Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Thursday, July 13, 2006

Tuwing umuulan, masarap tumula-tula

Sayang naman ang romansa ng panahon kaya heto, nakasulat ako ng dalawang tula. Hindi pa ito pino, nahihiya pa akong tawaging "tula" pero gusto kong paniwalain na nagsulat nga ako ng "tula". Nakakainspire talaga ang bugso ng mga tubig at ang lamig na dulot nito. May sariwa itong naidulot sa akin. Nagising kaya ako? Ewan. Ang tatlong tula ay para kay C. Sana, magustuhan niya. Utang ko sa kaniya ang karanasang ng persona sa tula.

***

Alamat ng Punong Kabalyero

Unti-unti nang nalalagas
ang mga pulang talulot ng punong kabalyero.
Tapos na ang tag-araw
at ngayon, buwan ng Hunyo,
may naghihingalong baga sa aking paanan—
sinisimot ng hamog ang kaniyang sidhi
habang binubuhay ng mga diyoses ng lagablab
ang nalalabi pang tingkad.
(Kagila-gilalas, sa isip ko,
ang kamatayan ng mga duguang bulaklak
ay nagsilang ng isang alamat.)
Maaari kayang pinag-alab ang mga talulot
ng mga pulang-pulang pagnanasang pinaslang,
pinaslang dahil hindi mabibigyang-ngalan?
Tumilamsik kaya ang dugo, umagos at nalikom sa kung anong antas
Ng lihim na dagat-dagatan sa kailaliman ng mundo?
Nais ko’y angkinin ang mga talulot,
Ako itong kabalyerong laging nangangarap
Ng mga tanghaling-tapat ng mga tag-araw;
Mapaso man itong hubad na palad
bago pa man maagnas ang kanilang angking ningas.

Hunyo 29, 2006

***

Itong pagbubukas ng pinto

Matagal ko nang isinusumpa ang pagbubukas ng mga pinto.
Minsan nang bumigay ang susi sa aking pagsuko
na may gabing ako ang hinihintay at pagbubuksan.
May kung anong bumabara sa lagusan
kaya pinagpapawisan ako sa tuwing nagmamadaling
umuwi para salubungin ang mga pusa nating naglalambing
at pagkaraa’y hihilata sa kamang may marka
ng ating pinagsaluhang pananaginip at pagkakahimbing.
Kanina, matapos ang muling mahuli ang sariling
binabakas ng iyong mukha sa kawalan,
mas naramdaman ko ang hirap nitong pagsuong.
Batid kong batid mong kalilinis lamang ng bahay.
Maganda ang isasalubong sa iyo ng makintab na sahig,
puting dingding ng banyo, bagong-labang kobrekama,
at kakakabit na kurtina. Batid kong ngiti ang iyong isasalubong
sa bawat hakbang papaloob sa ating mga pinagdikit na kahon.

Ngayon, hinahanap ko ang bukas na telebisyon
na naglalako ng mga hungkag na aliwan,
ang mga hiyaw ng tila batang nahuhumaling sa kaniyang laruan,
ang takureng ginamit sa pagkakape sa umaga,
at ang mga puswelo para magkaroon ng lakas
ng loob sa bawat pagsisimula ng ating mga araw.
Hinahanap ko ang mga porselana ng ating pagtatagpo
sa mga hapunan, maging ang basang tuwalyang
nag-iiwan ng mantsa sa balat ng ating higaan.
Lahat ng ito’y nanlilisik na nakasalansan.

Nais ko’y muling mabulabog ang mga parihaba nating mundo.
Nais kong pasukin, kung iyong mamarapatin, ang mga silid
na may bakas ng pakikipagbuno sa ating mga araw.
Iyon, mahal, ang susi para malangisan
ang kinakalawang na kandado’t serdura.

Hulyo 13, 2006

***

Ngayong umuulan

Ito na ang katuparan ng ating panaginip sa Abril.
May hamog sa salamin ng durungawan,
lunti ang mga talahib at mga dahon ng atis,
humahampas sa mukha ang hagupit ng hangin,
nanunuot sa kalamnan ang pinong-pinong tubig.
Ngayong umuulan, naalala ko ang mga mangkok
ng tinola na madalas nating pagsaluhan.
O ang iyong lutong sopas, na pamanang resipi ng iyong ina,
na nagpapagunita sa ating pagkabata.
Minsan ko nang sinabi, sa tila ritwal na paghigop,
pinaghihilom nito ang mga pagal na damdamin
at humihikbing kaluluwa. Nais kong maggayat
ng luya at piliin ang pinakamabisang dahon ng sili,
o kaya’y hiwain sa pinakamaliit na parisukat ang carrot
at himayin sa pinakahibla ng nilagang manok
ngayong mga gabing umuulan.

Ngayong umuulan, kaysarap sanang magtalukbong
sa kumot at mangarap ng mga kaharian mula sa unan.
Kay inam magkunwaring mga batang naglulundag
na walang pasok kinabukasan.
At pagkaraan, tayo’y nagsasalikop ng mga katawan
para kapwa natin labanan ang mga halimaw na kidlat at ginaw.
Sana’y sa iyong pagbalik ay bumubuhos ang ulan.
Masuyo nating pakikinggan ang orkestra ng mga nagising na palaka.
Magpapaanod tayo ng mga bangkang-papel
ng pangarap at manalig sa kaniyang katuparan.


Hulyo 13, 2006