Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Tuesday, January 31, 2006

Listahan 2006

1. Kaltasan ang sarili ng mga 40 pounds.
2. Tapusin ang aking Ph.D. (Para matapos lang.) Sisimulan ko sa paghahanda ng aking proposal.
3. Makapagsimulang mag-gym (cardio lamang), pagkatapos ng aking stress test.
4. Makapagbasa ng apat na Japanese novels, bago ako magsimulang magturo sa June 2006.
5. Maging habit na ang walking, ang paglalakad sa mga malalapit na lugar (mula apartment papuntang bank, library, college, shopping center).
6. Maisubmit sa UP Press ang aking critical essay manuscript.
7. Matuto ng iba't ibang paraan sa paghahanda ng fruit shake sa blender.
8. Matutong magluto ng sinigang na tanguinge sa miso. (Sarap!)
9. Maghanap ng illustrator sa ibang kuwentong pambata ko na ready na for publication (tatlo iyon).
10. Bumisita sa bahay sa Antipolo para makipag-bonding sa kapatid at magulang; para kumain ng mga prutas; para magpaluto ng ginataang papaya o kalabasa; para magpaluto ng inihaw na tilapia at pusit.
11. Get-together sa mga kaibigan; habang para kaming mga kambing na kumain ng gulay at prutas.
12. Magpapayat. Magpapayat. Magpapayat.
13. Ayusin ang schedule ng sarili. Iwasan ang matulog sa tanghali. Maging busy.
14. Magbasa ng mga librong masarap basahin.
15. Magtapon ng mga bagay na dapat itapon.
16. Makapaglakbay sa Cordillera region sa summer (puwedeng Sagada, Banaue, o Baguio).
17. Sumulat ng tatlong kuwento para sa sariling katuparan ng sining.
18. Makipagkita kay Ma'am Gaying at magsimula ng mga bagong proyekto.
19. Matutong mamalengke sa totoong palengke (Farmer's Market ng mga isda at seafoods).
20. Magbirthday sa bahay ng aking magulang.

Ukol sa "Bago"

Kagabi, pinagtiyagaan kong makipanuod ng "Walk The Line." Sabi ng Golden Globes, maganda raw ang pelikulang ito; kaya nga nanalo ng iba't ibang parangal. Pero habang nanunuod, hindi ko maalis sa isip na walang bago sa pinapanuod ko. Napanuod ko na ang ganitong pelikula--tungkol sa isang mang-aawit na nagumon sa droga sa pag-angat ng kaniyang kasikatan, na sa bandang huli'y magiging hadlang sa kaniyang lalong pag-unlad.

Walang bago sa pelikulang pinapanuod ko. Nagbago lang ng mga pangalan, ng lunan, ng panahon. Parang kuwento ni Ray Charles. Parang nagsayang lang ako ng panahon. Gusto ko'ng makapanuod, makabasa ng mga bago.

Para umakma sa puso kong bago, sa buhay kong binabago.

Sunday, January 29, 2006

"Homeless Bird" ni Gloria Whelan


Ito ang kauna-unahang aklat na nabasa ko sa aking tinatawag na ikalawang buhay. Nahanap ko ang sariling kopya, matapos nang matagal-tagal na pagtitimpi na huwag bumili ng bago't sariling kopya sa Fully-Booked. Ito ang isa sa mga aklat na nararapat lang bilhin sa mga Booksale. Sa ika-19 ng Enero, matapos maglibot-libot sa Booksale sa Robinson's Ermita, ilang oras bago ang aking atake sa puso, nakita ko ang aklat na ito. Kasama pa ng isang pamagat na isinulat ni Eva Ibbottson, ang Which Witch.

Tulad ng aking suspetsa, may mga bahagi sa nobelang ito na lantarang inabuso ang mga kultural na detalye--ang mga tradisyon sa pagpapakasal, ang mga gawaing domestiko, ang kalikasan, ang materyal na kultura tulad ng paghahabi. Narito rin ang pagtalakay sa relihiyon ng India--ang Jainism at Hinduism; ang paraan ng pag-cremate ng tao; at ang pananalig sa kanilang mapagpalang ilog ng Ganghes. Masyado yatang marahas ang terminong inabuso. Pero sa pagbabasa, napansin kong kinasangkapan ang nobelistang si Whelan ang mga deskripsiyon para mapanatili ang interes ng mga mambabasa sa kanilang binabasa. Hindi naman ako nasuya sa mga bahaging ito, dahil ako ma'y mahilig sa mga detalyeng antropolohikal. Ang ikinakatakot ko'y baka maging labis na teknikal ito sa mga batang mambabasa.

Walang bago sa nobelang ito. Isang batang babae na naitulak sa arranged marriage sa kanilang bansa sa India. Ang isang tanong ko sa aklat, "Ano'ng panahon ang ginaganapan ng kuwento?" Lumalabas na walang proteksiyon ang mga batang babae sa India; bibihira ang nakakapag-aaral, at naituturing na kasangkapang pang-ekonomiya lamang. Sa ganitong kapalaran ni Koly, nasabak siya sa sari-sari pang mga problema--pagiging biyuda, pag-abandona ng pamilya, kahirapan, karahasan ng lungsod, pagkakaharap sa prostitusyon, child labor, kawalan ng tahanan. Muli, isa na naman itong problem novel--bagay na sagana ang young adult/ young people's litarature.

Medyo nalungkot ako. Ito pa naman ang una sa aking nabasa, pagkaraan kong gumaling sa aking sakit. Wala akong bagong nakuha sa aklat. Gusto ko ng bagong mababasa sa YA novel.