Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Saturday, July 01, 2006

Memo sa Sarili, Pagkabata, at Huling Nabasa


Unang Linggo ng Hulyo-makasulat ng dalawang kuwentong pambata. Ititigil ko muna ang panonood ng sine at DVD. Ititigil ko muna ang pagsurf sa net.

Hulyo 25: Deadline ng Pagsusulat ng Proposal para sa PhD.

Isang magandang text message na ipinadala sa akin ni Elyrah:

Proofs dat you enjoyed your childhood:

--nagbyebye sa eroplanong dumadaan
--naglaro ng chinese garter with the golden rule “dead mother, dead lahat”
--naglaro ng langit-lupa, PSPS, pog, tex, bangkang papel, dampa
--kabisado ang kantang “batibot”
--nakipagbahay-bahayan
--ayaw matulog sa tanghali
--nakipagsuntukan o sabunutan sa kaaway tapos tatayo nang matapang at aawit ng “nyenyenyenye, hindi naman masakit.”

Ganito naman ang bersiyon ko. Heto ang mga matitingkad na eksena ng aking pagkabata:

--Naligo sa malakas na buhos ng ulan at pumuwesto sa alulod dahil sa malakas na buhos nito. Hindi ko alintana kung ang bubong ay may jebs ng pusa.
--Magpaanod ng bangkang papel habang malakas ang ulan.
--Magyugyog ng mga puno ng mangga para bumagsak ang mga salagubang.
--Hulihin ang mariposa at ilagak sa kahon na may bulak.
--Mamitas ng mga pulang-pulang aratiles at magmiryenda ng mga kamias na may sawsawang asin.
--Maghanap ng “ginto” sa aspaltong kalye.
--Makipagbahay-bahayan, bangko-bangkuhan, titser-titseran sa malawak na hardin ng kapitbahay
--Ang sumakay ng tsubibo at katerpilar, at masaksihan ang amazonang kumakain ng buhay na manok sa perya
--Manood ng “Ang Mga Batang Yagit” (na-miss ko sina Tom Tom at Jocelyn) at “Anna Luna” sa tanghali. Pati ng “Shaider” sa mga hapon ng Sabado ba o Linggo
--Maglaro ng pinoy-style na football na mala-baseball ang tuntunin
--Mangolekta ng stamps, stationery, coins, butones, at shells.
--Kabisado ko rin ang kantang “Batibot”
--Ayaw kong matulog sa tanghali. Gusto kong manghuli ng tutubi sa playground. Pati ng gagamba at tipaklong. O makipagpatintero.
--Nanghuhuli ng gurami at maliliit na isa sa bukid na bahagi ng unibersidad
--Magbasa ng komiks na ipinaparenta ng kapitbahay.
--Magtinda-tindahan ng sago’t gulaman.


Huling Napanood:

“Real Women Have Curves”—Hiniram ko ang video na ito sa library ng departamento. Nagustuhan ko ang patong-patong na isyu, tulad ng patong-patong na bilbil ng tauhan sa pelikula: ang usapin ng katawan, ang usapin ng mga babaeng natali sa cheap labor, ang halaga ng pagkabirhen, ang pagpapatuloy ng sariling ambisyon kahit salungat sa tradisyong pampamilya, ang pagkakaroon ng tiwala at pagpapahalaga sa sarili, ang paghahanap ng sariling “ginto”, pananalig sa sarili at pagkilos tungo sa sariling kaligayahan. Hindi na-resolve ang lahat ng usapin. Magiging pantasya naman kasi kapag na-resove lahat. Pero gusto kong eksena ang akto ng paghuhubad ng mga babaeng tauhan. Kahit pa balot sila ng mga cellulite, mga bilbil, at taba? Pagtutol ito sa dikta ng lipunan na dapat ganito at ganyan ang katawan ng babae. Sa eksenang ito, masasabi kong hindi ko sinayang ang oras ko. Mas mabuti ito kaysa manood ako ng “Superman”.

Mga Huling Nabasa:

“Zen Shorts” ni Jon J. Muth—Caldecott Honor Book ngayong taon at masasabi kong mas maganda kaysa sa nagwagi ng medalya. Kasing-cute ni Totoro ang panda na si Stillwater. Nakapaloob sa aklat ang tatlong klasikong Zen stories na inihandog ng autor sa mambabasa—isang matandang lalaking nagregalo ng lumang damit sa magnanakaw, ang suwerte o malas na di matimbang at mahulaan ang halaga, at ang monghe na may bagaheng hindi niya mabitawan. Ang kuwento ng bagahe ang pinakasimple at pinakamalalim sa lahat. (Nagustuhan ko na kapag naibaba ko na ang bagahe, hindi ko na ito “dadalhin” pa sa mga susunod pang araw.) Tulad ng mga Asyanong salawikain, ang mga Zen stories ay ikinuwentong pilosopiya. Patunay ito sa katalinuhan at sa munting hiyas ng asal ng mga Hapon. Teknik ng autor ang paglikha ng isang representasyon ng tauhang storyteller. Lilikha ito ng sitwasyon para iangkop ang pagkukuwento sa mga bata.

“Henry and Mudge and the Great Grandpas” ni Cynthia Rylant—Ito ang kauna-unahang aklat na nagwagi ng Theodor Seuss Geisel Award para sa mga aklat para sa higit na nakababatang mambabasa. Akmang parangal sa ambag ni Dr. Seuss sa ligaya ng pagbabasa. Kabaligtaran ng mga aklat ni Seuss, hindi nakatutuwa ang aklat na ito. Pero, magaan at nakalulan sa benign na mundo. Ipinapakita sa mga batang mambabasa ang ligya ng buhay kahit matatanda na ang mga tao. Walang conflict o tunggalian. Walang drama. Walang tema ng kamatayan, pagkakasakit, kalungkutan sa pag-iisa. Selebrasyon ito ng isang perpektong Linggo, ng engkuwentro ng bata at matanda, at ng isang hapon na natuklasan ng bata at ng kaniyang aso ang lawa-lawaan sa gubat, ang paglangoy kasama ng mga matanda, at pagmemeryenda ng spaghetti with meatballs.

“When I’m Big” ni Debi Gliori—Nasa gasgas (sa totoo lang, gasgas na gasgas talaga) na teknik ng mga enumerasyon ng paghaharaya ng bata kung siya ay matanda na. Ipinapakita rito ang mahinahong subersiyon ng tauhan na gagawin ang kaniyang nais na walang superbisyon ng magulang at nakatatanda—magpuyat, kumain ng mga nais kainin, ipagmaneho ang ama kaysa siya ang pasahero, maglaro ng pangmatandang laro, mamisikleta nang dalawang gulong. Namuhunan ang manunulat sa enumerasyon, ang kaso’y hindi lahat ng kaniyang inilahad ay interesante. Gayunpaman, malakas ang dating ng wakas ng pag-iisa-isa. Sa pagmumuni ng bata, naisip niyang mainam din palang maging musmos. May pasaporte siya para makitulog sa pagitan ng sariling ama at ina. Tinagurian niya itong “safest place in the world”. Romantiko at klasiko ang ganitong motif. Sa mga fairy tales, ang maiwan ang batang mag-isa sa daigdig, ang maabandona ng magulang, o iligaw sa gubat ay nagpapaliwanag sa kanilang matinding kinatatakutan. Kaya may mga librong nagpapatibay sa tungkulin ng mga magulang para makaramdam ng katiwasayan ang mambabasa.

“The Dragon Machine” ni Helen Ward—Nang una kong makita, nabighani ako sa ganda ng mga larawan. May pagka-Jon Scieszka ang mga guhit pero malamlam ang gamit ng mga kulay. Makaraang basahin, higit palang maganda ang kuwento. Ukol ito sa isang invisible na bata na siya lamang ang nakakakita ng mga dragon sa paligid. Sa pananaw ng mga matatanda, imaginary lamang ito. Dahil natukoy ng bata ang dragon, nagbunga ito ng gulo. Nagpasimula ang bata ng adbentura, tulad ni Pied Piper na titipunin ang mga munting dragon at dadalhin kung saang isla. Nilikha ng bata ang kaniyang dragon machine, inakit ang mga dragong makukulit hanggang sa lumagpak ito sa isang isla. Malabo ang nais sabihin ng kuwento ito—hindi malinaw ang problema ng bata, maraming lebel ng pagpapakahulugan, hindi rin malinaw ang resolusyon. Nakadepende ang kuwento sa mga tagong teksto sa mga larawan. Pero may iisang kakintalan akong nakuha: may makapangyarihang mata ang bata na daig ang anumang makina.

Ganito rin ang diwa ng “Snow” ni Uri Shulevitz—Sa tagpuang Russia o di ko matukoy na bansa sa Europa, may batang nanalig na babagsak ang snow. Nakita niya ang isang snowflake na agad naglaho. Gayundin ang pangalawa. Walang naniwala sa kaniya dahil hindi naman puti ang paligid. Iyon din ang sabi ng telebisyon: walang snow. Pero mapagmasid at naniwala ang bata. Nanalig siya sa sariling pagmamasid. Sa huli, umulan nga ng niyebe at naging puti ang paligid. Selebrasyon ito ang kapangyarihan ng tinig ng bata.

“Pedro and Me” ni Judd Winnick—Isang graphic novel na ipinahiram sa akin ng kaguro. Magandang babasahin para sa AIDS education. Ukol ito kay Pedro Zamora na naging HIV positive sa gulang na 17 dahil sa kaniyang mga karanasan sa nakatatandang lalaki. Limang taon lamang ang kaniyang itinagal matapos ang pagkakatuklas na iyon. Hindi niya sinayang ang kaniyang buhay sa desperasyon. Sinikap niyang magmahal at magkaroon ng misyon sa buhay. Nabuhay siyang nagkalat ng impormasyon sa safe sex at digital sex. Kinilala ng bansa ang tunguhin nyang iyon. Malagim ang detalye sa aklat ukol sa mga sakit. Hindi ito nananakot pero sa pagkakalarawan, nararamdaman ko ang lungkot na hindi makapagsalita, ang hindi makaalala, ang hindi makagalaw, at ang atakehin ng mga mikrobyong kayang patayin ang maysakit.