Kasi, ang tagal kong nawala.
Hindi naman sa tinatamad ako, pero medyop toxic ang pagtatapos ng buwan ng Marso. At ang dami ko ring ginawa noong unang linggo ng Abril hanggang mag-Semana Santa.
Nagbalik ako sa Hong Kong para sa aking kaarawan. Saka na lang muna ang mga photos. Sa dami, hindi ko malaman kung paano pagkakasyahin sa Flickr account ko. Natupad naman ang gusto ko sa ikalawang pagbabalik doon: nakasakay ako ng Star Ferry sa gabi, nakasakay ako ng lumang tram sa Hong Kong Island, at nakapunta ako sa dalawang museo para sa sining at kasaysayan. Dito ko napagtanto na may kaluluwa pala ang isang lugar na minsan kong tinawag na "mall" lamang ng Pilipinas.
Ilang araw pagkaraan ng Hong Kong, umakyat naman ako sa Baguio. Una ko itong appearance sa madla pagkaraan ng lahat ng aberya. Masaya pala ang pakiramdam na may ibinabahagi ka sa mga batang manunulat. Masarap din ang pakiramdam na alam mong may magagawa ka pa sa mundong ito. Para sa akin, sapat na ito para mabuhay muli ako. Natutuwa rin ako sa karanasan bilang panelist at mentor sa writeshop para sa panitikang pambata. Una, talagang interes ko ang panitikang ito. Pangalawa, naging magaan ang trabaho dahil magaang kasama ang iba pang mentoring panelists. Marami akong natutunan sa personal na karanasan, lalo na sa pagdukal ng karanasan bilang materyal sa lektyur ni Luis Gatmaitan. Iyon din ang natutunan kong bago sa bisa ng pananaliksik at ang pagtataguyod ng kabihasnang Filipino sa panayam ni Heidi Abad ukol sa bago niyang aklat ukol sa mga cultural icons. Teorya ukol sa mabisa at makabuluhang panulat para sa kabataan naman ang hatid na impormasyon ni Lalaine Aquino. Simple pero matalas ang talinong ibinigay ni Dean Jaime An Lim para sa mga writing fellows.
Hindi naman ako nahuli sa pagbabasa, bagamat talagang nasira ang aking reading program.
Kahuli-hulihan kong nabasa ang "The Little Engine That Could" (ni Watty Piper) na binili ko sa ukay-ukay ng mga libro sa SM City Baguio, kasama ng ibang panelists. Klasiko at kompletong bersiyon ang nakuha ko. Rekomendado rin ito ni Heidi sa akin. Pagkaraang mabasa, saka ko nasabi kung bakit ito naging klasiko--nasa pormula ng repetisyon, gumagamit ng personipikasyon, cute ang mga tauhan. May musikalidad din sa dialogo. Pero higit pa rito, pinatatatag nito ang loob ng mga bata. Sense of achievement? Marahil. O simpleng pagkilala sa kanilang potensiyal.
Mga huling napanuod:
"Nanny McPhee"--mas masayang bersiyon ng Mary Poppins. Gusto ko tuloy mabasa ang librong pinagbatayan ng pelikula.
"Ice Age 2"--masaya naman, natuwa ako sa mga interteksto; may mga eksenang pangmatanda pero sa kabuuan, mainam ang animation. Kinakitaan ko rin ito ng mga elemento mula sa epiko.
"Thief Lord"--mas maganda pa rin ang aklat ni Cornelia Funke pero sa pelikula, lubos kong nakita ang lunang Venice.
"Paradise Now"--ngayon lang ako muling nakapanuod ng matibay na wakas o ending ng pelikula; binigyan nito ako ng bagong pananaw ukol sa krisis ng mga Palestino sa Israel.
"Match Point"--napaka-Pilipino ng kuwento; naaalala ko ang mga kuwento ng panlilinlang sa mga relasyon. Ngunit matalino ang pagkakahawak ni Woody Allen sa kaniyang materyal. Patunay ito na kahit gasgas ang materyal, magiging bago ang atake sa naratibo. Maikakategorya ko ito bilang isang film noir. Kinilabutan ako sa sinasabi ng kuwento: na minsan, mas maiging maging masuwerte kaysa dakila.
"Derailed"--Nakita ko na naman ang Chicago sa pelikula! Ok, sige na nga, manonood ako ng komersiyal na pelikula. Ang tagal kong hindi nakapanood kaya patol lang nang patol. Misteryoso naman ang kuwento bagamat may mga bahagi na matutukoy mo na ang lihim sa likod ng panggigipit sa isang lalaking nasa bingit ng kawalang-pag-asa. Tila cautionary tale ito sa sinomang nais mangaliwa.
"Family Stone"--Pampasko pero akma pa rin kahit napanuod ko ng summer dito. Muli, napaka-Pilipino ng materyal. Gusto ko ang paglalangkap ng komedi at drama; dagdag na puntos dito ang halaga na idinidiin ukol sa pamilya.
"Red Balloon"--Isang short film ng France na nagtataglay ng poetika at elemento ng panitikang pambata. Dinala ko ang kopya sa Writeshop sa Baguio at ipinanuod ko sa mga fellows. Nagustuhan naman nila itong tila silent film na naratibo. Mahuhulog ang loob ng lahat sa pagkakaibigan ng isang bata sa isang pulang lobo.
"Children of Heaven"--Muli kong pinanuod makaraang makahanap ng sariling kopya sa HK. Super recommended ko ang pelikulang ito sa mga kaibigang nagbabasa ng blog na ito. Napakasimple pero napakabisa ng kuwento. Patunay ito sa kadakilaan kahit simple ng ambisyon ng mga batang may malasakit sa kapwa.
At para sa Semana Santa, nagpakalunod kami sa first season ng "Grey's Anatomy". Tama ang sabi ng mga review, nakaka-adik. Gusto ko ang pagiging tao ng mga doktor, habang hawak nila ang scalpel sa pagbubukas ng mga lamang-loob ng kapwa. Dalawang episodes na lang, matatapos ko na. Ayaw ko munang mamaalam sa kanila.
Ngayon lamang muli ako naadik sa t.v. series matapos ng 24 at Desperate Housewives. At hindi ko ito pinagsisisihan.