Pangalawang Buhay

Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa.

Saturday, January 26, 2008

Mga Kaibigang Manunulat


Ang tagal na naming pinaplano ang magkaroon ng isang opisyal na araw para sa picture taking. Hindi kami makomple-kompleto. Pag kompleto naman, wala kaming dalang kamera. May isang araw na sabay-sabay kaming nagsulat sa Faculty Center. Mas masarap magsulat at mag-workshop nang may kasama. Pero sabi ni Luna, nagdadaldalan lang naman kami kaya wala kaming gaanong nagagawa.

Ngunit masaya kami sa mga panahong nagkakasama pagkatapos magturo. Dala ko si Binembi, ang aking MacBook, buong lugod kaming pumosisyon para magkasya kami sa frame. At nagkasya kaming apat--ako at si Luna Sicat-Cleto na nagmamay-ari ng silid na madalas naming workshop area. Pinakahihintay namin ang bagong nobela ni Luna na magiging doktor na rin! Nalalapit na ang kaarawan niya. Nandito rin sa larawan sina Elyrah Salanga at Will Ortiz na kasama ko sa pagsulat ng textbook sa malikhaing pagsulat at sa pagwo-workshop ng mga kuwento at sanaysay para mailathala. Hinihintay ko ang kauna-unahang librong mailalathala ni Elyrah. Ito ang lagi kong dedikasyon sa mga librong pinapapirma niya. Pagbati naman kay Will na malalathala sa isang international children's literature journal ang kaniyang kritisismo.

Ito ang grupong alam ang ibig sabihin ang "hesitation", "nasaan si Luna?", "nasaan si Elyrah?", "lui-lubi", "garapon", at ang pinakabagong "baker ba ako?"

Mainam na pruweba ang larawang ito. Hindi lahat ng manunulat ay matanda na, o hukluban, o nag-iisa. Hindi lahat ng manunulat ay walang matinong kaibigan, o nagsusumingit, at nalulunod sa kumunoy ng karalitaan. Tulad ng karaniwang tao, may karaniwang buhay at ligaya rin ang mga manunulat.

Labels: ,

Bagets: An Anthology of Filipino Young Adult Fiction


Nalathala at nailunsad noong 2007, ngayon ko lamang maipapakilala ang aking inedit na aklat para sa kabataan/ young adult na "Bagets: An Anthology of Filipino Young Adult Fiction". Inilathala ito ng The University of the Philippines Press, at kasamang editor ko si Carla Pacis.

Bukod na nalathala rito ang aking kuwentong "Stainless" na naunang nailathala sa refereed journal na "Philippine Humanities Review" ng UP College of Arts and Letters, kalahok rin dito ang aking kritikal na introduksiyon na "Ang Kabataan, ang Lipunang Filipino, at ang Bagets".

Mabibili sa lahat ng mga pangunahing bookstore sa bansa. Maging sa UP Press Bookstore sa Balay Kalinaw sa halagang PhP 150.

Labels: ,

Thursday, January 17, 2008

Shameless Plug: Mga Bagong Publikasyon



Tatlong akda ko ang nalathala ang dalawang antolohiya noong Disyembre 2007.

Nalahok ang aking dalawang tulang "Silab" at "Hardinero" sa ""Ladlad 3: Ang Anthology of Philippine Gay Writing". Sa wakas, matapos ng ilang taong paghihintay, lumabas na rin ang antolohiyang ito. Salamat sa mga editor na sina Neil Garcia at Danton Remoto sa pagkonsidera ng aking mga tula.

Sinubukan ko ring sumulat ng kuwentong hindi pambata. Napaikling kuwento nito--kilala bilang kuwentong paspasan. Ito ang mga bagong flash fiction; ang kontemporaryong bersiyon ng dagli. Nalahok sa antolohiyang "Kuwentong Paspasan" ang aking akdang "Birthday Leave" na naisulat ko mula sa isang napakasayang/nakakatawa/ nakasusukang kuwento sa akin ng aking nanay. Salamat kay Vince Groyon sa pagpili ng aking katha.

Ang sarap mapublish, magbasa, at mabasa!

Labels: ,

Tuesday, January 15, 2008

Bagong Newbery/Caldecott Awardees



Kung marami ang naghihintay kung sino ang mananalo sa Golden Globes at Oscars, mas pinakahihintay ko bawat Enero ang anunsiyo ng American Library Association ng kanilang taunang Newbery at Caldecott winners.

Obsesyon kong maituturing ang basahin at bumili ng mga aklat na may ginto at pilak nitong sticker. Pinakahihinaty ko ang anunusiyo para magkaroon ako ng ideya kung ano'ng aklat ang aking babasahin. Ito ang patnubay ko sa pagbili ng librong pambata.

Daig ko pa yata ang Amerikano sa pag-aabang na ito. Isama na ang anunsiyo ng National Book Award para sa Young People's Literature at ang Carnegie Medal ng UK.

Tandang-tanda ko pa na noong nasa ospital ako, dalawang taon na ang nakaraan, habang nakaratay at nagpapagaling mula sa operasyon, ipinatanong ko pa sa mga kaibigan kung ano ang nanalong aklat ang nanalo sa Newbery at Caldecott. "Criss-Cross" ang nanalo noon na nagkaroon ako ng kopya pero hindi ko pa nababasa. Sakit ko na ang bumili ng mga aklat kahit ang bagal-bagal kong magbasa at naiipon o natatambak lamang ang mga ito sa isang silid. Sana'y may mahaba akong panahon para makapagbasa lamang.

Matagal nang may buzz ang "The Invention of Hugo Cabret". May hype sa aklat na ito. Tila mainit ito dahil sa bandwagon ng mga kakaibang aklat pambata sa disenyo, anyo, at ilustrasyon. Pinaghalong graphic novel, pelikula, at nobela ito na nasa anyong mytery at historical fiction. Bago pa man ito napansin ng NBA at ng Caldecott, binili ko ang kopya nito. Makapal ang aklat at hitik sa black and white na illustrasyon. Hindi ito picture book na kadalasang nananalo ng Caldecott. Pagkaraan kong mabasa ang aklat, naisip kong hindi ito pang-Newbery. Sa isip ko, sana mapansin ito sa Caldecott dahil sa pagkasining ng ilustrasyon. At nangyari nga.

Pagbati kay Brian Selznick! Ramdam ko ang tuwa niya sa anunsiyong ito. Para na rin akong nanalo bilang isang mambabasa niya.

Para sa mga bagong-waging mga aklat, asahang lilitaw ito sa aking wishlist ng Shelfari. Madaragdagan na naman ang aking mga pinakahahabol na aklat na hahanapin sa Booksale. At kung hindi ako makapaghintay, sa Fully-Booked.

Oo nga pala, niregaluhan ako ng PhP 1,500 gift cheque mula sa Fully-Booked. May mapagpipilian na ako.

Labels: , ,

Friday, January 11, 2008

Magandang Pasok ng Taon


Hindi naging mabait sa akin ang nakaraang Pasko. Nagkasakit ang tatay ko. Namatay ang hinahangaan kong manunulat at dating guro. Nagkasakit ako pagkatapos ng noche buena. Marumi ang aking nakain kaya sumama ang tiyan ko. Huli kong sakit sa tiyan ay noong Grade 6 ako. naulit muli ito noong Pasko. Talaga nga naman. Ang pangit ng timing. Hindi ako nakipagparty sa mga kaibigan at kasama sa trabaho. Walang pagkaing masarap sa bahay ng magulang ko; nadali pa ako ng food poisoning. Isang positibong nangyari ay hindi ako nakapagtakaw sa nakaraang kapaskuhan.

* * *

Noong nakaraang linggo, nakapagbakasyon ako sa Tagaytay. Pinakahihintay ko ang bakasyong ito. Hindi natuloy ang pinaplanong lipad sa Vietnam dahil sa nagtaas bigla ng pamasahe. Mahirap talagang iasa sa travel agency ang bakasyon ng tao. Nakakain ulit kami ni Chris ng mushroon burger; nalamigan ako habang nakatanaw sa bulkan ng Taal; nakapagpahinga ako sa Mi-Jo na paborito ko na yatang tirahan sa Tagaytay. Nakapagmaneho din ako sa bakanteng lote sa Alfonso, Cavite. Oo, impormal akong nag-aaral magmaneho.

***

Mukhang desidido ako sa aking film viewing list. Napanuod ko ang mga sumusunod:
1. Au Revoir Le Enfants--mainam na kapanabay na pelikula ng "Schindler's List"; tungkol sa kapalaran ng mga batang Jew Sa France
2. La Dolce Vita--matagal ipinagbawal sa Vatican dulot ng maamundong buhay na ipinapakita ng mga pangunahing tauhan
3. Chasing Amy--matagal ko nang hinahanap at natuwa ako sa kakaibang depiksiyon ng lesbianismo/ bisexualismo sa kuwento. Nga pala, nasa Criterion Collection ito
4. Sana Maulit Muli--matagal ko na ring nais mapanuod at ikinagagalak ko ang mainam at komplikadong kuwento sa pelikula; balak ko tuloy ipapanuod ito sa klaseng Pan Pil 19 (Sexualidad, Kasarian, at Panitikan)

***

Natutuwa ako sa generous na papuri ni Dr. Lilia Antonio sa mga isinusulat kong aralin sa inihahandang textbook sa malikhaing pagsulat. Pakiramdam ko, para muli akong estudyante sa elementarya na nagnanais makakuha ng ribbon bilang simbolo ng karangalan.

Nais ni Dr. Antonio ng mga paglalarawan at simpleng pagtalakay sa mga konsepto ng panitikan. Nais din niya ng mga kongkretong halimbawa at malikhaing gawain o pagsasanay. Mabuti't natutugunan ko ito. Mas ginaganahan tuloy akong sumulat pero ang hirap sumulat nang mabilisan. Matagal akong sumulat. Gusto ko'y marami akong binabasang reperensiya bago sumulat. Pinag-iisipan ko rin nang husto ang mga malikhaing gawain at estratehiya sa pagsulat ng aralin.

Kahit textbook, kinakarir ko ang pagsusulat. Kailan pa nga ba magsisimula ang seryoso at matalinong pagsusulat ng mga textbook para sa mga Filipinong mag-aaral?

***

Kay tagal kong nang hinahanap ang pelikulang "Chasing Amy" at "Insiang". Mabuti't nakita ko ito noong nakaraang linggo at kanina. Kopya sa isang video store ang isa. Pinirata at pinagkakitaan. Ang isa nama'y binili ko nang orihinal.

Maganda ang pasok ng taon.

***

Maganda ang pasok ng taon.

Pagpunta ko kanina sa Mall of Asia, nabigla akong may sale ng mga libro sa National Bookstore. Mang-iinggit ako kay Will na nakakuha ng Annotated Alice in Wonderland sa Sta. Cruz, Manila. At nakakuha ng librong Olivia sa Booksale.

Mas masuwerte yata ako. (Parang batang nang-iinggit ang tono). Nakuha ko sa halagang PhP 10 (sampung piso!) hanggang 30 ang mga sumusunod:
"Seek" ni Paul Fleischman--isang YA novel
"Dress Your family in Corduroy and Denim" ni David Sedaris--kalipunan ng sanaysay
"Tending to Grace" ni Kimberly Fusco--YA novel na poetiko ang pagkakasulat
"Heartbeat" ni Sharon Creech--novel in blank verse na nabasa ko pero ngayp'y may sarili na akong kopya
"Mother Ignacia" ni Dulce Baybay--biography for children
"Andres Bonifacio" ni Isagani Medina--biography for children
"Teodora Alonso" ni Ambeth Ocampo--biography for children; sa tatlong aklat ng Tahanan Books for Young Readers, pinakanagustuhan ko ang isinagawa ni Ocampo. May kuwento at naratibo ang isinulat niya. Nagkaroon ng buhay ang biograpiya. Naiyak ako sa huling sulat ni Rizal para sa ina. Maikli pero malaman. napakadramatiko ng pagsusulat ni Ocampo. Hitik sa impormasyon pero interasante. Impormasyonal at nakatali sa historikal na pagsusulat ang kina Medina at Baybay. Halos walang bago sa isinulat ni Medina. Batid ko na ito. Hamon naman ang kay Baybay dahil limitado ang dokumento tungkol kay Mother Ignacia. Kung kaya, kung ano-ano ang kaniyang tinalakay tungkol sa Intramuros at sitwasyon ng mga sangley sa bansa.

Nakabili rin ako ng hardbound edition ng paboritong nobelang pangkabataan na "Out of the Dust" ni Karen Hesse sa halagang PhP 20.

***

Nagpacheck-up na ulit ako sa cardiologist. Nagbalik-loob ako sa halos isang taon na pagtatago sa kaniya.

Hindi ako napagalitan dahil bumaba (significant na pagbaba) ang aking cholesterol, SGPT, at triglycerides.

"Pero pangit pa rin," sabi niya sa akin.

Baka akala niya, hindi na ulit ako magda-diet.

Salamat sa tulong ng oatmeal, pineapple juice, at pag-eehersisyo sa treadmill.

***

Maganda ang pasok ng taon.

Nagkaroon ako ng bagong libro ng mga tula ng hinahangaan at iginagalang kong makatang si Rogelio Mangahas. Autographed at may dedikasyon pa. Maraming salamat. Sana'y makatagpo ako ng inspirasyon, tiyak iyon, sa mga kalipunan ng haiku ni Mangahas.

***

Sa wakas, nakahanap na ako ng sariling kopya ng "Jumanji" ni Chris Van Allbsburg. May medalya pa ng Caldecott ang aklat. hardbound pa. At malinis kahit na punit-punit ang book jacket.

Kay tagal ko itong hinintay sa Booksale.

Sana'y matagpuan ko na rin sa lalong madaling panahon ang "Doctor de Soto" ni William Steig.

***

Natanggap ko na rin pala ang aking Centennial Loyalty Award! Sampung libo para sa sampung taong serbisyo. Hindi na masama. Ito ang sampung libo na napakataas ng halaga para sa akin.


***

Tila nanumbalik na ang aking interes sa pagtuturo. Kaysarap makakita ng mga matang kumikislap sa bagong kaalamang napupulot sa paaralan.

***

Maganda ang pasok ng taong 2008; bumabawi sa lungkot na dulot ng nakaraang Disyembre.

Labels: , ,

Saturday, December 29, 2007

Mga Bagong Paborito ng 2007


Nagbalik-suri ako sa aking blog. Nakita ko ang deskripsiyon nito--"Sa bagong pagkakataon, ligaya sa pagbabasa." Nais ko itong dagdagan ng ligaya sa paglikha, pagtuklas, pagkatha, at pagtuturo.

Sa mga susunod na taon, sana'y makatuklas ako ng bagong hinahangaang manunulat at manlilikha. Ngayong 2007, ibinibigay ko ang karangalan sa mga sumusunod na manunulat at ilustrador na nagbukas ng mga pinto sa aking imahinasyon at kamalayan, mga nilalang na nagpamalas sa mga bagong uniberso ng pagmalikhain. Sila'y ang mga sumusunod:

1. Brian Selznick para sa "The Invention of Hugo Cabret" na ibinalik ang aking tiwala sa pagbabasa at tila pelikula kung babasahin at para akong nakapulupot sa kumot sa gabing malamig at umuulan
2. Shaun Tan para sa "The Arrival" na dakilang nobelang wordless!!!
3. Marjane Satrapi para sa "Persepolis" na isang sanaysay sa grapikong anyo
4. Gullermo del Toro para sa "Pan's Labyrinth" na napagsama ang fantasya at historya
5. William Steig para sa "Doctor de Soto" na nagbigay sa akin ng ilang impit na pagtawa
6. Sonya Hartnett para sa "The Silver Donkey" na ibinabalik ang aking pagkabata
7. David Weisner para sa "Flotsam" na mapaglaro ang ilustrasyon
8. Macario Pineda para sa "Suyuan sa Tubigan" na matimpi at mabisang ginamit ang mga imahe at sitwasyon
9. Florian Henckel von Donnersmarck para sa "The Lives of Others"
10. Luna Sicat para sa "Si Laya Dimasupil" na pinapalawak ang posibilidad ng wikang Filipino
11. Emily Gravett para sa "Wolves" na mapaglaro ang disenyo
12. Michelle Knudsen para sa "Library Lion" na nagpagunita sa ligaya ng aklat at library noong nasa elementarya pa ako
13. Olivia Lamasan para sa "Sana Maulit Muli" na matalinong dramang komersiyal
14. Demi para sa "The Empty Pot" at "The Hungry Coat" na kapwa pilosopikal na folktale na may ilustrasyong parang nakaukit sa porselanang Intsik
15. Antoinette Portis para sa "Not a Box" na nagpupugay sa imahinasyon at mayamang pag-iisip ng bata sa isang ordinaryo at simpleng bagay na kahon

Maraming salamat sa inyong panulat. Aabangan ko ang inyong mga susunod na akda.

Ikinararanagal ko kayong mabasa!

(Tala sa larawan: Mula sa ilustrasyon ni Shaun Tan.)

Labels: , , ,

"The Arrival" ni Shaun Tan at ang aking Edukasyong Biswal




Hindi ako pinamihasa ng aking magulang sa pagbabasa ng komiks. Marahil, hindi talaga sila bumibili ng mga libro para basahin bilang aliwan o labas sa konteksto ng edukasyon. Tangi nilang binibili dati ay broadsheet at tabloid. May isang taong naka-subscribe kami sa Asia Week magasin.

Sa kapitbahay lamang ako nakahihiram noon ng komiks. Hindi ko ito nagustuhan. Siguro'y hindi ko naman talaga gustong magbasa ng sinusubaybayan. Hindi ko hilig ang sundan ang isang kuwento. Para akong binibitin. Kapag nasa probinsiya naman ako, at wala akong mahanap na mapaglibangan, nagbabasa ako ng komiks. Mahilig magbasa ng komiks ang mga tao sa aming lugar. Doon ko nakilala ang kuwento ni Negro Bandido. Nakapagbasa rin ako ng mga grapikong kuwento ng katatakutan. Mahihiya ang anumang antolohiya ng horror stories ngayon sa nabasa kong kuwento sa komiks na palengke ng mga lamang-loob ng tao. May komiks na ilustrasyon ng popular na kanta gaya ng "If You're Not Here". Tila ba ito ang sinaunang bersiyon ng MTV sa aking henerasyon. Siyempre, natuklasan ko rin ang mga komiks na itinatago-tago ng aking tiyo. Ito ang mga pornograpikong komiks na nagmulat sa akin sa tinatawag na "hibo ng kalupaan."

Aaminin ko, mababa ang tingin ko sa komiks. Natuwa pa ako noon na nawala na ito o tumamlay sa bansa sa paglipas ng panahon.

Nitong mga nakaraang taon, nagbanyuhay (bagong anyo ng buhay o banyuhay) ang komiks. Naging graphic novel ito. Nasa wikang Ingles. Masining ang pagkakaguhit at kuwento. Hamon sa pagbabasa ang kaalaman sa biswal na kahulugan. Nagpatulong pa ako sa mga kakilala kung paano ba magbasa ng ganitong akda. Para akong nag-aral muling magbasa. Palibhasa, ang tagal na panahon kong isinara ang aking mga mata sa komiks.

Ilan sa mga nasa kong graphic novels na tumatak sa aking isipan ang mga gawa ni Craig Thompson na autobiograpikal na "Blankets" at ang halos pambata niyang "Good-bye, Chunky Rice" na tungkol sa magkaibigan pagong at daga. May kopya rin ako ng "Persepolis" ni Marjane Satrapi at paunti-unti ko itong binabasa. Inibig ko rin ang bagong anyo ng "The Invention of Hugo Cabret" ni Brian Selznick na pinaglangkap ang nobela at pelikula.

Kanina, nabasa ko ang graphic novel na "The Arrival". Inakala kong isa na naman itong ordinaryong kuwento ng mga imigranteng nakahanap ng bagong paraiso sa Estados Unidos. Sa pagbuklat ko ng mga pahina, namangha akot sariwa ang kaniyang atake sa pagkukuwentong biswal. Makahulugan ang mga larawan kaugnay sa takot, pangamba. Bago ang mga imahe para ipakita ang culture shock, ang pagtitiis, ang kalungkutan sa pag-iisa, ang pag-iisa sa kalungkutan. Hindi sentimental o emosyonal ang mga ilustrasyon. May hibo ito ng pantasya tulad ng mga pantasya ni Dr. Seuss.

Nakapasok ako sa mundo ng tauhan. Paano niya sasalubungin ang isang bagong bansa na may bagong wika at itsura? Paano ito ipakikita sa biswal na pamamaraan?

May kaugnay na kuwento ang pangunahing tauhan--mula sa ibang kultura at ibang bansa; kung paano sila tumakas sa kahirapan, pang-aabuso, at panganib. Talagang lupain ng paraiso ang USA sa akda ngunit hindi naging madali sa mga tauhan ang asimilasyon dito. Mahirap mag-isa. Mahirap iwan ang mga bagay na malapit at mahal.

Kuwento ito ng pakikipag-ugnayan ng mga magkakaibang kultura sa kanilang bagong lupain. Kubling paksa nito ang tolerance at pakikipagkaibigan.

May kamahalan ang presy ng aklat. Babalikan ko ito para muling basahin. Sana'y makalikha ang mga Filipino ng ganitong akda para ilarawan sa biswal at naratibong pamamaraan ang pangingibang-bayan.

Labels: , ,

Friday, December 28, 2007

"Totoro" at ang mga Haiku Moments


Muli kong pinanuod ang isa sa paboritong pelikulang pambata, ang "Totoro." Hindi pa rin nawawala ang aking pagkagiliw rito; hindi katulad ng ibang pelikulang may bisa lamang sa unang panunuod. Mas nakikita ko ngayon ang ibang mga imahe na hindi ko nasumpungan sa mga naunang panunuod. Ito ang hamon sa panunuod ng mga pelikulang may subtitle: nagbabasa ka ng maraming elemento tulad ng dialogo, imahen, musika, atbp. (Kaya marahil marami ang nahihintakutan sa panunuod ng pelikulang binabasa.)

Sa pangatlong panunuod, minatyagan ko ang gamit ng mga kulay. Napakaaliwalas nito. Nagpapahiwatig ng magaan na pamumuhay sa lalawigan ng Japan.

Nabighani din ako sa mga tahimik na eksena. Malaki ang ambag nito sa aking pagsusulat ng mga kuwentong pambata. Naalala ko ang tawag dito ng kaibigang si Bernadette na "haiku moments." Maraming eksenang mala-haiku sa pelikula. Nabighani ako sa eksena ng malinis na sapa, ng poso, ng lawa-lawaan na may butete, ng patak ng ulan, ng mga munting lawa dulot ng ulan.

Naitampok din dito, sa pakubling pamamaraan, ang pagmamahal sa bayan. Walang duda, ang Japan ang isa sa mga bansang nirerspeto ko dahil sa pangangalaga nila sa kanilang kalikasan. Narito ang mahika ng pagtatanim at pagbibigay-buhay mula sa kamay ng mga batang tauhan. Narito ang sense of wonder tulad ng pagkakamangha sa lumang bahay, sa mga puno, sa umuusbong na supling, sa hangin, at maging sa alikabok.

Bakas ko rin ang pormulang pambata sa pelikula tulad ng pagkakagamit ng mitolohiya, pagkakatuklas, pagsuot sa lagusang mahiwaga, at ang ambisyon na makalipad.

Hindi rin mawawala ang kultura ng pagkabata tulad ng pagiging mahiyain, paglalaro, nag-uumapaw na lakas.

Napaka-ideyal na mundo ng pelikula. Ganitong buhay ang nais ko sa aking pagtanda--ang balikan ang aking pagkabata at ang mga hiwaga ng pagkabata.

(Tala sa larawan, kung ganito ang sasakyang susundo sa akin papunta sa ekuwelahan, gaganahan akong pumasok.)

Labels:

Mga Huling Napanuod

Hindi ko na hihintayin ang 2008 para manood ng mga pelikulang nailista ko sa huling blog. Sa ngayon, nakaapat na pelikula na akong napanood sa pagitan ng pagpapagaling sa sarili matapos makakain ng madumi at paggawa ng mga aralin sa isang textbook sa malikhaing pagsulat.

1. "Psycho" ni Alfred Hitchcock--pioneering daw sa pyschological mystery; may mga elementong nanliligaw at mabibigla na lamang sa pagwawakas ng pelikula.
2. "Pan's Labyrinth" ni Guillermo del Toro --muli kong pinanuod kagabi; nawala na ang una kong pagkagiliw dito pero maituturing ko pa ring isa sa mga paborito sa paglalangkap ng pantasya at ng realidad. Gusto ko tuloy basahin ang aklat na naging impluwensiya niya sa pagsusulat--"The Science of Fairy Tales" na available sa library.
3. "Schindler's List" ni --muli kong pinanuod kagabi. Ganito yata ang nagagawa ng nagkakasakit--naghahanap ng lunas sa magagandang sining. Muli na naman akong pinalungkot ng karahasan at krimen sa nakaraang digmaang pandaigdig. Bakit kaya ang lalim ng galit at takot ng daigdig sa mga Hudyo? (Nagkaroon na rin ako ng sariling paliwanag sa batang babaeng nakapula sa daigdig ng itim at puti.)
4. "Taxi Driver" ni Martin Scorsese--sa unang mga eksena, na-turn off ako sa mga usok na lumilitaw sa mga imahe. Pagkaraan, nakapasok na ako sa mentalidad ng beterano sa digmaan na hindi makatlog at naghahanap ng mapaglilibangan at ikasasagip ng kaniyang lipunan. Magandang halimbawa ito ng isang tauhang binuwang ng sistemang panlipunan sa Amerika.

Wala ito sa listahan ng pinakamainam na pelikula pero pinanuod ko pa rin:

1. "Superbad" ni Greg Mottola--ganito ng pelikula kapag nagkakaroon ng kaunting laman ang walang kawawaan.
2. "I am Legend"--pinanuod ko lang dahil kay Will Smith at sa magandang trailer na nakikita ko. Walang bago. Parang isang bersiyon ito ng "28 Days Later". Magandang eksena rito ang tunggalian sa tauhan na mahala na mahal niya ang aso at nais niyang isalba ito sa pagiging infected ng mikrobyo.

Labels:

Monday, December 17, 2007

1001 Films I Must See Before I Die


Walang magawa sa bookstore, binuklat ko ang aklat na "1001 Films You Must See Before You Die" ni Steven Jay Schneider. Napukas nito ang aking atensiyon dahil sa pamagat. Mahilig ako sa listahan; lalo pa sa listahang nagrerekomenda ng mainam na aklat, pelikula, at iba pang uri ng sining. Mahilig din akong magbigay ng suhestiyon sa sariling panonood ng pelikula. Ngayong 2007, ang dami kong napanood na pelikula at muling pinanood. Pero karamihan sa mga iyon ay hindi naman talaga nakapagbukas ng aking kamalayan o imahinasyon o pagkamalikhain. Pinanood ko lamang ito bilang pampalipas o pagpaslang sa oras.

Sa paparating na 2008, napagpasyahan kong panoorin ang mga pelikulang nakalista sa nasabing aklat. Ilan sa mga nakalista sa ibaba ay mayroon na akong kopya. Ang ilan ay muli kong papanoorin dahil bata pa ako nang napanood ko at hindi ko pa ganap na maintindihan.

(May kaisa-isang pelikulang Filipino sa listahang ito. Ikinararangal ko ito bilang Filipino. "Maynila Sa Mga Kuko ng Liwanag" ni Lino Brocka ang naturang pelikula. Nakapanlulumo, hindi pa available ang kopyang DVD nito. Nasaan na kaya ang orihinal na kopyang walang putol. Sa pagkakaalam ko, ang kopya nito na ipinalalabas tuwing Mahal na Araw ay dumaan na sa sensura. Kung may pagpapahalaga ang mga Filipino sa kaniyang sining, marapat na ipaglaban ang pangangalaga sa mga pelikula sa halip na maging torotot lamang sa pagsalubong ng Bagong Taon.)

Mga Dapat Panoorin Ngayong 2008

1. 39 Steps
2. Pather Panchali
3. Wild Strawberries
4. 400 Blows
5. La Dolce Vita--NAPANUOD NA!
6. Breakfast at Tiffany's
7. Viridiana
8. The Birds
9. 8 1/2
10. Psycho--NAPANUOD NA!
11. Butch Cassidy and the Sundance Kid
12. Dog Day Afternoon
13. Taxi Driver--NAPANUOD NA!
14. Starwars
15. Annie Hall
16. Manhattan
17. Hannah and her Sisters
18. Wings of Desire
19. Babbete's Feast
20. Women on the Verge of a Nervous Breakdown
21. Akira
22. Grave of the Fireflies
23. Drugstore Cowboy
24. Three Colors: Blue, White, Red
25. Breaking the Waves
26. Happy Together
27. Mononoke Hime
28. Taste of Cherry
29. Magnolia
30. All About My Mother
31. In the Mood for Love
32. Amores Perros
33. Crouching Tiger, Hidden Dragon
34. Traffic
35. Dancer in the Dark
36. Amelie
37. Spirited Away
38. No Man's Land
39. Moulin Rouge
40. Royal Tenenbaums
41. Talk to Her
42. Oldboy
43. Brokeback Mountain--NAPANUOD NA!
44. Being John Malcovich--NAPANUOD NA!
45. A Streetcar Named Desire
46. Forbidden Games/ Jeux Interdits
47. Umberto D.
48. M. Hulot's Holiday
49. The Seven Samuri
50. La Strada
51. Belle De Jour--NAPANUOD NA!
52. Rashomon
53. Schindler's List--NAPANUOD NA!
54. L' Atalante
55. Henry V
56. Double Indemnity
57. Seventh Seal
58. Jules et Jim
59. The Good, The Bad, The Ugly
60. Last Tango in Paris
61. Amarcord
62. Deer Hunter
63. Ordinary People
64. Au Revoir Le Enfants--NAPANUOD NA!
65. Edward Scissorhands
66. Monsoon Wedding
67. Lost in Translation


Dagdag na Muling Papanoorin
68. Secret of Roan Inish
69.. Pan's Labyrinth-NAPANUOD NA!
70. Totoro-NAPANUOD NA!

Labels: