Post-Baguio Readings
“Dear Peter Rabbit” ni Alma Flor Ada—Bagong paraan ng pagkukuwento sa isang picture book, gamit ang teknik na epistolaryo o mga sulatan ng mga kilalang tauhan sa aklat pambata at fairy tales. Hindi lubos na maiintindihan ang aklat kapag hindi nabasa ang aklat nina Peter Rabbit, Goldilocks, Little Red Riding Hood, at Three Little Pigs. Pinakagusto kong bahagi sa aklat ang pagdaragdag ng manunulat na si Goldilocks ay anak ni Mr. McGregor na binalak hulihin si Peter Rabbit. Nakakaaliw ang pagkukuwento kahit na sanitized version ang kuwento ng Three Little Pigs.
“Russell The Sheep” ni Rob Scotton—Kuwento ng isang sheep na hindi makatulog sa gabi at ginawa ang lahat—mula sa paghahanap ng tamang lugar sa pagtulog at pagbibilang—para hagilapin ang antok. Para sa mga malilikot na bata na hirap sa pagtulog. Mainam ang gamit ng exaherasyon sa kuwento bilang elemento ng humor (e.g. mabibilang ba ng dalawang beses ang mga bituin sa gabi?).
“Lilly’s Big Day” ni Kevin Henkes—Isa sa mga paborito kong picture book ang “Owen” ni Henkes; ngayon, pinahanga naman niya ako sa tauhan niyang si Lilly na gustong-gustong maging flower girl sa kasal ng kaniyang guro. Nagpresenta siya bilang flower girl, nagpraktis pa pero hindi siya ang pinili. Sa huli, natanggap niya ang balita at nagpresentang maging assistant ni Ginger, ang mas batang flower girl. Aliw ang eksena ng martsa sa kasal. Lalo na’t ayaw maglakad ni Ginger. Natupad ni Lilly ang maglakad sa papuntang altar, habang karga ang bata.
“Olivia” ni Ian Falconer—Isa sa mga tauhan sa children’s literature na naitampok sa postage stamp ng US. Pero ngayon ko lamang ito nabasa. Nagustuhan ko ang kuwento dahil sa masaya nitong nilalaman. Ito’y hindi kuwento ng baboy na kakatayin tulad ni Wilbur sa “Charlotte’s Web.” Gusto ko rin ang pagbasag sa imahen ng baboy na antukin. Si Olivia sa aklat ay magulo, mahilig sa damit, may alagang hayop, mahil magbasa, may interes sa painting at museo at may nakukuhang inspirasyon sa mga sining. Kahanga-hanga ang makabasa ng isang biik na may kultura tulad ng pagkahanga ko kay Butsiki, sa “Unang Baboy sa Langit” na ubod nang linis.
“And If the Moon Could Talk” ni Kate Banks—Kapansin-pansin ang disenyo ng kuwento na halinhinan ang paglalarawan sa loob at labas ng silid ng isang bata. Gayundin ang pagtalakay sa kalikasan at mga ritwal bago matulog. Romantiko ang mga imahen ng paghaplos ng dilim sa disyerto, sa mga leon, sa mga tala, sa dagat, at ang pagningning ng buwan. Para sa akin, mas mainam ang aklat na ito kaysa sa klasikong “Goodnight Room.”
“The Story About Ping” ni Marjorie Flack—Naalala kong ikinukwento ito sa amin ng guro noong kinder ako pero ngayon ko natuklasan ang aklat na ito. Naalala ko lang noon, may isang maliit na bibe na pinapalo kapag nahuhuli siya sa pagsakat sa bangka. Hindi naman ako ipinagkanulo ng aking gunita. Iyon pa rin ang kuwento. Isang bibe, si Ping, na ayaw mapalo kaya nagpasya siyang matulog sa labas para makaiwas sa malupit na parusa. Doon nagsimula ang kaniyang mga di kanais-nais na pakikipagsapalaran—ang muntik nang maging ulam sa hapunan ng isang Tsinong pamilya. Hindi ko gusto ang sinasabi ng aklat. Laban ito sa paggalugad ng mga bata sa kanilang daigdig. Marahas din ang pagpaparusa sa tauhan. Isa itong halimbawa ng panitikang pambata na pumapabor sa matatanda at sa otoridad. Tradisyonal at makaluma ito at tiyak kong magugustuhan ng nakapangyayari. Hindi disiplina ang itinuturo ng aklat kundi bulag na pagsunod at pagyuko sa pagmamalabis ng nasa kapangyarihan.
“The Last Puppy” ni Frank Asch—Heto na naman ang isang poetika ng aklat pambata, tulad ng “Leo the Latebloomer.” Pinapaksa nito ang pagiging dehado ng bunso at ng pinakabata sa magkakapatid na tuta at ang mga insidente na siya lagi ang hindi napapansin. Sa wakas, matitikman niya ang pagkilala, pagtanggap at pagmamahal sa isang bata na umangkin sa kaniya bilang “una niyang tuta.”
“Grandfather’s Journey” ni Allen Say—Bukod kay Tomie de Paola, ito pa lamang ang aklat pambata na nagustuhan ko na tumatalakay sa kasaysayang pampamilya ng manunulat. Mainam ang pagkakasulat at pagkakaguhit ng manlilikhang si Say, idagdag pa ang mahalaga nitong pinapaksang mga Asyano sa Amerika. Gusto ko ang pagkakaguhit ng lawak ng karagatan, ang masigasig na ilog, ang ginintuang kabukiran, ang pagkakatagpo ng iba’t ibang lahi. Naalala ko ang talambuhay ni Carlos Bulosan, isang Pilipino, na nanahan at nagtrabaho sa Estados Unidos. Bakit walang akdang Filipno na katulad nito? Buti pa ang mga Hapon, mayroong Caldecott Medal at Newbery na pumapatungkol sa kanilang kasaysayan sa U.S. Sa paglalakbay ng lolo ni Allen Say sa Amerika, lagi’t lagi niyang naaalala ang iniwang bansa. Sa kaniyang nostalgia sa pagiging destierro at paggunita sa mga bundok at ilog ng kaniyang nilisan, nag-alaga siya ng mga ibon sa kaniyang kuwarto para marinig at mabuhay sa kaniyang espasyo ang bayan niya. Napakarikal niyon maging ang pagtukoy na ang kanilang buhay pagkaraan ng digma ay ikinalat tulad ng dahon sa sigwa.
“The Hello, Goodbye Window” ni Norton Juster—Caldecott Medal winner ngayong 2006. Hindi ko gusto ang mga ilustrasyon. Masyadong pambata at masyadong pa-cute para sa aking panlasa. Ngunit nagustuhan ko ang nilalaman. Heto pa lang yata ang picture book na Amerikano na napaka-Filipino ng nilalaman. Ganito ang mga hulma ng nagwawagi sa PBBY. Ukol ito sa pagdalaw ng bata sa tahanan ng kaniyang lolo at lola. Sa aklat, buhay na buhay ang karakter ng lolo, lola, at ng batang tauhan. Sentro sa kanilang masayang buhay ang isang bintana na sa pananaw ng bata’y nagdudulot ng salamangka sa kanilang buhay at naghuhudyat ng pagdating at pag-alis ng bata. Halos benign ang kanilang mundo—ito’y isang kuwentong walang conflict pero ramdam na ramdam ko ang puso ng kuwento—ang paglalaro sa hardin, pagtugtog ng harmonica, ang pagluluto, ang pagtingin sa tala, ang pagharaya sa binatana.
Huling Napanood:
“Squid and the Whale”—Hindi nasayang ang oras ko. Naalala ko ang “Happiness” at ang “Storytelling” sa pelikulang ito. Kakaiba ang screenplay sa pagtalakay ng buhay ng dalawang manunulat na maghihiwalay na; bago rin ang pagtalakay sa coming-of-age ng dalawang anak nilang lalaki. Gayumpaman, di ako komportable sa depiksiyon ng mga manunulat sa pelikulang ito.
<< Home