sa ating mga araw.
Iyon, mahal, ang susi para malangisan
ang kinakalawang na kandado’t serdura.

Hulyo 13, 2006

***

Ngayong umuulan

Ito na ang katuparan ng ating panaginip sa Abril.
May hamog sa salamin ng durungawan,
lunti ang mga talahib at mga dahon ng atis,
humahampas sa mukha ang hagupit ng hangin,
nanunuot sa kalamnan ang pinong-pinong tubig.
Ngayong umuulan, naalala ko ang mga mangkok
ng tinola na madalas nating pagsaluhan.
O ang iyong lutong sopas, na pamanang resipi ng iyong ina,
na nagpapagunita sa ating pagkabata.
Minsan ko nang sinabi, sa tila ritwal na paghigop,
pinaghihilom nito ang mga pagal na damdamin
at humihikbing kaluluwa. Nais kong maggayat
ng luya at piliin ang pinakamabisang dahon ng sili,
o kaya’y hiwain sa pinakamaliit na parisukat ang carrot
at himayin sa pinakahibla ng nilagang manok
ngayong mga gabing umuulan.

Ngayong umuulan, kaysarap sanang magtalukbong
sa kumot at mangarap ng mga kaharian mula sa unan.
Kay inam magkunwaring mga batang naglulundag
na walang pasok kinabukasan.
At pagkaraan, tayo’y nagsasalikop ng mga katawan
para kapwa natin labanan ang mga halimaw na kidlat at ginaw.
Sana’y sa iyong pagbalik ay bumubuhos ang ulan.
Masuyo nating pakikinggan ang orkestra ng mga nagising na palaka.
Magpapaanod tayo ng mga bangkang-papel
ng pangarap at manalig sa kaniyang katuparan.


Hulyo 13, 2006

Saturday, July 01, 2006

Memo sa Sarili, Pagkabata, at Huling Nabasa


Unang Linggo ng Hulyo-makasulat ng dalawang kuwentong pambata. Ititigil ko muna ang panonood ng sine at DVD. Ititigil ko muna ang pagsurf sa net.

Hulyo 25: Deadline ng Pagsusulat ng Proposal para sa PhD.

Isang magandang text message na ipinadala sa akin ni Elyrah:

Proofs dat you enjoyed your childhood:

--nagbyebye sa eroplanong dumadaan
--naglaro ng chinese garter with the golden rule “dead mother, dead lahat”
--naglaro ng langit-lupa, PSPS, pog, tex, bangkang papel, dampa
--kabisado ang kantang “batibot”
--nakipagbahay-bahayan
--ayaw matulog sa tanghali
--nakipagsuntukan o sabunutan sa kaaway tapos tatayo nang matapang at aawit ng “nyenyenyenye, hindi naman masakit.”

Ganito naman ang bersiyon ko. Heto ang mga matitingkad na eksena ng aking pagkabata:

--Naligo sa malakas na buhos ng ulan at pumuwesto sa alulod dahil sa malakas na buhos nito. Hindi ko alintana kung ang bubong ay may jebs ng pusa.
--Magpaanod ng bangkang papel habang malakas ang ulan.
--Magyugyog ng mga puno ng mangga para bumagsak ang mga salagubang.
--Hulihin ang mariposa at ilagak sa kahon na may bulak.
--Mamitas ng mga pulang-pulang aratiles at magmiryenda ng mga kamias na may sawsawang asin.
--Maghanap ng “ginto” sa aspaltong kalye.
--Makipagbahay-bahayan, bangko-bangkuhan, titser-titseran sa malawak na hardin ng kapitbahay
--Ang sumakay ng tsubibo at katerpilar, at masaksihan ang amazonang kumakain ng buhay na manok sa perya
--Manood ng “Ang Mga Batang Yagit” (na-miss ko sina Tom Tom at Jocelyn) at “Anna Luna” sa tanghali. Pati ng “Shaider” sa mga hapon ng Sabado ba o Linggo
--Maglaro ng pinoy-style na football na mala-baseball ang tuntunin
--Mangolekta ng stamps, stationery, coins, butones, at shells.
--Kabisado ko rin ang kantang “Batibot”
--Ayaw kong matulog sa tanghali. Gusto kong manghuli ng tutubi sa playground. Pati ng gagamba at tipaklong. O makipagpatintero.
--Nanghuhuli ng gurami at maliliit na isa sa bukid na bahagi ng unibersidad
--Magbasa ng komiks na ipinaparenta ng kapitbahay.
--Magtinda-tindahan ng sago’t gulaman.


Huling Napanood:

“Real Women Have Curves”—Hiniram ko ang video na ito sa library ng departamento. Nagustuhan ko ang patong-patong na isyu, tulad ng patong-patong na bilbil ng tauhan sa pelikula: ang usapin ng katawan, ang usapin ng mga babaeng natali sa cheap labor, ang halaga ng pagkabirhen, ang pagpapatuloy ng sariling ambisyon kahit salungat sa tradisyong pampamilya, ang pagkakaroon ng tiwala at pagpapahalaga sa sarili, ang paghahanap ng sariling “ginto”, pananalig sa sarili at pagkilos tungo sa sariling kaligayahan. Hindi na-resolve ang lahat ng usapin. Magiging pantasya naman kasi kapag na-resove lahat. Pero gusto kong eksena ang akto ng paghuhubad ng mga babaeng tauhan. Kahit pa balot sila ng mga cellulite, mga bilbil, at taba? Pagtutol ito sa dikta ng lipunan na dapat ganito at ganyan ang katawan ng babae. Sa eksenang ito, masasabi kong hindi ko sinayang ang oras ko. Mas mabuti ito kaysa manood ako ng “Superman”.

Mga Huling Nabasa:

“Zen Shorts” ni Jon J. Muth—Caldecott Honor Book ngayong taon at masasabi kong mas maganda kaysa sa nagwagi ng medalya. Kasing-cute ni Totoro ang panda na si Stillwater. Nakapaloob sa aklat ang tatlong klasikong Zen stories na inihandog ng autor sa mambabasa—isang matandang lalaking nagregalo ng lumang damit sa magnanakaw, ang suwerte o malas na di matimbang at mahulaan ang halaga, at ang monghe na may bagaheng hindi niya mabitawan. Ang kuwento ng bagahe ang pinakasimple at pinakamalalim sa lahat. (Nagustuhan ko na kapag naibaba ko na ang bagahe, hindi ko na ito “dadalhin” pa sa mga susunod pang araw.) Tulad ng mga Asyanong salawikain, ang mga Zen stories ay ikinuwentong pilosopiya. Patunay ito sa katalinuhan at sa munting hiyas ng asal ng mga Hapon. Teknik ng autor ang paglikha ng isang representasyon ng tauhang storyteller. Lilikha ito ng sitwasyon para iangkop ang pagkukuwento sa mga bata.

“Henry and Mudge and the Great Grandpas” ni Cynthia Rylant—Ito ang kauna-unahang aklat na nagwagi ng Theodor Seuss Geisel Award para sa mga aklat para sa higit na nakababatang mambabasa. Akmang parangal sa ambag ni Dr. Seuss sa ligaya ng pagbabasa. Kabaligtaran ng mga aklat ni Seuss, hindi nakatutuwa ang aklat na ito. Pero, magaan at nakalulan sa benign na mundo. Ipinapakita sa mga batang mambabasa ang ligya ng buhay kahit matatanda na ang mga tao. Walang conflict o tunggalian. Walang drama. Walang tema ng kamatayan, pagkakasakit, kalungkutan sa pag-iisa. Selebrasyon ito ng isang perpektong Linggo, ng engkuwentro ng bata at matanda, at ng isang hapon na natuklasan ng bata at ng kaniyang aso ang lawa-lawaan sa gubat, ang paglangoy kasama ng mga matanda, at pagmemeryenda ng spaghetti with meatballs.

“When I’m Big” ni Debi Gliori—Nasa gasgas (sa totoo lang, gasgas na gasgas talaga) na teknik ng mga enumerasyon ng paghaharaya ng bata kung siya ay matanda na. Ipinapakita rito ang mahinahong subersiyon ng tauhan na gagawin ang kaniyang nais na walang superbisyon ng magulang at nakatatanda—magpuyat, kumain ng mga nais kainin, ipagmaneho ang ama kaysa siya ang pasahero, maglaro ng pangmatandang laro, mamisikleta nang dalawang gulong. Namuhunan ang manunulat sa enumerasyon, ang kaso’y hindi lahat ng kaniyang inilahad ay interesante. Gayunpaman, malakas ang dating ng wakas ng pag-iisa-isa. Sa pagmumuni ng bata, naisip niyang mainam din palang maging musmos. May pasaporte siya para makitulog sa pagitan ng sariling ama at ina. Tinagurian niya itong “safest place in the world”. Romantiko at klasiko ang ganitong motif. Sa mga fairy tales, ang maiwan ang batang mag-isa sa daigdig, ang maabandona ng magulang, o iligaw sa gubat ay nagpapaliwanag sa kanilang matinding kinatatakutan. Kaya may mga librong nagpapatibay sa tungkulin ng mga magulang para makaramdam ng katiwasayan ang mambabasa.

“The Dragon Machine” ni Helen Ward—Nang una kong makita, nabighani ako sa ganda ng mga larawan. May pagka-Jon Scieszka ang mga guhit pero malamlam ang gamit ng mga kulay. Makaraang basahin, higit palang maganda ang kuwento. Ukol ito sa isang invisible na bata na siya lamang ang nakakakita ng mga dragon sa paligid. Sa pananaw ng mga matatanda, imaginary lamang ito. Dahil natukoy ng bata ang dragon, nagbunga ito ng gulo. Nagpasimula ang bata ng adbentura, tulad ni Pied Piper na titipunin ang mga munting dragon at dadalhin kung saang isla. Nilikha ng bata ang kaniyang dragon machine, inakit ang mga dragong makukulit hanggang sa lumagpak ito sa isang isla. Malabo ang nais sabihin ng kuwento ito—hindi malinaw ang problema ng bata, maraming lebel ng pagpapakahulugan, hindi rin malinaw ang resolusyon. Nakadepende ang kuwento sa mga tagong teksto sa mga larawan. Pero may iisang kakintalan akong nakuha: may makapangyarihang mata ang bata na daig ang anumang makina.

Ganito rin ang diwa ng “Snow” ni Uri Shulevitz—Sa tagpuang Russia o di ko matukoy na bansa sa Europa, may batang nanalig na babagsak ang snow. Nakita niya ang isang snowflake na agad naglaho. Gayundin ang pangalawa. Walang naniwala sa kaniya dahil hindi naman puti ang paligid. Iyon din ang sabi ng telebisyon: walang snow. Pero mapagmasid at naniwala ang bata. Nanalig siya sa sariling pagmamasid. Sa huli, umulan nga ng niyebe at naging puti ang paligid. Selebrasyon ito ang kapangyarihan ng tinig ng bata.

“Pedro and Me” ni Judd Winnick—Isang graphic novel na ipinahiram sa akin ng kaguro. Magandang babasahin para sa AIDS education. Ukol ito kay Pedro Zamora na naging HIV positive sa gulang na 17 dahil sa kaniyang mga karanasan sa nakatatandang lalaki. Limang taon lamang ang kaniyang itinagal matapos ang pagkakatuklas na iyon. Hindi niya sinayang ang kaniyang buhay sa desperasyon. Sinikap niyang magmahal at magkaroon ng misyon sa buhay. Nabuhay siyang nagkalat ng impormasyon sa safe sex at digital sex. Kinilala ng bansa ang tunguhin nyang iyon. Malagim ang detalye sa aklat ukol sa mga sakit. Hindi ito nananakot pero sa pagkakalarawan, nararamdaman ko ang lungkot na hindi makapagsalita, ang hindi makaalala, ang hindi makagalaw, at ang atakehin ng mga mikrobyong kayang patayin ang maysakit.